Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Araw ng Pamamahinga - Pamumuhay Ayon sa Ritmo ng DiyosHalimbawa

Sabbath - Living According to God's Rhythm

ARAW 5 NG 8

ANG SABBATH AT PAG-ALAALA         

PAGBUBULAY

Ang siping ito sa Biblia ay ang pagpapahayag ng ikaapat na utos. Ang Diyos ay nagturo na sundin ang Araw ng Pamamahinga, ang araw ng kapahingahan pagkatapos ng anim na araw ng paggawa – ang araw upang mapanariwa. Sa gitna ng kapahingahan ay ang pagtawag ng pag-alaala: "Alalahanin" (Deuteronomio 5:15). Ang Araw ng Pamamahinga at pag-alaala ay malalim na magkaugnay, ngunit paano at bakit? 

Tandaan natin na ang sistema ng pagpapahinga ng isang araw bawat linggo para sa lahat ay walang kahalintulad sa kahit alinmang sinaunang sibilisasyon. Ang mga Griego ay nag-akala na ang mga Judio ay tamad dahil sila ay humingi ng isang araw na walang trabaho bawat linggo. Tunay na pambihira ang handog ng Diyos na Araw ng Pamamahinga! 

"Alalahanin mo" ay may lakip na dalawang katotohanan. Una: "naging alipin ka rin sa Egipto." Pangalawa: "at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan." Sa madaling salita, kayo ay ninakawan ng inyong kalayaan, at ngayon ay pinalaya kayo ng Diyos. Ang Sabbath ay nagpapaalaala sa atin kung paano tayo mamumuhay nang malaya mula sa pagkaalipin dahil sa Diyos. Ito ay nagpapatungkol sa paksa ng kalayaan, katulad ng kalayaan mula sa pagkaalipin sa ating sariling gawa. 

Taon-taon naaalala ko ang Mayo 8, 1945. Ang aking ama ay sapilitang inilagay sa hukbo ng rehimeng Nazi at kinailangang magtrabaho araw at gabi. Nang siya ay palihim na nakinig sa BBC at narinig na paabante ang mga tropang Amerikano, siya ay tumakas at nakarating sa kanyang sariling bayan sa Luxembourg sa nasabing araw ng pagtigil ng labanan. Mula sa pagkaalipin sa mga Nazi patungo sa kalayaan, siya ay labis na nagpasalamat sa kanyang mga tagapagpalaya. Ang bawat karanasan ng kalayaan ang nagiging bahagi ng ating pagkakakilanlan at patotoo. 

Bago inihayag ni Jesus ang Kanyang sarili sa akin, ako ay nabubuhay sa takot araw-araw. Nang ang Espiritu Santo ay nanahan sa aking puso, ibinahagi Niya ang kapayapaan ni Cristo hanggang sa kailaliman ng aking katauhan. Ang uri ng kapayapaan na ito ay nananatili. Ako ay pinalaya mula sa pinakasukdulan ng aking takot. Alam ko at naaalala ko ang aking pagkakakilanlan kay Cristo, at ibinabahagi ko ang aking patotoo sa iba.

Alalahanin ito, ngunit hindi lamang para sa iyong sarili. Sa Araw ng Pamamahinga, ang mga alila, alipin, at maging mga dayuhan ay magpapahingang kasama natin (Deuteronomio 5:14). Ating alalahanin yaong nasa "pagkaalipin" pa rin at hindi pa nakatatanggap ng kanilang kalayaan.

MGA KATANUNGAN PARA SA PAGNINILAY  

  • Ang Diyos, na ating Ama, ay hindi muna naghahanap ng mga manggagawa, bagkus mga anak na lalaki at anak na babae. Ano ang masasabi mo sa pahayag na ito? Paanong ang Araw ng Pamamahinga ay makatutulong upang maalaala ito?   
  • Ano ang iyong mga patotoo ng pagliligtas at paglaya na kinasisiya mong alalahanin at ibahagi?   
  • Upang maging malaya, dapat nating alalahanin. Totoo ba ito? Paano mo ito gagawin?   
  • Sino ang "mga alipin ng Egipto" sa ngayon? Yaong mga ayaw mong kalimutan? Yaong mga nais mong pamuhunanan ng iyong buhay?

MGA PAKSA SA PANALANGIN  

  • Ipanalangin natin sa Diyos, ating Ama, na palayain tayo sa takot at pagkaalipin sa kasamaan sa ating buhay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.   
  • Ipanalangin natin na matuto tayong mabuhay bilang mga anak ng Diyos, ating Ama, na nagliligtas sa atin nang makapamuhay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at ayon sa Kanyang Salita.   
  • Ipanalangin natin na ang pasasalamat at, samakatuwid, kagalakan ay lumago sa ating mga puso, sa ating mga pamilya, at sa ating mga simbahan.   
  • Ipanalangin natin ang paglaya ng mga alipin sa kasalukuyang panahon (mga bata, sundalo, biktima ng ilegal na bentahan ng tao at bata, atbp). 
  • Ipanalangin natin ang suporta ng Diyos at ang paglaya ng mga nakulong dahil sa kanilang pananampalataya.

MUNGKAHING PANALANGIN 

Salamat, Ama. Hindi Mo ako binigyan ng espiritu nang pagkaalipin na maghahatid sa akin sa buhay ng takot. Sa katunayan, isinama Mo ako sa Iyong pamilya, at kung gayon naging Iyong anak. Kaya naman sinasabi ko nang malakas at malinaw: “Abba! Ama!” Ito ay totoo dahil ang Iyong espiritu ang nagpapatotoo na ako ay Iyong anak. Jesus, ako ay tagapagmana sa Iyong buhay at Iyong puso. Saanmang ako ay Iyong pinalaya, ipadala ako upang dalhin ang Iyong mga mahal pabalaik sa ating Ama. At kung ako ay magdusa para sa Iyo, tatangapin ko ito, dahil diyan ang Iyong kaluwalhatian ay mahahayag, ngayon at sa walang-hanggan. Amen. (Mga Taga-Roma 8, 14-17)


Paul Hemes, Lecturer HET pro (kolehiyong pang-teolohiya) St. Légier, Switzerland.

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Sabbath - Living According to God's Rhythm

Ang Evangelical Alliance Week of Prayer (WOP) ay pandaigdigan ngunit sa kalakhang bahagi isinasagawa sa Europa na ang mga babasahing materyal ay nagmumula sa European Evangelical Alliance. Ang WOP 2022 ay isinasagawa sa temang "Araw ng Pamamahinga." Sa loob ng walong araw ang mga mambabasa ay inaanyayahang tumuon sa isang aspeto ng Araw ng Pamamahinga: pagkakakilanlan, probisyon, kapahingahan, kahabagan, pag-alaala, kagalakan, pagkabukas-palad, at pag-asa. Dalangin namin na ang babasahing ito ay makatutulong sa inyong (muling) tuklasin ang buhay ayon sa ritmo ng Diyos!

More

Nais naming pasalamatan ang European Evangelical Alliance para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang http://www.europeanea.org