Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Araw ng Pamamahinga - Pamumuhay Ayon sa Ritmo ng DiyosHalimbawa

Sabbath - Living According to God's Rhythm

ARAW 3 NG 8

ANG ARAW NG PAMAMAHINGA AT KAPAHINGAHAN

PAGBUBULAY

Noong bata pa ako, mayroong akong mga bestidang pang-Linggo. Ilalatag ko ito nang Sabado ng gabi, at alam ko na kinabukasan ay Linggo. Kalakip noon ay kapahingahan. Kinaumagahan, dumadalo kami ng mga kapatid ko sa Sunday School. Sa buong maghapon, magkakasama kami ng mga magulang ko. Naglalaro kaming magkakasama, tumutugtog, o nagha-hiking. Ngayon, ako ay isang diakonesa, at nagsusuot pa rin ng espesyal na kasuotan tuwing Linggo.

Batid na nang libu-libong taon ng mga sinaunang Judio at Cristiano ang prinsipyo ng kapahingahan at pagtigil sa tuwing Araw ng Pamamahinga. Ito ay nagsimula sa kuwento ng paglikha nang nagpahinga ang Diyos noong ikapitong araw pagkatapos ng anim na araw na paglikha. Mula nang muling pagkabuhay ni Jesus, ang araw kasunod ng Araw ng Pamamahinga ang nagtakda sa ritmo ng buhay para sa bagong pamayanang Cristiano. Sa araw na iyon, sila ay magkasamang sumamba at makipagkapatiran.

Binigyan tayo ng Diyos ng kapahingahan–ang Linggo–bilang isang nakatutulong na puwang sa ating abalang buhay at kultura. Ang araw ng kapahingahan ay hindi isang partikular na araw sa isang linggo, subalit ito ay dapat natatangi sa ibang mga araw. Ang Araw ng Pamamahinga ay isang paalala na ang ating halaga bilang tao ay higit sa ating mga nakakamit. Ang manggagamot at teologong si Albert Schweitzer ay tama nang sabihing: "Kung ang iyong kaluluwa ay kulang ng Linggo, ito ay malalanta.”

Tayo ang nagpapasya kung kailan tayo magpapatupad ng araw ng kapahingahan. Kailangan ng panahon upang pumanatag. Kung magsasalin ako ng maruming tubig sa baso, ang dumi ay bababa sa ilalim matapos ang kaunting panahon at ang tubig ay magiging malinaw. Ito ay nakasumpong ng kapanatagan. Kung hahanap tayo ng kapahingahan sa katahimikan, ang ating mga kaluluwa ay makasusumpong din ng kapanatagan. Marami sa ating mga pinakamalalim na kaisipan ay lilitaw, mga kaisipang maaari nating dalhin sa Diyos.

Sa bawat araw, ako ay sadyang naglalaan ng kalahating oras. Ako ay pumupunta sa lugar na tahimik. Ako ay lumalapit sa Diyos, sa harapan ni Jesus, bilang ako. Hinihintay Niya ako. Ibinabaling ko ang pansin sa panloob, sa aking paghinga, at ibinabaling ko ang aking pansin sa aking mga kaisipan at emosyon. Anuman ang nakaaantig ng aking damdamin, dinadala ko sa Kanyang harapan sa bawat paghinga nang palabas. Pinapakawalan ko ang lahat at hinahayaan ang Diyos. Hindi ako nagmamadali at nagwawakas sa panalangin ng pasasalamat.

Inanyayahan ni Jesus ang Kanyang mga alagad: "Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti." (Marcos 6:31) Ngayon, inaanyayahan Niya tayo na gawin din ito.

MGA KATANUNGAN PARA SA PAGNINILAY

  • Ano ang humahadlang sa akin na humanap ng katahimikan at kapahingahan?
  • Mangangahas ba ako na sadyaing gumugol ng isang araw ng walang balita o telepono?
  • Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at itinuring itong banal. Itinuturing ko pa rin bang banal ang Linggo? Nararamdaman ko ba ang Kanyang pagpapala sa Linggo?

MGA PAKSA SA PANALANGIN

  • Ipanalangin nating sa biyaya ng Diyos na mapagtagumpayan ang ating takot ng katahimikan at ang maging tayo lang.
  • Ipanalangin nating ang pananabik sa ating mga puso para sa presensya ng Diyos ay manatiling buhay at mabigyan ng oras ito sa ating pang-araw-araw na buhay.
  • Ipanalangin nating ang mga di-maipaliwanag na mga bagay na lumilitaw mula sa kalaliman ng ating mga puso kapag tayo'y natatahimik. Ipanalangin nating huwag balewalain ang mga ito at bagkus ay pangahasang kilalanin ang mga ito sa harapan ng Diyos.
  • Ipanalangin natin ang karunungan at pag-iingat sa mga sandali ng katahimikan kapag naantig tayo ng Salita ng Diyos.
  • Ipanalangin natin ang mga simbahan at kapilya, mga lugar ng kapahingahan, na maging mga lugar kung saan maririnig ng mga tao ang Salita ng Diyos.
  • Ipanalangin natin yaong mga natatabunan ng mga gawain at responsibilidad at hindi magawang iwan ang mga panggigipit na iyon.

MUNGKAHING PANALANGIN

Narito ako sa Iyong Harapan, O Diyos, bilang ako: panatag o ligalig, hungkag at tigang, o puno ng pasasalamat, puno ng pag-aasam, o walang kahit anong pananaw.

O Diyos, Ikaw ang pinagmulan ng buhay. Lumapit Kang hatid ang Iyong nakapagpapanibagong kapangyarihan. Linisin Mo ako, pagalingin Mo ako, nang ako'y maging ang taong nilayon Mong likhain. Amen.


Sister Lydia Schranz, Diakonesa at Kapelyan, Switzerland.

<

Banal na Kasulatan

Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Sabbath - Living According to God's Rhythm

Ang Evangelical Alliance Week of Prayer (WOP) ay pandaigdigan ngunit sa kalakhang bahagi isinasagawa sa Europa na ang mga babasahing materyal ay nagmumula sa European Evangelical Alliance. Ang WOP 2022 ay isinasagawa sa temang "Araw ng Pamamahinga." Sa loob ng walong araw ang mga mambabasa ay inaanyayahang tumuon sa isang aspeto ng Araw ng Pamamahinga: pagkakakilanlan, probisyon, kapahingahan, kahabagan, pag-alaala, kagalakan, pagkabukas-palad, at pag-asa. Dalangin namin na ang babasahing ito ay makatutulong sa inyong (muling) tuklasin ang buhay ayon sa ritmo ng Diyos!

More

Nais naming pasalamatan ang European Evangelical Alliance para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang http://www.europeanea.org