Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nabagong Pamumuhay: Ina sa InaHalimbawa

Living Changed: Mom to Mom

ARAW 2 NG 7

Kabaitan

Nang tayo ay maliit pa, kahit ano ang relihiyon na ating sinusunod, tayo ay tinuruan ng Ginintuang Aral: Gawin mo sa iba kung paanong gusto mong gawin ito sa iyo. Ito ay matibay na payo sa buhay, at ito ay nagmula sa mga katuruan ni Jesus. Ito ay payak na parirala, subalit ito ay isang mahirap na aral para ipamuhay.

Ang isa sa mga pinakaiinisan ko ay ang taong magaspang. Sa palagay ko ay walang dahilan para sa tao na maging masungit sa iba. Ang paniniwalang iyan ay naipasa ko sa aking pagiging magulang. Ito ay isa sa mga bagay na pinaghirapan kong gawin para sa mga anak kong babae—paano maging mabait sa kanilang mga salita sa isa't isa, sa kanilang mga sarili, at sa kanilang kaibigan. 

Ilang taon na ang nakalipas, dumadaan kami sa isang napakahirap na panahon kung saan kinayayamutan nila ang isa't isa. Sinisiguro nila na maiinis ang isa't isa. Ginagawa nila ang lahat para magalit ang kanilang kapatid. Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin! Tinawagan ko ang aking asawa na umiiyak dahil hindi ko na alam kung ano ang dapat ko pang gawin. Nagawa ko na ang lahat!

Pagkatapos ay nagkaroon ako ng ideya. Nagdesisyon kami na pagdating ng bahay mula sa trabaho ibalik namin sa kanila ang hindi maganda nilang ginagawa. 

Sa sandaling dumating siya sa bahay mula sa trabaho, nayayamot ako at nayayamot siya. Naghapunan kami kasama ng aming mga anak at sinabi niya na hindi niya gusto ang ginawa ko. Sumagot ako sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa kanya na siya na ang magluto ng kanyang hapunan sa susunod! Pabalik-balik kami, pabalik-balik. Ang aming mga anak ay nabigla. 

Inawat nila kami at ibinigay sa amin ang eksaktong mga salita tungkol sa pagiging mabait. Sinabi nila ang mga bagay katulad ng "dapat kayong maging mapagpasalamat" at "dapat kayong maging mabait" at "kung wala kayong magandang sasabihin, huwag ninyo nang sabihin." Pinakikinggan nila kung ano ang sinusubukan naming ituro sa kanila, kahit hindi nila ito ginagawa. 

Kalaunan nang gabing iyon, ipinaliwanag namin sa kanila ang aming buong eksperimento at ipinaalala sa kanila na tinatawag tayo ni Jesus upang pakitunguhan ang iba sa paraan na gusto nating pakitunguhan. Nais nating pakitunguhan tayo nang may kabaitan, ganyan natin papakitunguhan ang iba. Pinag-usapan namin ang Mga Kawikaan 18:21, na nagsasabi na ang ating mga dila ay may kapangyarihan sa buhay at kamatayan. Binigyang-diin namin sa kanila na nais namin palaging makilala para sa paghihikayat at pag-aangat sa iba, hindi sa pagpapabagsak sa kanila sa pamamagitan ng mga salita.

Kamakailan tinanong ko ang aking mga anak kung naaalala nila ang gabing iyon. Ang bawat isa sa kanila ay nagsabi ng oo. Hindi ko man iminumungkahi ang aming paraan, natutuwa ako na ang aral ay tumatak

sa kanila. 

Bilang mga magulang, hindi natin magagawa ang lahat nang tama. Ang totoo, maaari nating maituring na isang panalo kung makukuha natin ito nang tama sa kalahating panahon. Subalit, kung tayo ay nakasalig sa mga turo ni Jesus bilang pundasyon sa kung ano ang ituturo natin sa ating mga anak, tayo ay kumpiyansa na tayo ay nasa tamang daan. Kung hindi ka sigurado sa iyong pagiging magulang, huminga at tumingin kay Jesus upang patnubayan ka.

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Mom to Mom

Ang pagiging ina ay ang lubhang kasiya-siyang papel na ating gagampanan, subalit ang daan patungo at sa kabuuan ng pagiging ina ay isang hamon. Ito ay puno ng kawalan ng kapanatagan, pagsubok, mga sandali ng pagpapakumbaba, at mga pagkakataon upang magtiwala sa Diyos. Sa 7-araw na gabay na ito, pitong ina mula sa iba't ibang mga yugto ng buhay ang magbabahagi ng kanilang karanasan at pinagpunyagiang karunungan tungkol sa pagiging ina.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: http://www.changedokc.com