Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagtatagumpay Laban sa Pagkabalisa Halimbawa

Victory Over Anxiety

ARAW 6 NG 12

Pagharap sa Kabalisahan

Ngayong napag-usapan na natin ang tungkol sa kung ano ang pagkabalisa, kung bakit kailangan natin itong iwasan, at ang nakapipinsalang epekto na maaari nitong magawa sa ating kalusugan, hayaan ninyong magtanong ako ng ilang katanungan: Paano mo hinaharap ang iyong pagkabalisa? May iniinom ka ba o may mga ugnayan ka bang inaasahan upang maharap mo ito? O winawalang-bahala mo ba ang mga nakababalisang pag-iisip at damdamin mo, sa pag-asang ang mga ito ay mawawala rin nang kusa?

Marami akong nakakatagpong mga tao na pinipiling patuloy na maligalig tungkol sa kanilang mga kabagabagan sa halip na ibaling ang kanilang atensyon sa pagtustos ng Diyos. Nananatili silang hindi mapakali tungkol sa hinaharap at hindi nila makayang mag-isip ng ibang bagay bukod sa mga mahihirap na paghamong kinakaharap nila. Ang kanilang mga takot ay napakatindi at madalas ay tila hindi na malalampasan. Dahil dito, ang walang tigil na pagtuon sa kanilang mga problema ay nagbibigay sa kanila ng damdaming ang kanilang mga buhay ay hindi na kailanman magiging maayos. 

Kung alinman dito ang tila pamilyar sa iyo, hayaan mong siguruhin ko sa iyo na ang patuloy na kabang nararamdaman mo ay hindi galing sa Diyos (2 Tim. 1:7). Hindi kailanman binalak ng Diyos na ikaw ay magtiis sa walang humpay na pagsalakay ng kabalisahan. Sa halip, nais Niyang harapin mo ang iyong mga pag-aalala at takot, na nagtitiwala sa Kanya sa bawat aspeto ng iyong buhay. 

Sa Mateo 6:25-34, tinuturuan tayo ni Jesus tungkol sa pag-aalala at ang pagtustos ng Diyos para sa atin. Hindi Niya ikinailang may kabalisahan ngunit ibinigay Niya ang dalawang makabuluhang katotohanang mahalaga para sa atin:

1. Walang anumang mahalaga ang matatamo natin mula sa takot.

2. Ang pagtitiwala sa Diyos ay nakakabawas sa takot.

May panahon sa aking buhay na may hinarap akong napakahirap na sagabal sa aking pananampalataya. Hindi ko maunawaan kung bakit ako ay nahihirapan o kung bakit ako ay naguguluhan—ang lahat naman sa buhay ko ay tila maayos ang takbo. Natatandaan kong paulit-ulit akong nananalangin sa Diyos upang tulungan akong magtiwala sa Kanya nang higit pa. Ngunit sa kung anumang dahilan, hindi ko malampasan ang napakahirap na pader na pumipigil sa akin upang umasa nang lubos sa Kanya.

Sa wakas, tinanong ko ang ilang mga kaibigan kong may karunungan at nagmamahal sa Diyos upang ako ay matulungan. Alam kong mabibigyan nila ako ng napakahusay na payo. Sinamahan nila ako—ipinanalangin at pinag-usapan ang mga pangyayari sa aking buhay—hanggang ipinakita sa amin ng Ama kung anong nangyayari at kung saan nanggagaling ang kabalisahan ko.

Nagkita-kita kami at nag-usap nang mga sumunod na araw. Ikinuwento ko ang lahat ng naaalala ko tungkol sa aking personal na kasaysayan. Nagpasya akong hindi ko tatakbuhan ang problema at sa halip ay haharapin ko ito, bibigyang kalutasan ngayon. Ikinuwento kong lahat sa aking mga mapagkakatiwalaang kaibigan at wala akong itinago sa kanila. 

Ang isa sa aking mga kaibigan ay may itinanong na hindi ko kailanman makakalimutan: "Isipin mong binuhat ka ng iyong ama at niyakap. Anong nararamdaman mo?" Direkta ito sa pinakaugat ng aking problema, at napahagulgol ako. Matagal-tagal akong hindi makahinto sa pag-iyak. 

