Pagtatagumpay Laban sa Pagkabalisa Halimbawa
Ang Damdamin
Ang ating damdamin ay kaloob mula sa Diyos, at malaki ang impluwensya nito sa ating buhay. Kung minsan ay ipinapahayag natin ito sa pamamagitan ng kagalakan, kaligayahan, kapayapaan, kabaitan, at kabutihan. Kung minsan naman, ang ating pagpapahayag ng ating damdamin ay malupit, mapang-uyam, mabagsik, at nakakasakit. Habang ang ating mga damdamin ay humihina at dumadaloy sa mga tagumpay at kabiguan ng buhay, dapat nating laging tandaan na binigyan tayo ng ating Ama ng mga damdamin upang masiyahan tayo sa ating buhay at maipahayag natin sa ibang tao ang nasa kalooban natin. Dumarating nga lang ang problema kapag nakokontrol tayo ng ating mga damdamin sa halip na tayo ang kokontrol dito.
Sa kabuuan ng Banal na Kasulatan, nakikita natin ang maraming taong nagpapahayag ng kanilang mga damdamin. Si Saul ay nagselos kay David (1 Sam. 18:6-9). Ipinahayag ni Ana ang matinding kalungkutan at umiyak siya sa Diyos (1 Sam. 1:10). Si Elias, na itinuturing na isang makapangyarihang tao na malaki ang pananampalataya at tapang ng loob, ay ilang beses na inamin sa Banal na Kasulatan na siya ay natatakot (1 Mga Hari 19:2-4). At kapag binasa mo ang Sermon sa Bundok, ibinahagi rito ni Jesus nang tatlong beses sa mga nakikinig sa Kanya na, "Huwag kayong mabalisa … huwag kayong mabalisa … huwag kayong mabalisa" (Mat. 6:25-34).
Hindi pa katagalan, gumawa ako ng impormal na pagsusuri upang malaman kung anong damdamin ang pinakabantog sa kaisipan ng mga tao. Sa nakita ko, ang pagkabalisa ang nangunguna. Ang mga tao ay nababalisa tungkol sa kanilang mga trabaho, kalusugan, pananalapi, pamilya, pag-aaral, mga relasyon, at ang direksyon at pamumuno sa bansa, ang ilan dito. Walang dudang namumuhay tayo sa isang nakakabalisa at walang-katiyakang panahon. At ang "kawalang-katiyakan" angmahalagang salita pagdating sa kabalisahan. Kapag tayo'y nahihirapan sa kabalisahan, tayo'y hindi tiyak sa kung anong nangyayari sa kasalukuyan, hindi nakakatiyak sa kung anong mangyayari sa hinaharap, o kaya naman ay hindi tiyak sa epekto ng nakaraan sa ating buhay.
Ang mismong kabalisahan ay hindi kasalanan. Ito ay isang normal na pagtugon sa kawalang-katiyakang kinakaharap natin sa mga sitwasyong nangyayari sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang tanong ay kung anong ginagawa natin sa mga pagkabalisang iyon at kung gaano katagal nating hinahayaan itong manatili sa ating buhay. At sa mga darating na araw, ipapakita ko sa iyo kung paano kang makakapangibabaw sa pagkabalisa upang magkaroon ka ng isang matagumpay at puno ng pananampalatayang buhay.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagkabalisa ay isang karaniwang tugon sa mga walang-katiyakang bagay na kinakaharap natin sa buhay. Ngunit kung anong ginagawa natin sa ating pagkabalisa—at kung gaano katagal nating hinahayaan itong manatili sa atin— ay siyang susi. Samahan si Dr. Charles Stanley habang binibigyang-liwanag niya ang nakasisirang damdaming ito, at ipinapakita sa iyo kung paano ito mapangingibabawan, at saka tutulungan kang makita ang solusyon ng Diyos para sa pagkabalisa, upang akayin kang tamasahin ang isang matagumpay at puno ng pananampalatayang buhay.
More