Araw ng Pamamahinga - Pamumuhay Ayon sa Ritmo ng DiyosHalimbawa
ANG ARAW NG PAMAMAHINGA AT HABAG
PAGBUBULAY
Hindi ibinigay ng Diyos ang Araw ng Pamamahinga bilang batas LABAN sa atin, kundi isang pagpapakita ng habag PARA sa atin. Ito ang dahilang ang mga alagad ay pinayagang kumain ng mga butil upang mapawi ang kanilang gutom sa Araw ng Pamamahinga (Mateo 12: 1-8). Ito ang dahilang ang lalaking paralisado ang isang kamay ay pinagaling sa Araw ng Pamamahinga (Mateo 12: 9-13). Nakita ni Jesus ang pagkagutom ng mga alagad at ang paghihirap ng lalaki at Siya ay naantig. Ang Araw ng Pamamahinga ay araw ng pag-aalaga at pagpapagaling. Hindi ang pagbabawal ng paggawa (“walang ginagawa”) o ang pangangailangang gumawa (“pag-aalay ng handog”) ang nasa sentro ng Araw ng Pamamahinga. Ang pangunahing layunin ng Araw ng Pamamahinga ay ang ipakita ang habag ng Diyos
Sa Lumang Tipan ang Araw ng Pamamahinga ay kapahayagan ng tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan, tulad ng pagtutuli. Ang Araw ng Pamamahinga ay nagsisilbing araw ng kapahingahan, ng pagtingala sa Diyos at pagmangha sa Kanyang kahabagan at kabanalan. “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko.” (Exodo 31:13). Ang bayan ng Diyos ay tumatanggap ng habag mula sa Diyos, sila ay “nahahawa” nito, at ipinapasa nila ang pagpapapala sa buong mundo.
Kapag tayo ay nagtitipon upang sumamba at makipagkapatiran, kung tayo ay makikinig sa tinig ng Diyos at makikipag-usap sa Kanya, tayo ay lumalabas sa ating pang-araw-araw na buhay at ipinagdiriwang ang Kanyang pagkahabag. Sa simbahan, ang pagpapahalaga sa pagalingan ng gawa at pagandahan ng pagtatanghal ay nasisira. Samakatuwid, ang pananambahan ay hindi isang negosyo o palabas, hindi ito pagsisikap ng relihiyon o pagkonsumo ng relihiyon. Ito ay higit pa diyan. Ito ay dako kung saan ang ating kaluluwa ay makapagpapahinga at kung saan makararanas tayo ng awa ng Diyos. Sa simbahan, ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kahabagan. Kung sinuman ang tumatanggap ng awa ng Diyos ay nagiging tagapagbigay ng awa. "Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama." (Lucas 6:36).
Sa pamamagitan ng kaloob na awa, inihahanda tayo ng Diyos na mabuhay at gumawa nang may awa, gumawa ng mabuti sa isa't isa. Ang bersikulo para sa araw na ito ay humihimok sa atin na tumuon kay Jesus sa mundong ito.
MGA KATANUNGAN PARA SA PAGNINILAY
- Pagbulayan ang mga sumusunod: Hindi ibinigay ng Diyos ang Araw ng Pamamahinga bilang batas na LABAN sa atin, kundi isang pagpapakita ng pagkahabag PARA sa atin.
- Paano ko mararanasan ang habag ng Diyos na ipinakita sa Araw ng Pamamahinga kaugnay ng Diyos at kaugnay ng mga taong nakapaligid sa akin?
- Anong maliit na pagbabago ang maaari kong gawin upang maiuna ko ang kahabagan ng Diyos sa Araw ng Pamamahinga––bilang indibidwal, sa pamilya, sa simbahan?
MGA PAKSA SA PANALANGIN
- Ipanalangin natin ang oras na makatuon sa Diyos. Basagin natin ang ating dating kaisipan na nakatuon sa paggawa at pagkonsumo. Hilingin natin sa Diyos ang Kanyang awa (Kyrie eleison – Panginoon maawa Ka!).
- Ipanalangin natin ang kapatawaran sa mga panahong ang mga pananambahan ay nagiging pangrelihiyong aktibismo imbes na pakikipagtagpo sa Diyos.
- Ipanalangin natin ang lahat ng nangangaral ng Salita ng Diyos, at na ang mensahe ng kahabagan ay marinig at matanggap.
- Ipanalangin natin na buksan ng Diyos ang ating mata, upang magawa nating makitungo nang may awa sa ating kapwa dahil Siya ay naging maawain sa atin.
- Ipanalangin natin na ipakita sa atin ng Espiritu Santo kung paano tayo makatutuon sa Diyos at makapagmamalasakit sa lahat ng nilikha.
MUNGKAHING PANALANGIN
Maawaing Diyos, pinupuri at ipinagdiriwang Ka namin! Sinasamba Ka namin. “Banal, banal, banal, Panginoong Diyos Zeboath (makapangyarihan)”, nananalangin kami kasama ng hukbo ng mga anghel.
Patawarin Mo kami sa aming pagiging makasarili at pagtuon lang sa aming mga ginagawa, na dapat sana ay sa Iyo kami nakatuon. Buhayin mong muli ang aming mga pananambahan ng Iyong Espiritu Santo, upang makatagpo Ka naming muli, at upang ang aming puso ay mabago ng Iyong kahabagan. Pagpalain Mo ang lahat ng mga nagpapahayag ng Salita ng Diyos. Buksan ang aming mga mata at puso sa mga pangangailangan ng aming kapwa at lipunan. Bigyan Mo kami ng mga kaisipan at tapang na mamuhunan nang may awa sa Iyong simbahan at sa mundo. Amen.
Lea Schweyer, Pangulo ng Evangelical Alliance Section Riehen-Bettingen, Switzerland.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Evangelical Alliance Week of Prayer (WOP) ay pandaigdigan ngunit sa kalakhang bahagi isinasagawa sa Europa na ang mga babasahing materyal ay nagmumula sa European Evangelical Alliance. Ang WOP 2022 ay isinasagawa sa temang "Araw ng Pamamahinga." Sa loob ng walong araw ang mga mambabasa ay inaanyayahang tumuon sa isang aspeto ng Araw ng Pamamahinga: pagkakakilanlan, probisyon, kapahingahan, kahabagan, pag-alaala, kagalakan, pagkabukas-palad, at pag-asa. Dalangin namin na ang babasahing ito ay makatutulong sa inyong (muling) tuklasin ang buhay ayon sa ritmo ng Diyos!
More