Tagumpay Sa Kabila Ng KahinaanHalimbawa
Isang Matatag na Pagtatagumpay
Maraming tao ang umiiwas sa pagdurusa kung papipiliin sila. Ang kalusugan at kagalingan ay itinuturing na mga pangangailangan para sa isang magandang buhay. Mula sa ganitong pag-iisip nanggagaling ang mga madalas na bukambibig, “Buweno, kahit paano ay maganda naman ang kalusugan mo.”Ang ganitong palagay na mabuti naman ang intensyon ay madalas na naglalayong makapagbigay ng lakas ng loob sa mga taong nagdaan sa malaking pagkawala ng kanilang materyal na kayamanan. Ngunit meron pa bang pag-asa o pagpapalakas ng loob na maibibigay sa mga taong may lumalalang karamdaman o kaya naman ay kapansanan sa katawan? Oo! Mayroon kang mababalingan—si Jesu-Cristo, na kusang-loob na kinuha ang iyong kahinaan at kasiphayuan upang maging matatag ang iyong tagumpay.
Ipinakita ni propetang Isaias ang larawan ng isang Nagdurusang Lingkod. Inilarawan ni Isaias ang isang taong piniling batahin ang iyong mga paghihirap sa krus—na kusang nakibahagi sa iyong kahinaan at karamdaman, na kinuha ang hindi kaakit-akit na anyo at hinamak ng mga tao. Tinanggap ng taong ito ang kalungkutan at naranasan ang pinakamatinding kalungkutan na maaaring maisip. At ginawa Niya ito para sa iyong kapakanan.
Ano ang maaaring magtulak sa isang tao upang kusang-loob na makipagpalit ng kalagayan mula sa pagkakaroon ng pinakamataas na karapatan at kapangyarihan tungo sa kasiphayuan at kahinaan? Ang sagot ay pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit ibinigay Niya ang Kanyang Anak, si Jesu-Cristo, bilang handog para sa kasalanan. Ang pag-ibig ng Diyos ang nagdala kay Jesus mula sa Kanyang kalagayan sa kalangitan patungo sa napakababang kalagayan dito sa mundo. Ang pag-ibig ng Diyos ay naipahayag sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang Nagdurusang Lingkod.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng “mabuting plano” ng Diyos (Isaias 53:10) upang tanggapin ka sa Kanyang pamilya. Ang pagdurusa ng nag-iisang Anak ng Diyos ay tinatawag na mabuti para sa kapakanan ng Diyos at sa kapakanan mo.
Anumang pakikibakang kinakaharap mo ngayon, kilalanin mong hindi ka nag-iisa. Si Jesus, sa Kanyang pag-ibig, ay inilagay ang Kanyang sarili kung saan ka naroon. Siya ay hindi tinanggap at hinamak. Itinuring Siyang hindi kaakit-akit at tiniis Niya ang pagmamalupit. Hindi Siya nagkaroon ng mga anak at tinanggihan Siya maging ng mga miyembro ng Kanyang pamilya. Ngunit iniligtas ng Diyos ang nagdurusa Niyang Anak, at ililigtas ka Niya. Bumaling ka kay Jesus ngayon, Siya na nagbibgay ng katiyakan na matatag ang iyong pagtatagumpay.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagdurusa ay maaaring makagulo ng isipan. Ang bayan ng Diyos—at maging si Cristo mismo—ay madalas na nagtatanong ng "Bakit" kapag may kinakaharap na pagdurusa. Binuksan ng Banal na Kasulatan ang kurtina upang isiwalat ang ilan, bagaman hindi lahat, sa mga layunin ng Diyos kung bakit hinahayaan Niyang pumasok ang pagdurusa sa ating mga buhay. Sa gitna ng lahat ng ito, tayo ay tinawag upang tapat na magtiyaga, sa katiyakang ng tunay na tagumpay at walang hanggang gantimpala.
More