Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nabagong Pamumuhay: Ina sa InaHalimbawa

Living Changed: Mom to Mom

ARAW 6 NG 7

Pagsuko

Ang pagiging magulang, higit sa anupaman sa buhay, ay nagtuturo sa atin na wala tayong kontrol. Wala tayong kontrol sa mga kaisipan, reaksyon, interpretasyon, o pag-uugali ng mga tao. Kahit gaano natin ninanais na maging totoo ang kabaligtaran, wala tayong kontrol sa mga pipiliin ng ating mga anak o ang kalalabasan nito. 

Lagi kong pinapangarap na magkaroon ng perpektong pamilya. Akala ko ay mayroong pormula at, kung bubuo ako ng aking pamilya sa isang tiyak na paraan, ang resulta ay kung ano ang inaakala ko. Hindi ko alam na ang pagpapala ay nahahaluan ng napakaraming gawa, mga luha, mga katanungan, at pighati. 

Ang aking panganay na anak ang aking alibughang anak. Katulad ng talinhaga sa Lucas 15, siya ay tumalikod sa aming mga katuruan upang buuin ang kanyang sariling landas. Noong siya ay nasa haiskul, ipinadala namin siya sa boarding school. Ang madilim at paliku-likong daan na nagdala sa desisyong iyon ay nakakatakot. Siya ay umiinom, gumagamit ng vape, at sa kabuuan ay hindi na makontrol. Mahal na mahal ko siya, at ako ay natatakot para sa kanya at para sa kanyang kinabukasan.

Habang wala siya, nakikinig ako sa himno na nagsasabi, “lahat kay Jesus isinusuko ko. Lahat sa kanya ay malaya kong ibinibigay. Mamahalin at pagtitiwalaan ko siya magpakailanman. Sa kanyang presensya sa araw-araw nabubuhay.” Paulit-ulit. 

Ito ay palagiang pakikibaka upang kumalas sa aking pagkakahawak at magtiwala sa Diyos para sa aking anak. Ito ay nakakapagod. Pinanghawakan ko ang pangako sa Isaias 40:31 na nagsasabing "sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila; sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.” Kinailangan ko ang Kanyang lakas sa bawat hakbang.

Natagalan ako bago ko maunawaan na kahit anong pormula ang aking sundin, kung anong kahihinatnan ng aking mga anak ay hindi nakasalalay sa akin. Ang mga panalo at pagkatalo, ang mga tagumpay at kabiguan ay hindi sa akin upang ariin. Kung paanong mayroon akong malayang kalooban, ganoon din ang aking mga anak. Kung paanong may puwang ang aking puso na tanging ang Diyos lang ang makapupuno, ganoon din ang aking mga anak. Kung paanong hinahabol ako ng ng Diyos nang ako ay tumatakbo nang matulin sa abot ng aking makakaya, hinahabol rin sila ng Diyos at binibigyan ng pagpipilian na sumuko at piliin Siya.

Natututo pa rin ako kung paano isuko at palayain ang aking mga anak sa Diyos. Alam ko na ngayon na magagawa ko lang ang aking makakaya upang patnubayan sila, at pagkatapos ay kailangan kong piliin na ilagay ang aking pag-asa sa Panginoon. Mabuti na lamang, habang inilalagay ko ang aking tiwala sa Diyos, Siya ay tapat na palalakasin akong muli. 

Kung ikaw ay katulad ko at ikaw ay nahihirapang ipagkatiwala sa Diyos ang iyong mga anak, hayaan mong himukin kita. Sa kabila ng aking inaakala noong ako ay bata pa, walang perpektong pamilya. Walang mabilis na solusyon sa ating mga problema. Mayroon lang pang-araw-araw na pagkaalam na ang mga pangako ng Diyos ay tunay at pang-araw-araw na pagpiling sumuko. Ito lang ang tanging pormula na nakita ko na epektibo: pagsuko, pag-asa sa Kanya, paghanap ng lakas, ulitin.

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Mom to Mom

Ang pagiging ina ay ang lubhang kasiya-siyang papel na ating gagampanan, subalit ang daan patungo at sa kabuuan ng pagiging ina ay isang hamon. Ito ay puno ng kawalan ng kapanatagan, pagsubok, mga sandali ng pagpapakumbaba, at mga pagkakataon upang magtiwala sa Diyos. Sa 7-araw na gabay na ito, pitong ina mula sa iba't ibang mga yugto ng buhay ang magbabahagi ng kanilang karanasan at pinagpunyagiang karunungan tungkol sa pagiging ina.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: http://www.changedokc.com