Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Para sa Kagalakang Nakatakda sa Kanya: Isang Debosyonal para sa Pasko ng PagkabuhayHalimbawa

For the Joy Set Before Him: An Easter Devotional

ARAW 3 NG 8

Ang walang kasagutang salitang “Bakit?!” ay umaalingawngaw sa kaibuturan ng aking kaluluwa habang binabasa ko ang kalunus-lunos na pagtataksil ni Judas kay Jesus.

Bakit?

Ginugol ni Judas ang tatlong taon kasama si Jesus! Nakita niya Siyang nagpagaling ng mga maysakit, bumuong muli ng mga sirang buhay at bumuhay ng patay. Narinig ni Judas ang Katuruan patungkol sa pagmamahal.

Bakit?

Tumawa si Judas at naging bahagi ng buhay ni Jesus. Nakita ni Judas ang malahimalang pagdami ng mga tinapay at isda ... nakita niyang kumalma ang isang galit na dagat ... at nakita niyang lumayas ang mga demonyo sa tinig ng Isa na Siyang nagpahayag, “Magkaroon ng liwanag!”

Bakit?!

May puso ba si Judas?!

Nagtungo si Judas sa mga punong saserdote ... hindi sila nagpunta sa kanya. Siya ang pumunta sa kanila.

Kung minsan ay napapaisip ako kung pinagtaksilan ni Judas si Jesus dahil sa sarili niyang pagkagumon. Iniisip ko kung napilitan si Judas na ipagbili si Jesus sa mga mamamatay-tao dahil sa pangangailangan na kailanman ay hindi niya kayang labanan.

Si Judas ang ingat-yaman at alam na alam ng mga disipulo na si Judas ay madalas na nangungupit sa kaban na dapat ay ibinabahagi. Hindi natin alam kung pinagsabihan ng mga apostol si Judas, o kung pinagsabihan siya ni Jesus. Ang tanging alam natin ay may pagkagumon si Judas na kailanman ay hindi niya nagawang harapin.

Sana ay idinulog niya ang kanyang kahinaaan kay Jesus! Sana ay nagtapat siya, nanghingi ng kapatawaran at ng lakas. Ngunit ang mapanira at nakamamatay na pagkagumon ay nanatiling tago at nadaig ang kakayahan ni Judas na lumakad sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita.

Hindi mo man ipagbili si Jesus sa 30 pirasong pilak ngunit ang iyong mga pagkagumon at mga suliranin ay magdudulot sa iyo na gumawa ng mga maling pagpili. Makagagawa ka ng mga bagay na maaaring makapagpahiya sa iyo at iaakay ka pababa tungo sa pagsisisi at pagkakasala

Sasamantalahin ni Satanas ang iyong kahinaan. Ginawa niya ito kay Judas at gagawin niya rin ito sa iyo.

Marahil ay oras na para sa iyo na pumili na kailanman ay hindi nagawa ni Judas ... lumapit ka kay Jesus. Humingi ka sa Kanya ng kapatawaran at lakas. Mamamangha ka sa kung paano nito babaguhin ang huling bahagi ng iyong kuwento!
Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

For the Joy Set Before Him: An Easter Devotional

Ang huling linggo sa buhay ni Jesus ay hindi ordinaryong linggo. Iyon ay oras ng mga masaya ngunit malungkot ding pamamaalam, pagbibigay nang labis, malupit na pagtataksil at mga panalangin na yumanig sa langit. Damhin ang linggong ito, mula sa Linggo ng Palaspas hanggang sa mahimalang Muling Pagkabuhay, habang binabasa natin nang sama-sama ang mga pangyayaring nakasulat sa Biblia. Tayo ay magagalak kasama ang maraming tao sa mga lansangan ng Jerusalem, sisigaw sa galit kay Judas at sa mga sundalong Romano, iiyak kasama ng mga babae sa Krus, at ipagdiriwang ang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay!

More

Nais naming pasalamatan sina Carol McLeod at Just Joy Ministries para sa gabay na ito. Para sa mga karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.justjoyministries.com