Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Araw ng Pamamahinga - Pamumuhay Ayon sa Ritmo ng DiyosHalimbawa

Sabbath - Living According to God's Rhythm

ARAW 1 NG 8

ANG ARAW NG PAMAMAHINGA AT PAGKAKILANLAN        

PAGBUBULAY

Dalawang magkaibigan ang matagal nang naghahanap ng trabaho, na mabigat nilang pasanin, dahil sa kapwa silang may pamilyang itinataguyod. Sila ay nakilahok sa isang kursong pinamagatang "Cristianismo at Trabaho" na itinuturo ko sa aking simbahan. Sa aming pag-aaral, may-katapatan nilang binulay-bulay ang kanilang kawalan ng trabaho, at partikular na nabahala sa mga katanungan tungkol sa kanilang pagkakakilanlan. Ang akin bang halaga ay nakasalalay sa aking kabuluhan sa daigdig ng pagtatrahabaho? Gaano ko ibinabatay ang pagkakilanlan ko sa trabahong ginagawa ko? Ano ang epekto ng kawalan ng trabaho sa akin? 

Natawag ang aming pansin sa kanilang mga patotoo, at aming napagtanto ang kahalagahan ng ating trabaho sa ating pagkakakilanlan. Ang Diyos ay nagtakda ng isang araw na walang trabaho sa bawat linggo – ang Araw ng Pamamahinga – upang ipaalaala sa atin na ang ating pagkakakilanlan ay hindi itinatalaga ng ating trabaho.

Ang mga Judio ay pinagnakawan ng kapahingahan sa Araw ng Pamamahinga. Bilang mga alipin, kinailangan nilang magtrabaho nang walang tigil para sa Faraon. Sila ay nakulong sa isang sistemang nagsamantala sa kanila at nagsagawa nang ganap na pananakop sa mga nilikha ng Diyos. Subalit, hindi pinahintulutan ng Diyos na magpatuloy ito. Pinalaya Niya ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin. Sa ilang sa labas ng Egipto, ang mga Judio ay muling nakapagdiwang ang Araw ng Pamamahinga. Habang sumasamba sa Diyos, sila ay napaalalahanan ng kanilang pinakamalalim at pinakatotoong pagkakakilanlan: Sila ang pinili at inibig na bayan ng Diyos. 

Iyan ang dahilang kung bakit ang Araw ng Pamamahinga ay mahalaga sa ating lahat. Kapag tayo ay sumasamba sa Diyos at nakikipagkapatiran sa isa't isa, nararanasan natin na sa pamamagitan ng pagbibigay, tayo ay tumatanggap. Tayo ay higit sa ating ginagawa at nakakamit. Sa huli ang ating pagkakakilanlan at dignidad ay matatagpuan sa pagkilala na tayo ay – di-nararapat – ngunit mga minamahal na anak ng Diyos. 

Ang trabaho ay nakakatulong sa ating hubugin ang ating pagkatao, subalit ang ating halaga bilang isang tao ay hindi itinatakda ng ating ginagawa. Sa ating araw ng kapahingahan, magagawa nating ilayo ang sarili sa ating trabaho at muling maranasan ang pagiging malapit sa Diyos. Sa tulong ng kapahingahan sa Araw ng Pamamahinga na itinakda ng Diyos, tumatanggap tayo ng kapayapaan. Ang ating halaga bilang mga tao ay nababatay sa ating kaugnayan sa Diyos. 

Ang dalawang magkaibigan na nakilahok sa kurso ay nakapag-isip nang husto patungkol sa kanilang pagkakakilanlan. Sa isang mahirap na pagkakataon natutunan nila na mahal sila ng Diyos, anupaman ang kanilang trabaho o mga nakamit. Dahil dito, natagpuan nila ang pananaw na nakapagpapalakas at nakapagpapatibay sa kanilang buhay. 

MGA KATANUNGAN PARA SA PAGNINILAY  

  • Paano sinusukat ng lipunan ang aking halaga? Paano sinusukat ng Diyos?           
  • Ibinabatay ko ba ang aking pagkakakilanlan sa aking mga palagiang nakakamit, o maaari ba akong "maging ako" sa halip na "gumawa" tuwing Linggo?           
  • Paano ko mararanasan ang aking halaga sa Diyos sa aking pang-araw-araw na buhay at ipakita ito sa iba?

MGA PAKSA SA PANALANGIN  

  • Magpasalamat tayo sa Diyos para sa ating lingguhang oras nang kapahingahan, kung kailan ating nararanasan ang pagiging mga anak na minamahal ng Diyos na hindi kailangan maisakatuparan ang anuman.           
  • Magpasalamat tayo sa Diyos sa ating trabaho at kung paano nito nahuhubog ang ating pagkatao at nagtataguyod sa atin.           
  • Ipanalangin natin ang mga naaalipin ng lipunang nagtatalaga ng halaga ng tao batay sa kanyang mga nakakamit. Panginoon, palayain Mo sila kung paanong pinalaya Mo ang iyong bayan mula sa Egipto.            
  • Magsisi tayo sapagkat tayo ay labis na nakaasa sa ating mga nakamit at nagawa, sa halip na ibatay ang ating pagkakakilanlan sa Diyos. 

MUNGKAHING PANALANGIN 

Panginoon, sadyang napakahina namin at sa Inyo po kami sumisilong, ngunit hindi namin alam kung papaano ito gawin. Dahil sa impluwensya ng aming pang-araw-araw na buhay, kami ay nakatuon lamang sa aming mga nakamit, sa paghahangad ng pagsang-ayon at pagmamahal.

Salamat sa unang pagmamahal Mo sa amin. Salamat sa pagmamahal Mo na walang kondisyon. Salamat sa pag-alaga sa amin, at sa aming mga kaluluwa, at sa pagbibigay ng lahat ng aming kailangan. Hindi na kailangan ng anumang karagdagang "bitamina"

Panginoon, tulungan Mo kami na maunawaan ang aming pagkagutom bilang paghahangad sa Iyo. Tulungan Mo kami na pangalagaan ng Iyong pag-ibig. Ipakita Mo sa amin kung paanong manatili sa Iyong presensya araw-araw at lagi kaming patnubayan. Amen.


Gisela Kessler-Berther, MAS sa Teologia, iba't ibang katungkulan sa mga larangan ng kalusugan at edukasyon, Switzerland.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Sabbath - Living According to God's Rhythm

Ang Evangelical Alliance Week of Prayer (WOP) ay pandaigdigan ngunit sa kalakhang bahagi isinasagawa sa Europa na ang mga babasahing materyal ay nagmumula sa European Evangelical Alliance. Ang WOP 2022 ay isinasagawa sa temang "Araw ng Pamamahinga." Sa loob ng walong araw ang mga mambabasa ay inaanyayahang tumuon sa isang aspeto ng Araw ng Pamamahinga: pagkakakilanlan, probisyon, kapahingahan, kahabagan, pag-alaala, kagalakan, pagkabukas-palad, at pag-asa. Dalangin namin na ang babasahing ito ay makatutulong sa inyong (muling) tuklasin ang buhay ayon sa ritmo ng Diyos!

More

Nais naming pasalamatan ang European Evangelical Alliance para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang http://www.europeanea.org