Aking Kasukdulan Para Sa Kanyang Kadakilaan (My Utmost For His Highest)Halimbawa
Tumutok Tayo sa Punto
Aking Kasukdulan Para Sa Kanyang Kadakilaan. “. . . aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay. . . .” Lahat tayo ay talagang mapapahiya kung hindi natin isususko kay Jesus ang mga bahagi ng buhay natin na ipinasusuko Niya sa Kanya. Tila sinasabi ni Pablo ang, “Determinado ako sa layunin na maging kasukdulan ko para sa Kanyang kadakilaan—ang pinakamabut ko para sa Kanyang ikararangal.” Ang pag-abot sa ganyang antas ng determinasyon ay nababatay sa kalooban, hindi sa debate o pangangatwiran. Ito ay lubos at hindi-na-mababawing pagsuko ng kalooban sa puntong iyon. Ang labis na kakaisip at pagsasaalang-alang sa ating sarili ang humahadlang sa atin na gawin ang pasya na iyan, bagama't itinatago natin ito sa pagkukunwaring ibang tao ang ating isinasaalang-alang. Kung seryoso nating binubulay ang pinsala sa iba kung susunod tayo sa pagtawag ni Jesus, sinasabi natin sa Diyos na hindi Niya alam ang kahihinatnan ng ating pagsunod. Tumutok sa punto—alam Niya. Huwag bigyan ng puwang ang anumang ibang kaisipan at pumirmi sa harapan ng Diyos sa nag-iisang bagay na ito—aking kasukdulan para sa kanyang kadakilaan. Determinado ako na maging lubos at buong-buo na para sa Kanya at sa Kanya lamang.
Aking Hindi-Mapigilang Determinasyon na Maitalaga sa Kanya. “Buhay o kamatayan man ang katumbas nito!—walang diperensiya sa akin!” (tingnan ang 1:21). Determinado si Pablo na walang makahadlang sa kanya na gawin ang tumpak na nais ipagawa sa kanya ng Diyos. Ngunit bago nating piliin na sundin ang kalooban ng Diyos, isang krisis ang kailangang maganap sa ating buhay. Nangyayari ito dahil hindi natin pinapansin ang mga mas banayad Niyang pahiwatig. Dumarating tayo sa punto na hinihingi Niya sa atin na maging ating kasukdulan para sa Kanya, at sinisimulan natin ang pakikipagdebate. Itataon Niyang gumawa ng krisis na kakailanganin nating magpasya—kampi o kontra. Ang sandaling iyon ay magiging isang sangang-daan sa ating buhay. Kung may isang krisis na dumating sa anumang aspeto ng iyong buhay, isuko ang iyong kalooban kay Jesus nang lubos at huwag nang bawiin pa.
Panginoon, ang saklaw ng Iyong kapangyarihan, ang dampi ng Iyong kagandahang-loob, ang paghinga ng Iyong Espiritu—nananabik akong dalhin ng mga ito nang makita Kitang harapan. Patawarin Mo ako dahil nahuli na ako; napakabagal kong mamulat sa ilang nga bagay.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng mahigit na walumpung taon, ang "My Utmost for His Highest" o "Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas" ni Oswald Chambers ay isa sa mga librong pinakamarami nang nakabasa sa mundo ng Cristianismo. Ngayon ay ikinalulugod naming ipalabas ang espesyal na edisyon na itong may tatlumpung debosyonal na pinili mula sa Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas, na idinisenyo upang ipakilala ang isang bagong henerasyon sa walang hanggang mga katotohanan ng Banal na Kasulatan na itinuro sa pamamagitan ng mga hindi nagmamaliw na salita ni Oswald Chambers. Kasama rin sa mga seleksyon na ito ang personal na panalangin ni Oswald Chambers sa bawat gabay.
More