Tagumpay Sa Kabila Ng KahinaanHalimbawa
Pagpupuri sa Diyos sa Gitna ng Pagdurusa
“Bakit nangyayari ito?”Ang tanong na ito ay madalas na itinatanong sa gitna ng kirot, kalungkutan at trahedya. Kung naramdaman mo na ito, hindi ka nag-iisa. Maging ang mga taong nagmamahal sa Diyos ay maaaring makaramdam ng para bagang sila ay tinalikuran. Ang anak mismo ng Diyos ay sumigaw ng “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). Ipinapakita ng Banal na Kasulatan na pinapahintulutan ng Diyos na maranasan ng mga taong minamahal Niya ang pagdurusa. Sa Mga Awit 22, maging si David, ang “taong mula sa Kanyang puso” (1Samuel 13:14), ay nagtanong sa Diyos, “Bakit?”
Malinaw na ipinapahayag ni David ang kanyang pagdurusa at ang damdamin ng kawalang kapangyarihan. Ngunit sa dulo ng kabanata, ang kanyang panaghoy ay nauwi sa pagpupuri, kahit na hindi nagbago ang mga pangyayari. Sinasabi ni David na maaari nating sadyain ang pagpupuri sa Diyos sa gitna ng pagdurusa.
Kapag natatagpuan mo ang sarili mo sa isang mahirap na pagsubok, madaling magkaroon ng katanungan tungkol sa katangian ng Diyos. Maaaring mag-isip ka:Bakit papayagan ng Diyos na magdusa ako? Marahil ay natutukso ka pang tawagin ang Diyos na mapagpabaya o may masamang hangarin sa gitna ng kirot na nararamdaman mo.
May ibang sinasabi sa atin ang Biblia. Ang Diyos ay tunay na walang kapintasan; sa tuwina ay ang pinakamabuti para sa atin ang nasa isipan Niya. Kapag naaalala mong ang Diyos ay lubos na mabuti at walang hanggan ang Kanyang karunungan, nagsisimula mong maunawaan kung paanong, sa kabuuan ng Banal na Kasulatan, ginagamit Niya ang mga pagdurusa upang makagawa ng mga dakilang bagay sa pamamagitan ng mga taong Kanyang minamahal.
Kapag nahaharap sa mga pagsubok, maaari nating sundin ang halimbawa ni David sa pamamagitan ng pagpapatupad ng apat na praktikal na hakbang patungo sa pagtitiyaga:
- Hayaan mong bigyang kabatiran ng Biblia ang iyong pag-iisip, at manahan sa katotohanan nito.
- Alalahanin ang katapatan ng Diyos sa nakalipas na panahon upang mapagyaman ang pag-asa sa hinaharap.
- Kilalanin ang iyong kahinaan at kawalan ng kakayanan sa kalagayan mo ngayon.
- Ibigay mong lahat ng iyong mga alalahanin sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin, dahil batid mong Siya lamang ang maaaring makatulong.
Sa pagsasagawa mo ng mga hakbang na ito, ang iyong pag-iisip ay mababago, Makakatagpo ka ng kagalakan kapag nakita mo ang iyong mga pagsubok bilang plataporma ng pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Tandaan mo, ang pagdurusa ay panandalian lamang. Kung ito man ay magtagal ng ilang oras o hanggang sa katapusan ng buhay mo, nabigyan ka ng pagkakataong maipahayag ang kadakilaan ng Diyos. Kapag narating mo na ang katapusan ng buhay mo at nakahanda ka nang tamasahin ang walang hanggan kasama ang Diyos, ang iyong pagkakataong ipakita ang Kanyang kaluwalhatian dito sa mundo ay matatapos na rin. Ito ang pinakamataas at pinakadakilang pagkakatawag sa iyo—ang maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng kabuuan mo. Samahan mo si David sa pagpapahayag ng kabutihan at kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng iyong kahinaan ngayon.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagdurusa ay maaaring makagulo ng isipan. Ang bayan ng Diyos—at maging si Cristo mismo—ay madalas na nagtatanong ng "Bakit" kapag may kinakaharap na pagdurusa. Binuksan ng Banal na Kasulatan ang kurtina upang isiwalat ang ilan, bagaman hindi lahat, sa mga layunin ng Diyos kung bakit hinahayaan Niyang pumasok ang pagdurusa sa ating mga buhay. Sa gitna ng lahat ng ito, tayo ay tinawag upang tapat na magtiyaga, sa katiyakang ng tunay na tagumpay at walang hanggang gantimpala.
More