Bawat Pusong NananabikHalimbawa
Ang Ilaw ng Sanlibutan at Bukang-Liwayway Mula sa Itaas
Pagkatapos ng sampung buwang sapilitang pananahimik, sa wakas ay buhat-buhat na ni Zacarias ang kanyang pinakahihintay na anak sa kanyang mga bisig. Ngayong nakakapagsalita nang muli at nabuksan ang kanyang mga tainga, naghalo ang panggigilalas at pagkamangha na ang kanyang anak ay magiging propeta ng Kataas-taasan. Ipinropesiya ni Zacarias na ang pagsilang ni Juan, at ni Jesus, ay ang bukang-liwayway ng isang bagong espirituwal na araw.
Upang tunay nating maunawaan ang halaga ng liwanag, dapat nating maunawaan ang naunang kadiliman. Ang Lumang Tipan ay nagsara sa pangako ng bagong liwanag na darating, at ang Bagong Tipan ay rito nagsisimula.
Ang Mesiyanikong titulo na "Bukang-Liwayway" ay hindi karaniwan. Nagmula ito sa salitang Griego na ‘anatole,’ na isinaling “silangan.” Ito ang parehong salitang ginamit ng tatlong beses upang ilarawan ang matatalinong tao at ang sinabing "sa silangan ang kanyang bituin" Ang bituin sa silangan ay ang liwanag na nagturo sa kanila sa Ilaw, ang Bukang-Liwayway mismo.
Makalipas ang humigit-kumulang tatlumpung taon, nagsimulang mangaral, magpagaling, at bumuhay ng mga patay ang Ilaw ng Sanlibutan sa paligid ng Judea. Ang mensahe ni Cristo sa mga makasalanan ay ang ilagay ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya. Nagsanhi itong magngalit at manakbo ang kadiliman. Hindi lahat ay umibig sa ilaw, at mas inibig ng marami na manatili sa dilim.
Tinangka ni Satanas na lipulin ang Bukang-Liwayway sa krus. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, nang bukang-liwayway, ang mga babaeng nakakita sa Panginoong ipinako sa krus at inilibing ay dumating upang pahiran Siya ng mga pabango, at laking gulat na lang nila nang mapagtantong kakaibang uri ng bukang-liwayway ang naganap. Ito ay ang muling pagbangon ng Anak! Ang kamatayan at kadiliman ay nalupig, at ang Anak ng Diyos ay muling bumangon mula sa libingan. Mula sa sabsaban hanggang sa libingang walang bangkay, ang Bukang-Liwayway ay nagdala ng walang hanggang ilaw.
Ipinagdiriwang ng Pasko ang pagdating ng unang bukang-liwayway. Isang bagong araw at ilaw ang bumisita sa atin sa abang sabsabang iyon. Ngunit mayroon pa ring paparating na bukang-liwayway. Ang Lumang Tipan ay nagtapos sa pangako ng bukang-liwayway sa hinaharap, at gayon din ang Bagong Tipan. Ito ay nasa huling kabanata ng Biblia. Ang bukang-liwayway na ito sa hinaharap ay maiiba dahil ang bawat naunang bukang-liwayway ay may sinundang kadiliman, ngunit ito ay magdadala ng ilaw magpakailanman.
Sapagkat si Jesus mismo ang papalit sa araw sa bagong Jerusalem. Magpakailanman ay makakasama natin Siya, at Siya ang ating magiging ilaw.
Ngayon ay hinihintay natin ang Araw na iyon na sumapit.
Nang isinilang si Cristo, ang mga reaksyon sa Kanyang pagdating ay mula sa pagsamba hanggang pagkabalisa, at ganoon pa rin hanggang ngayon. Ngunit para sa mga tapat, ang bagong-silang na Haring ito ay ang kagalakan ng bawat nananabik na puso. Siya ang Tagapagbigay, at siya ang Regalo. Umaasa akong Siya ang pinananabikan ng puso mo at mas madaragdagan pa ang pagpapahalaga mo sa Kanya ngayong Pasko.
Kunin ang LIBRENG Advent Coloring Book na kasama ng gabay na ito dito.
- Paano nagbibigay ng ilaw ang Bukang-Liwayway sa aking buhay at pag-iisip?
- Paano ako dapat tumugon sa mga bagay na dinadala sa liwanag?
- Paano nagdudulot sa akin ng pag-asa ngayon ang pangako ng magpakailanmang ilaw sa Bagong Jerusalem?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa sikat na himnong Pamasko ni Charles Wesley na “Come, Thou Long Expected Jesus,” inaawit natin na si Jesus ang kagalakan ng bawat pusong nananabik. Ngayong Adbiyento, tuklasin kung paanong inilalantad ng banal na orkestrasyon ng mga kaganapang pantao at iba't ibang tugon sa Kanyang pagdating, ang pananabik ng ating mga puso. Mula sa mga hari at mga pinuno hanggang sa mga pastol at naghihintay na mga birhen, ang pagdating ni Jesus ay nagpapakita kung ano ang ating pinahahalagahan. Sa Kanya hanapin ang kagalakan ng iyong puso ngayong Pasko.
More