Aking Kasukdulan Para Sa Kanyang Kadakilaan (My Utmost For His Highest)Halimbawa
Ang Nakapanghihimok Na Kadakilaan Ng Kanyang Kapangyarihan
Sinabi ni Pablo na siya ay nalupig, napasuko, at hinahawakan nang napakahigpit ng "pag-ibig ni Cristo." Kakaunti sa atin ang nakakaintindi kung paano nga ba ang mahawakan ng pagmamahal ng Diyos. Kadalasan ay nagpapadala lamang tayo sa ating mga sariling karanasan. Ang nag-iisang bagay na kumapit at humawak kay Pablo, at wala nang iba pa, ay ang pag-ibig ng Diyos. "Ang pag-ibig ni Cristo ang naghihimok sa atin..." Kapag narinig mo ang mga salitang iyon mula sa buhay ng isang lalaki o babae ay hindi mo ito mapagkakaila. Alam mong ang Espirito ng Diyos ay ganap na walang paghahadlang sa buhay ng taong iyon.
Kapag tayo ay isinilang na muli sa pamamagitan ng Espirito ng Diyos, ang ating patotoo ay nakabatay lamang sa kung ano ang ginawa ng Diyos para sa atin, na nararapat lang naman. Ngunit iyon ay mababago at mawawala nang magpakailanman sa sandaling "tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo..." (Mga Gawa 1:8).
At pagkatapos ay doon mo lamang mapagtatanto ang ibig sabihin ni Jesus noong sinabi Niyang, "...kayo'y magiging mga saksi ko..." Hindi saksi kung ano ang kayang gawin ni Jesus---iyon elementarya at alam na---ngunit "mga saksi ko..." Tatanggapin natin ang lahat ng nangyayari na para bang sa Kanya nangyayari ang mga ito, maging ito ay papuri man o paninisi, pag-uusig o gantimpala. Walang sinuman ang kayang manindigan para kay JesuCristo maliban sa taong lubos na nahimok ng kadakilaan ng Kanyang kapangyarihan. Ito ang tanging pinakamahalaga, ngunit kakatwang ito din ang pinakahuling nauunawaan ng mga manggagawang Cristiano. Sinabi ni Pablong siya ay hinawakan nang mahigpit ng pag-ibig ng Diyos kung kaya't ganoon siya kumilos. Maaaring isipin ng mga taong siya ay baliw o matino ang pag-iisip---wala siyang pakialam. Iisang bagay lamang ang kaniyang dahilang mabuhay---ang himukin ang mga tao sa darating na paghuhukom ng Diyos at sabihin sa kanila ang tungkol sa "pag-ibig ni Cristo." Ang lubos na pagsuko sa "pag-ibig ni Cristo" ang nag-iisang bagay na magbubunga sa iyong buhay. At ang katibayang maiiwan ay ang kabanalan at kapangyarihan ng Diyos, at hindi kailanman na magbibigay ng pansin sa iyong pansariling kabanalan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng mahigit na walumpung taon, ang "My Utmost for His Highest" o "Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas" ni Oswald Chambers ay isa sa mga librong pinakamarami nang nakabasa sa mundo ng Cristianismo. Ngayon ay ikinalulugod naming ipalabas ang espesyal na edisyon na itong may tatlumpung debosyonal na pinili mula sa Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas, na idinisenyo upang ipakilala ang isang bagong henerasyon sa walang hanggang mga katotohanan ng Banal na Kasulatan na itinuro sa pamamagitan ng mga hindi nagmamaliw na salita ni Oswald Chambers. Kasama rin sa mga seleksyon na ito ang personal na panalangin ni Oswald Chambers sa bawat gabay.
More