7 Araw ng Kuwento ng Pasko: Isang Pampamilyang Debosyonal para sa AdbiyentoHalimbawa
Araw 4: Jesus
Si Jesus ang kuwento ng Pasko! Kung wala Siya, lahat tayo ay mapupunta sa malaking gulo. Lahat tayo ay nangangailangan ng Tagapagligtas upang sagipin tayo mula sa ating mga kasalanan. Tulad ng sinabi ng anghel, ang pagdating ni Jesus ay “magandang balita ng kagalakan para sa lahat ng tao” (Lucas 2:10).Dahil mahal tayo nang lubusan ng Diyos Ama ay pinili Niyang ipadala ang Kanyang nag-iisang Anak dito sa mundo upang isilang bilang isang sanggol.
Pero hindi rito natatapos ang magandang balita. Mahal na mahal tayo ni Jesus nang lubusan dahil lumaki Siya, namuhay nang perpekto at namatay kapalit natin para maghirap para sa ating mga kasalanan. Pagkatapos, Siya ay bumangon at nabuhay muli pagkatapos ng tatlong araw! Siya ay pumunta sa langit at doon namumuhay hanggang ngayon. Dahil si Jesus ay buhay, maaari tayong magkaroon ng isang hindi kapani-paniwalang relasyon sa Diyos ngayon at magpakailanman. Ito ang pinakamagandang balita sa lahat! Kung tayo ay maniniwala kay Jesus, tayo ay magiging mga anak ng Diyos. Ginagabayan Niya tayo, ginagawa Niya ang Kanyang tahanan sa atin, naging kaibigan natin, itinuturo ang Kanyang mga pamamaraan, at nakikinig sa ating mga dasal. Higit pa, kaya nating mahalin ang ibang tao tulad ng pagmamahal sa atin ng Diyos. Sinabi ni Jesus, “Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig” (Juan15:9). Ang di kapani-paniwalang pag-ibig na ito ang buong punto ng Pasko. Ito ang pinakamagandang balita na ating maririnig!
Gawaing Pampamilya: Magplano para sa pagdiriwang ng kaarawan ni Jesus. Pwede mong ipagdiwang sa Araw ng Pasko o kung kailanman nababagay sa mga plano ninyo bilang pamilya. Alinmang paraan, makipagtulungan sa iyong mga anak ngayon para planuhin ang pagdiriwang. Bilhin ang mga sangkap na kailangan para gumawa ng cake para sa kaarawan. Bumili ng mga lobo o mga palamuti. Sa araw ng pagdiriwang, kumanta ng mga awiting Pasko at ng "Happy Birthday". Ikuwento kung paano nabago ni Jesus ang iyong buhay. Gawin itong natatanging pagdiriwang sa iyong pamilya. Gumawa ng tradisyon na kasasabikan ninyo taon-taon.
Mga Tanong Pang-Talakayan sa Pamilya:
• Ilarawan ang magandang balita kung gaano ka minamahal ni Jesus.
• Paano binago ng pagmamahal ni Jesus ang iyong pag-iisip tungkol sa Pasko?
• Paano nito binago ang iyong pakikitungo sa ibang mga tao? Magbigay ng mga halimbawa.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Tila tayong lahat ay nangangailangan ng mahigpit na yakap, tunay na koneksyon, at isang bagay na kasiya-siyang ipagdiwang sa panahon ngayon. Dalangin namin na itong debosyonal na pang-Adbiyento ay magbibigay sa iyo at sa iyong pamilya ng pamamaraan na makipag-ugnayan, matuto tungkol sa tunay na kuwento ng Pasko, at ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus sa pamamagitan ng mga bagong tradisyon, kuwentong pang-hapunan, pag-uusap bago matulog, at gawaing pampamilya. Nais namin sana na itong "yakap" ng Pasko ay magdala ng magagandang alaala sa iyong tahanan ngayong panahon ng Adbiyento!
More