Maghari Ka sa AminHalimbawa
![Kingdom Come](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F25626%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
PANALANGIN:
O Diyos, nais kong maging mas tulad Mo. Tulungan akong makatuklas ng mga paraang maging konektado at lumagong kasama Mo.
PAGBASA:
Napanood mo na ba ang pelikulang The Karate Kid? Ito'y kuwento ng isang haiskul na batang lalaking nagngangalang Daniel na nakikipalaban sa mga tipikal na dekada-otsentang mga siga. Di magtatagal at matutuklasan ni Daniel na ang janitor sa gusaling tinitirhan nila, si Mr. Miyagi, ay isang eksperto sa karate, at makikita ni Daniel ang perpektong solusyon sa kanyang problema. Papayag si Mr. Miyagi na sanayin si Daniel at pagsisimulain ito sa paglalagay ng wax sa mga kotse, pagpipinta ng mga bakod, at pagliliha ng mga sahig. Ilang araw magtatrabaho si Daniel sa paggawa ng mga nakapapagod at paulit-ulit na mga gawaing ito. Darating ang sandaling maiinis ito nang labis at bubulyawan ang kanyang sensei dahil sa paggawa niya ng lahat ng trabahong iyon nang wala namang natututunan tungkol sa karate. Ngunit ipapakita ni Mr. Miyagi kay Daniel na ang mga paulit-ulit na mga kilos na ilang araw na niyang ginagawa ay nagtuturo sa kanya ng karate! Susubukan siyang suntukin ni Mr. Miyagi, at makikita ni Daniel na nalinang na sa kanya ang lakas at muscle memory para sa iba't ibang uri ng pagsalag na hinding-hindi niya kayang gawin ilang araw pa lang ang nakakaraan.
Ang The Karate Kid ay nagsisilbing isang dakilang larawan ng kung ano ang ginagawa ng mga espirituwal na kasanayan sa ating mga buhay. Nababasa natin ang patungkol sa pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, at marami pang ibang kamangha-manghang bagay na ninanais natin sa ating buhay. Ngunit ang matamo ang mga bagay na ito sa ating buhay ay hindi sa pamamagitan ng ating direktang pagsisikap. Hindi basta't niloob natin ay magkakaroon tayo ng kagalakan, at kung oo man ay hindi pangmatagalan. Kaya't paano nga ba, tulad ng sinulat ni Pablo kay Timoteo sa sipi sa itaas ang, “pagsumikapan maging maka-Diyos?” Magsisikap tayo sa paggawa ng mga espirituwal na kasanayan.
Ang mga espirituwal na kasanayan ay kay Jesus katumbas ng paglalagay ng wax sa mga kotse at pagliliha ng mga sahig. Maaaring akalaing wala naman tayong napapala sa paggugol ng panahon sa bawat araw na matahimik sa harap ng Diyos sa pagbabasa ng Biblia at pananalangin. Ngunit isang araw, kapag may nangyaring hindi mo inaasahan, magugulat ka na lang na hindi na tulad ng dati ang iyong reaksyon. Bagkus, masusumpungan mo ang iyong sariling kinakaharap ang sitwasyon nang may pagtitiyaga—at damdaming payapa sa kalagitnaan nito.
Tulad ng pisikal na pagpapalakas ng katawan, ang mga espirituwal na kasanayan, ay sa katagalan, tutulong sa ating gawin ang mga bagay na dati ay hinding-hindi natin kayang gawin. At, hindi naman sa pamumula kay Mr. Miyagi, ang mga espirituwal na kasanayan ay nagreresulta sa mas higit pa kaysa patalasin at palakasin ang ating mga natural na abilidad. Bagkus, tinutulungan tayo ng mga itong kumonekta sa Espiritu Santo na gumagawa sa atin upang patuloy na mas linangin sa atin ang mga katangian ni Jesus.
Ganito ang paliwanag ng manunulat na Dallas Willard patungkol sa mga espirituwal na kasanayan, na tinatawag niyang “mga disiplina”: “Ang mga disiplina ay mga gawain ng isip at katawang sadyang isinasagawa, sa layuning dalhin ang ating buong personalidad at pagkatao sa epektibong pakikipagtulungan sa panukala ng Diyos. Tinutulungan tayo ng mga itong lumago sa pamumuhay sa isang kapangyarihan, na sa istriktong pananalita, ay higit sa atin, na mula sa espirituwal na kaharian mismo.”
