Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Hindi makapag desisyon?Halimbawa

Undecided?

ARAW 3 NG 7

Ang Pagiging Perpekto ay Hindi Kinakailangan

Noong una mong mapagtanto na inayos ng Diyos ang buong sangkalikasan para lamang makarating sa iyo ang Kanyang mensahe, maaaring ito'y nakapagtataka -- o di kaya'y nakapagpapasigla pa nga. Pagkatapos ay maaalala mo na may mga kakulangan ka. Ito'y isang likas na reaksyon kapag nagsisimula ka nang mapalapit sa Diyos. Siya'y walang kapintasan.

Ang Ebanghelyo ni Jesu-Cristo ay dapat sanang isang "mabuting balita" -- iyan ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo. Ngunit ang masakit na katotohanan ay iyong tayo'y nakahiwalay sa Diyos dahil sa ating di-kasakdalan. Ang ating kasalanan ay parang karamdaman na inilalagay tayo sa kuwarentenas. Dahil sa kasakdalan ng Diyos, hindi Niya kayang hayaan ang kasalanan na hindi napaparusahan. Kapag hindi ito nagamot, ang karamdaman mong kasalanan ay magdadala sa iyo sa isang lugar na nakalaan sa pagpaparusa kay Satanas mismo. Tinatawag itong impiyerno -- isang lugar ng kadiliman, apoy at sakit.

Ang mabuting balita ay ang kasakdalan at kabanalan ng Diyos ay kapwa tinumbasan ng Kanyang awa at habag. Ayaw Niya na kahit isang nilalang ay magdusa sa Impiyerno, kaya't nagbigay Siya ng isang panlunas. Upang mapagbayaran ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan, hinayaan niyang kunin ng Kanyang anak na si Jesus ang kaparusahan na dapat ay para sa atin. Bilang kapalit, inaalok tayo ng Diyos ng kapatawaran – isang lubos na kapatawaran.

Kung pipillin mong maging tagasunod ni Cristo, kailangang payag ka ring kilalanin ang pinakamatindi mong kasalanan at tanggapin ang Kanyang napakalawak na pagpapatawad. Ang Ebanghelyo ay isang pandaigdigang panawagan sa isang mundong sira. Kung iniisip mo na may maihahandog ka sa Diyos upang ikaw ay mas matanggap Niya, kalimutan mo na iyan. Anumang kaya mong gawin, kahit na ito ang pinakamagaling, ay kakatwa sa kawalang kahalagahan nito, at ito'y hindi rin kinakailangan.

Dahil si Jesus lamang ang may kakayanang magbayad para sa ating kaparusahan, Siya ang naging tanging daan upang tayo'y makalapit sa Diyos. Sinabi ni Jesus sa mga pinakamalapit Niyang tagasunod, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makalalapit sa Ama malibang sa pamamagitan Ko." Ang Kanyang natatanging pahayag ay mapangahas, ngunit itinaguyod Niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang sariling buhay para sa atin.

Ang isa sa mga paborito kong sipi mula sa Biblia na ibinabahagi sa mga tao ay, "Ipinakita ng Diyos ang Kanyang matinding pagmamahal para sa atin sa pamamagitan ng pagpapadala kay Cristo upang mamatay para sa atin bagama't tayo'y mga makasalanan pa." Ito ang isinulat ni Pablo sa kanyang liham para sa iglesia ng mga taga-Roma na napapaligiran ng kultura ng mga pagano na malayo sa Diyos.

Ang tunay ngang nakakatakot tungkol sa walang hanggang kapatawaran ng Diyos ay wala na tayong maaari pang gawing dahilan. Binuksan na ng Diyos ang mga pinto ng Kalangitan para sa buong sangkatauhan. Sa ganitong lantarang paanyaya, kapag pinili pa nating hindi ito tanggapin, tinatanggihan natin ang tanging paraan para sa ating kaligtasan. Wala nang ibang mapapamilian. Walang daan sa likod. Ang pintuan sa harap ay nakabukas at ang paanyaya ay ibinigay na nang walang kinikilingan.

Ang isang Diyos na walang hanggan ang kapangyarihan ay nais na ituring kang kaibigan. Maaari mong ipagsawalang-bahala ang Kanyang paanyaya, ngunit ang pintuan ay hindi magsasarado hanggang may hininga ka pa. Maaari kang tumutol dito, ngunit wala kang kapangyarihang palitan ang Kayang isipan. Hindi Niya ipawawalang-bisa ang Kanyang paanyaya.

Panalangin

O Diyos, alam ko na napakalayo ko sa pagiging perpekto. Tulungan Mo akong maunawaan ang Iyong kapatawaran at balak para sa pagpapanumbalik. Jesus, bigyan mo ako ng kalakasan ng loob na tanggapin Ka bilang tanging daan patungo sa Diyos.

Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Undecided?

Hindi ka pa rin makapag desisyon tungkol sa Diyos? Hindi ka pa ba tiyak kung ano ang pinaniniwalaan mo? Gugulin mo ang mga susunod na pitong araw upang galugarin ang Biblia upang makita kung ano ang ipapahayag sa iyo ng Diyos tungkol sa Kanyang tunay na katangian. Ito ang pagkakataon upang ikaw mismo ang makabasa sa kasaysayang ito at makapag desisyon kung ano ang iyong paniniwalaan. Ang ideya patungkol sa Diyos ay masyadong mahalaga para ikaw ay hindi pa rin makapag desisyon.

More

Nais naming magpasalamat sa YouVersion sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: www.youversion.com