Aking Kasukdulan Para Sa Kanyang Kadakilaan (My Utmost For His Highest)Halimbawa
Ang Ating Pag-aalilangan Kay Jesus
Nasabi mo na ba sa iyong sarili ang, "Hanga ako sa kamangha-manghang mga katotohanan sa Salita ng Diyos, ngunit hindi Niya ako maaaring asahan na maabot iyon at mailapat sa bawat detalye ng buhay ko!" Pagdating sa pagsasaalang-alang kay Jesu-Cristo batay sa Kanyang mga katangian at kakayahan, sinasalamin ng ating mga saloobin ang relihiyosong pagmamataas. Iniisip natin na ang Kanyang mga pananaw ay matayog at napapahanga tayo ng mga ito, ngunit naniniwala tayo na Siya ay walang kamalayan ng realidad—na ang Kanyang sinasabi ay hindi naman talaga magagawa. Ganyan ang turing ng bawat isa kay Jesus sa isa o iba pang bahagi ng ating buhay. Ang mga pagdududa o pag-aalinlangan patungkol kay Jesus ay nagsisimula sa ating pagsasaalang-alang ng mga katanungan na naglilihis ng ating paningin mula sa Diyos. Samantalang ikinukuwento natin ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya, may magtatanong ng, "Saan ka kukuha ng sapat na salapi para mabuhay? Paano ka mabubuhay at sino ang mag-aalaga sa iyo?" O ang ating mga pag-aalinlangan ay nagsisimula sa ating sarili kapag sinasabi natin kay Jesus na masyadong mahirap ang ating sitwasyon para sa Kanya. Sinasabi natin, "Madaling sabihin ang, 'Magtiwala sa Panginoon,' ngunit kailangang mabuhay ng isang tao; at isa pa, wala namang panalok ng tubig si Jesus—walang kakayahang maibigay sa atin ang mga bagay na ito." At mag-ingat sa relihiyosong pandaraya sa pagsasabi ng, "Naku, wala akong pag-aalinlangan kay Jesus, mga pag-aalinlangan lamang sa aking sarili." Kung tayo ay tapat, aaminin natin na hindi tayo kailanman nag-aalinlangan o nagdududa sa ating sarili, dahil alam natin kung ano ang kaya at hindi nating kaya gawin. Ngunit mayroon tayong mga pag-aalinlangan kay Jesus. At ang ating amor propio ay nasusugatan maisip lamang natin na kaya Niyang gawin ang hindi natin kayang gawin.
Ang aking mga pag-aalinlangan ay dahil hinahanap ko sa aking sarili na maunawaan kung paano Niya gagawin ang Kanyang sinasabi. Ang aking mga pagdududa ay nagmumula sa kaibuturan ng aking kababaan. Kung makita ko na mayroon akong mga pag-aalinlangan, kailangan kong dalhin ang mga ito sa liwanag at hayagang ipagtapat—"Panginoon, mayroon po akong mga pag-aalinlangan sa Iyo. Hindi ako nananalig sa Iyong kakayahan, kundi sa sarili ko lamang. At hindi ako nananalig sa Iyong dakilang kapangyarihan malibang abot ng may-hangganang kaunawaan ko."
O Panginoon, ginhawang lubos na ako'y makabaling sa Iyo! Kailangan Kita sa mga paraan na hindi ko man lamang naiintindihan, at naghalong ginhawa at kagalakan ang matuklasan kong sa Iyo ko masusumpungan ang lahat ng aking kailangan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng mahigit na walumpung taon, ang "My Utmost for His Highest" o "Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas" ni Oswald Chambers ay isa sa mga librong pinakamarami nang nakabasa sa mundo ng Cristianismo. Ngayon ay ikinalulugod naming ipalabas ang espesyal na edisyon na itong may tatlumpung debosyonal na pinili mula sa Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas, na idinisenyo upang ipakilala ang isang bagong henerasyon sa walang hanggang mga katotohanan ng Banal na Kasulatan na itinuro sa pamamagitan ng mga hindi nagmamaliw na salita ni Oswald Chambers. Kasama rin sa mga seleksyon na ito ang personal na panalangin ni Oswald Chambers sa bawat gabay.
More