Kaya, kapag natutukso kang lumiban sa arawang oras ng pananalangin at pagbabasa ng Banal na Kasulatan, tandaan ang sinabi ng iyong guro: “ilagay ang wax, tanggalin ang wax.” Biro lang… yung isa pang guro: “Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana” (Juan 15:5).
PAGNINILAY:
Heto ang ilang piling espirituwal na kasanayan na nakatulong sa mga tagasunod ni Jesus sa mga nagdaang siglo. Ang mga ito'y nahahati sa dalawang kategorya, mga kasanayan sa paglapit at mga kasanayan sa paglayo. Tingnan ang listahan at pag-isipang gawin ang isa sa mga ito na bagong pamamaraang makakonekta ka sa Diyos.
Mga Kasanayan sa Paglapit
Ang mga kasanayang ito ay tutulong sa atin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga panibagong ritmo ng pakikiniig sa Diyos sa ating regular na kagawian sa layuning mas mapalapit sa Kanya.
- Pagbabasa ng Biblia: Paggugol ng panahon sa pagbabasa at pagninilay sa Banal na Kasulatan nang mapahintulutan ang Diyos na kausapin, gabayan at turuan tayo. Kasama rito ang iba't ibang pamamaraan ng pagbabasa, pag-aaral, pagninilay at pati pagbubulay sa mga salita sa Banal na Kasulatan.
- Pagsamba: Pagdiriwang at paghahayag ng pasasalamat sa kung sino ang Diyos at sa mga ginagawa Niya. Maaari itong gawin nang mag-isa o sa loob ng sama-samang pananambahan. Madalas kalakip ng pagsamba, ngunit hindi limitado rito, ang paghahayag sa pamamagitan ng musika.
- Panalangin: Pakikipag-usap sa Diyos tungkol sa pinagdaraanan natin. Ang panalangin ay maaaring palooban ng pagsamba, tulad ng nakalarawan sa itaas, pamamagitan (sa panalangin para sa mga pangangailangan ng iba), pagkumpisal, at marami pang ibang elemento. Walang isang tanging tamang paraan ng pananalangin, tulad din ng walang isang tanging tamang paraan ng pakikipag-usap sa mga taong may relasyon tayo. Kalaunan ang panalangin ay patungkol sa paglikha ng intelektuwal, emosyonal, at espirituwal na koneksyon sa ating Ama sa langit upang mas makilala at mapagtiwalaan natin ang Kanyang kalooban.
- Pagiging Bukas-palad: Ang pag-ibig natin sa Diyos ay marapat na umapaw sa ating pagmamahal sa iba. Isa sa paraang maipapakita natin ang pag-ibig na iyan ay sa pamamagitan ng pagiging bukas-palad sa ating panahon, lakas at mga pag-aari.
Mga Kasanayan sa Paglayo
Ang mga kasanayang ito ay mga pamamaraang tanggihan ang mga bagay na gusto o kailangan natin upang magkaroon ng puwang na makatuon at makakonekta sa Diyos. Sa kabuuan, tinutulungan tayo ng mga ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga bagay mula sa ating regular na kagawian.
- Pag-iisa: Pag-iisa upang solong makasama ang Diyos at tumuon sa Kanya at sa nais Niyang sabihin sa atin.
- Pag-aayuno: Nang may takdang haba ng panahon nang walang pagkain, o iba pang ninanais o kinakailangan, sa layuning mas makatuon sa pananalangin at koneksyon sa Diyos.
- Sabbath/Pamamahinga: Regular na pagtatalaga ng oras na hindi tayo magtatrabaho o tutuon sa pagiging produktibo nang tayo ay makasamba, makapagpahinga, at makapag-ipon ng lakas. Itinalaga ng Diyos ang Sabbath para sa Israel na gawin sa isang buong araw sa bawat linggo, ngunit ang pinakadiwa ng pamamahinga sa Sabbath ay maaari ring ipatupad sa mas maiikling pagitan ng araw.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
![Kingdom Come](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F25626%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Narinig namin na si Jesus ay nag-aalok ng "buhay na ganap" at hinahangad namin ang karanasang iyon. Nais namin ang buhay na iyon na nasa kabilang dako ng pagbabago. Ngunit anong uri ng pagbabago ang kailangan natin? At paano natin isasagawa ang proseso ng pagbabago? Sa Maghari Ka sa Amin, ikaw ay makatutuklas ng isang bagong paraang makapamuhay ng pambihira at kamangha-manghang buhay na paanyaya sa atin ng Diyos.
More