Maghari Ka sa AminHalimbawa
PANALANGIN:
O Diyos, tulungan akong makita kung paano Kang kumikilos sa akin ngayon.
PAGBASA:
Sa unang tingin, tila nakakalito ang mga bersikulong ito. Sinasabi ba ni Pablo na ang kaligtasan ay ating kikitain sa pagdaan ng panahon, isang bagay na kailangan nating “pagsumikapan?” Alam natin mula sa maraming sipi sa Banal na Kasulatan na ang kaligtasan ay hindi isang bagay na makakamtan sa pamamagitan ng gawa; ito ay isang bagay na ibinibigay sa atin. Ito ay kaloob ng kagandahang-loob na malayang ibinibigay sa atin ng Diyos. Kaya, ano ba ang tinutukoy ni Pablo rito?
Ang susi sa pag-unawa ng mga salitang “Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan” ay masusumpungan sa kasunod na bersikulo kung saan isinulat ni Pablo ang, “ang Diyos ang kumikilos sa inyo.” Hinihimok ni Pablo ang mga tagasunod ni Cristo na umabante sa kanilang espirituwal na paglago. Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang isahang pasya. Ito ay serye ng ilang tagpo at pasyang bumubuo ng isang lakbayin ng pagbabago. Sa unang sandali ng pasyang sumunod kay Jesus, idinideklara ka ng Diyos na walang sala at matuwid sa Kanyang paningin. Binibigyan ka Niya ng bagong estado at posisyon bilang anak ng Diyos. Ang teolohikal na salita para rito ay pagpapawalang-sala. Ang nalalabing bahagi ng lakbayin ay ang proseso kung saan tayo ay sa mga praktikal na aspeto nagiging kung ano ang idineklara ng Diyos na ating posisyon. Ito ay tinatawag na pagpapabanal. Ang Diyos ay nakatuon sa prosesong ito sa iyong buhay. Siya ay kumikilos “sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.” Ngunit hindi ito isang bagay na ginagawa Niya nang walang partisipasyon mo.
Ganito ang pagkakasabi ng ebanghelistang si George Müller noong ikalabinsiyam na siglo: “Ang mananampalataya ay kailangang tapusin, kailangang dalhin hanggang wakas, kailangang paabutin sa sukdulang potensyal nito ang sa prinsipyong ibinigay na ng Diyos... Kailangan niyang pagsumikapan ang ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang biyaya.”
Sa kalaunan ito ang pinatutungkulan ng lakbaying espirituwal na paglago—ang pagsumikapan ang ipinagkaloob ng Diyos. Tayo ay nakikipagtulungan sa Diyos sa pagbabagong ginagawa Niya sa ating mga buhay.
PAGNINILAY:
Humanap ng tahimik na lugar at manatili roong tahimik kasama ng Diyos. Maaaring kailangan mong ipaglaban, ngunit maging intensyonal na manatili sa lugar kung saan kaya mong maging tahimik ang kalooban.
Hingin sa Diyos na magkaroon ka ng higit na kamalayan sa Kanyang presensya. Hingin sa Kanyang gawing malinaw kung paano Siyang kumikilos sa iyo at kung paano kang aktibong maaaring makilahok sa iyong espirituwal na paglago. Huli, pasalamatan Siya sa Kanyang katapatan at hilingin sa Kanyang patalasin ang iyong kamalayan sa espiritu Niyang kumikilos sa iyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Narinig namin na si Jesus ay nag-aalok ng "buhay na ganap" at hinahangad namin ang karanasang iyon. Nais namin ang buhay na iyon na nasa kabilang dako ng pagbabago. Ngunit anong uri ng pagbabago ang kailangan natin? At paano natin isasagawa ang proseso ng pagbabago? Sa Maghari Ka sa Amin, ikaw ay makatutuklas ng isang bagong paraang makapamuhay ng pambihira at kamangha-manghang buhay na paanyaya sa atin ng Diyos.
More