Bawat Pusong NananabikHalimbawa
Mga Paganong Tagapagmasid ng Mga Bituin na Handang Sumamba
Nang ang mga pantas at ang kanilang mga kabalyero ay dumating sa Jerusalem, nabulabog ito ng usap-usapan. Ang mga magagarang dayuhan ay tawag-pansin habang pagala-gala sa mga pamilihang hinahanap ang kinaroroonan ng bagong-silang na Hari.
Ang lahat mula sa mga nagtitinda ng prutas hanggang sa mga punong saserdote ay kibit-balikat na walang pakialam. Tunay marahil na kataka-taka sa kanilang ang mga mamamayan ng bayang pinagsilangan ng Hari, ay ni hindi alam kung nasaan Siya, at tila hindi inaasahan ang Kanyang pagdating. Hindi ba nila alam ang sarili nilang Banal na Kasulatan?
Halos 600 taon bago nito, habang naninirahang bihag sa Babilonia, prinopesiya ni Daniel ang panahon ng pagdating ng Mesiyas. Ang kanyang mga propesiya ay pumukaw sa interes ng mga pantas, at maingat nilang kinalkula, sa pamamagitan ng mga bituin, ang inaasahang panahon ng pagdating ng Mesiyas.
Sa loob ng ilang daang taon, naghintay sila. Nang lumitaw ang bituin, nabatid nilang oras na. Ipinasan nila sa kanilang mga kamelyo ang mga regalo at umalis upang hanapin ang bagong-silang na Hari.
Ang mga matatalinong tao, o mga pantas, ay isang tribo ng mga paganong pari na mula sa kaharian ng mga taga-Media at Persia. Hindi lamang sila aral sa astronomiya at astrolohiya kundi nagtataglay rin ng napakalaking kapangyarihang pampulitika. Kilala bilang mga "Tagabasbas ng mga hari" noong kapanahunan nila, walang Hari ng Persia ang ituturing na lehitimo malibang nakoronahan ng mga pantas. Ang mga Tagabasbas ng mga hari ay nasa misyong koronahan ang Hari ng mga hari.
Kaya't habang ang Israel ay espirituwal na natutulog, ang mga pantas ay sabik na naghihintay sa kanilang Mesiyas. Dahil hindi nila alam kung saan Siya matatagpuan, pumunta sila sa Jerusalem at nagtanong-tanong doon tungkol sa Kanya.
Kung hindi ka sigurado na ang sanggol sa sabsaban ay ang Hari ng Mundo, iniimbitahan kitang gawin ang ginawa ng mga pantas at hanapin Siya. Hindi Siya nagtatago at nangangakong matatagpuan kung hahanapin natin Siya nang buong puso. Buksan ang Salita ng Diyos at simulang magbasa. Kung gagawin mo ito, tutugon kang tulad ng mga pantas na kumbinsidong natagpuan nila ang Hari, at nagpatirapa sila sa Kanyang paanan sa pagsamba. Siya ang pinananabikan ng puso ng bawat tao. Hinahanap at sinasamba pa rin Siya ng mga matatalinong tao. Ikaw ba?
- Kagulat-gulat ba sa iyong mas sabik ang mga paganong sambahin si Haring Jesus kaysa sa mga relihiyosong Judio? Bakit o bakit hindi?
- Ang mga pantas ay gumugol ng malalaking pag-aaring yaman (kapwa panahon at salapi) upang mahanap ang mga kasagutan sa kanilang mga katanungan tungkol sa Hari at sa Kanyang bituin. Paano mong masigasig na hahanapin ang mga kasagutan sa iyong mga katanungan tanong tungkol sa Kanya?
- Ano ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos sa liwanag nito?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa sikat na himnong Pamasko ni Charles Wesley na “Come, Thou Long Expected Jesus,” inaawit natin na si Jesus ang kagalakan ng bawat pusong nananabik. Ngayong Adbiyento, tuklasin kung paanong inilalantad ng banal na orkestrasyon ng mga kaganapang pantao at iba't ibang tugon sa Kanyang pagdating, ang pananabik ng ating mga puso. Mula sa mga hari at mga pinuno hanggang sa mga pastol at naghihintay na mga birhen, ang pagdating ni Jesus ay nagpapakita kung ano ang ating pinahahalagahan. Sa Kanya hanapin ang kagalakan ng iyong puso ngayong Pasko.
More