Ang ama ko ay namatay noong ako ay siyam na buwang gulang pa lang. Ang pagkawala niya sa napakabatang edad ay lumikha ng napakalalim na kahungkagan, takot, at pag-aalinlangan sa akin na ni hindi ko napagtantong naroon pala. Noong ako ay tahimik na, tinanong akong muli ng kaibigan ko, "Anong nararamdaman mo, Charles?" Nag-isip ako nang sandali at tumugon: "Nakakaramdam ako ng init, ng pagiging ligtas, at ng pagtanggap. Nararamdaman kong minamahal ako." Sa unang pagkakataon ay naunawaan kong mahal ako ng Diyos—na maaari akong magkaroon ng isang tunay at personal na relasyon sa Kanya nang higit sa pagkakaroon ng kaligtasan. Para malaman ninyo, buong buhay ko nang ipinapangaral ang tungkol sa walang pasubaling pagmamahal ng Diyos. Pinaniwalaan ko ito sa aking isipan, ngunit hindi ko ito naranasan sa kaibuturan ng aking espiritu bago ang araw na iyon. 

Nasabi ko ba sa sarili kong hindi ako mahal ng Diyos? Hindi. Nagduda ba ako sa pag-ibig ng Diyos? Hindi. Kung ganoon, ano ang nasa kaloob-looban ko na naging dahilan kung bakit hindi ko maranasan ang pag-ibig ng Diyos sa isang makabuluhang paraan?

Iyon ay ang pangangailangan ng isang maliit na bata para sa kanyang ama sa lupa na hindi kailanman natugunan. Natutunan ng aking isipan na harangan ang sakit, na pagkayanang wala ang kanyang pisikal na presensya, at mabuhay. Walang nagkamali. Ngunit kinailangan ko ang aking ama, at naapektuhan nito kung paanong gumana ang isipan ko tungkol sa mga impormasyon patungkol sa Panginoon. Ang talagang nakakagulat sa lahat ng iyon ay wala akong kaalam-alam na may mga pag-iisip pala ako upang maingatan ang aking sarili at mga malalalim na pagkabalisa hanggang ang mga ito ay nabunyag.

Ang pag-iisip na hinahawakan ako ng Diyos tulad ng paghawak ng isang ama sa lupa ay siyang kinakailangan ko upang mapagtagumpayan ang harang. Agad-agad, ang pakikibaka ko sa Diyos ay naunawaan ko na, at sa wakas ay naramdaman kong malapit na ako sa Kanya. Ang mapagtanto ang Kanyang presensya sa isang tiyak na pamamaraan ay siyang nagbukas ng pagdaloy ng malaking kaginhawahan at kagalakan—at siyang lubos na nagbago sa buong buhay at ministeryo ko.

Kaibigan, hindi mo alam kung anong hindi mo alam sa buhay mo. Wala sa ating nakakabatid nito. Ang pagbubukas ng mga nakatagong sugat at kabalisahan sa ating mga buhay ay nangangailangan ng paggawa ng Espiritu Santo, na may kakayanang sumuri at maglingkod sa atin sa mga kakaibang pamamaraan. (Mga Taga Roma 8:26-27). Pagtiwalaan Siyang ihahayag Niya ang mga lihim na lugar ng sakit sa iyo, at harapin mo ngayon ang iyong mga kabalisahan.

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Victory Over Anxiety

Ang pagkabalisa ay isang karaniwang tugon sa mga walang-katiyakang bagay na kinakaharap natin sa buhay. Ngunit kung anong ginagawa natin sa ating pagkabalisa—at kung gaano katagal nating hinahayaan itong manatili sa atin— ay siyang susi. Samahan si Dr. Charles Stanley habang binibigyang-liwanag niya ang nakasisirang damdaming ito, at ipinapakita sa iyo kung paano ito mapangingibabawan, at saka tutulungan kang makita ang solusyon ng Diyos para sa pagkabalisa, upang akayin kang tamasahin ang isang matagumpay at puno ng pananampalatayang buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang In Touch Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://intouch.cc/yv-victory-over-anxiety