Pagtatagumpay Laban sa Pagkabalisa Halimbawa
Maraming nalalaman si apostol Pablo tungkol sa kabalisahan. Hinarap niya ang mga suliranin, paghihirap, pagsubok, pagkakulong, pambubugbog, pagdurusa, at pag-uusig—ang mga ito ay ilan lang. Ngunit pakinggan mo kung anong sinasabi niya sa Mga Taga-Filipos 4:4-7:
Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Maaari ninyong tingnan ang taludtod na ito na isinulat ni Pablo at kinasihan ng Espiritu Santo upang hanapin ang solusyon para sa kabalisahan o sa pag-aalalang hinaharap mo.
1.Kailangang aminin mo kung anong nakakabalisa, nakakapag-alala, o nakakabalisa sa iyo. Kailangang maging tapat ka sa iyong sarili at amining nahihirapan ka sa iyong pagkabalisa. Habang hindi mo pinapansin ang iyong kabalisahan, lalasunin ka nito, at magkakaroon ito ng masamang epekto sa buhay mo. Magkaroon ng lakas ng loob na harapin ang iyong pagkabalisa at mga pag-aalala.
2. Dalhin ang iyong mga alalahanin sa Ama nang may espiritu ng pasasalamat. Tandaang ang Diyos ay laging nariyan lamang. Lumapit sa Kanya nang may pasasalamat, ipahayag ang pasasalamat sa Kanya dahil Siya ang iyong Diyos, na minamahal ka nang walang pasubali, dinidinig ang iyong mga panalangin, inuunawa kung nasaan ka talaga, at nakahandang tumulong sa iyo.
3. Ipaalam mo sa Kanya ang iyong mga kahilingan. Sabihin mo sa Diyos ang lahat ng alalahanin mo. Ibahagi mo sa Kanya ang iyong mga kabalisahan, mga alalahanin, mga takot, at mga pag-aalinlangan, at pagkatapos ay hilingin mo sa Kanyang tulungan kang malampasan ang mga ito.
4. Maniwalang minamahal ka Niya, dinirinig ang iyong mga panalangin, at nangangako Siyang tutulungan ka. Maging lubos na kumbinsidong hindi ka lamang minamahal ng Diyos at dinirinig ang iyong mga panalangin, kundi ipinangako Niyang tutulungan ka Niyang malampasan at magapi ang anumang paghihirap na kinakaharap mo.
5. Magtiwalang may kapangyarihan at panustos Siya upang gawin ang hinihiling mo. Tandaang ang iyong lubos na makapangyarihan, lubos na nakakabatid, nakakaalam ng lahat ng bagay, nasa lahat ng dakong Diyos ay ibinigay na sa iyo ang lahat ng kakailanganin mo upang mapagtagumpayan ang mga kabalisahan at pag-aalalang gumugulo sa iyo. Sa pamamagitan ng lakas ng Kanyang Espiritu, ang Kanyang kapangyarihan ay hindi lamang nariyan para sa iyo, kundi ito ay nananahan sa iyo upang tulungan kang magtagumpay at upang ang lahat ng bagay ay maging para sa iyong kabutihan.
6. Magpahinga sa kapayapaan at kaalaman na ibibigay sa iyo ng Diyos ang katagumpayan. Ang kapayapaan ng Diyos ay babantayan ka, na ang ibig sabihin ay papalitan ng Ama ang iyong pagkabalisa ng Kanyang kapayapaan. Tatakpan at iingatan ka nito, at magtatayo ng isang di-mapapasok na pader ng proteksyon sa iyong paligid. Kailangan lang na ibigay mo ang iyong mga alalahanin sa Kanya.
Ang mga nakakabalisang kaisipan at sitwasyon ay laging nariyan sa ating buhay, ngunit kung gaano katagal mong panghahawakan ang iyong kabalisahan—iyan ang susi. Anumang pinagdaraanan mo, ipinapangako ko sa iyong kapag kinuha mo ang taludtod na mula sa Mga Taga-Filipinos na binabanggit ko kanina at pagninilayan mo ito, habang hinihingi sa Diyos na kumilos sa iyong puso, ipinapangako Niyang bibigyan ka Niya ng kapayapaang hindi nauunawaan ng mga tao (Mga Taga-Filipos 4:7). Nakita ko nang ginawa Niya ito sa buhay ko paulit-ulit, at alam kong gagawin Niya ito para sa iyo.
Kaibigan, hindi mo kailangang mabuhay nang may kabalisahan maliban na ito ang piliin mo. Ipinapanalangin ko sa Amang tulungan ka Niyang mapagtagumpayan ang iyong pagkabalisa at dalhin ka sa iyong tagumpay sa wakas. Kung nakahanda kang pagtiwalaan Siya, ikaw ay palalayain Niya.
Pindutin dito upang magkaroon ng higit pang kaalaman kung paano kang magiging tagumpay laban sa kabalisahan at hanapin ang Kanyang masaganang plano para sa iyong buhay.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagkabalisa ay isang karaniwang tugon sa mga walang-katiyakang bagay na kinakaharap natin sa buhay. Ngunit kung anong ginagawa natin sa ating pagkabalisa—at kung gaano katagal nating hinahayaan itong manatili sa atin— ay siyang susi. Samahan si Dr. Charles Stanley habang binibigyang-liwanag niya ang nakasisirang damdaming ito, at ipinapakita sa iyo kung paano ito mapangingibabawan, at saka tutulungan kang makita ang solusyon ng Diyos para sa pagkabalisa, upang akayin kang tamasahin ang isang matagumpay at puno ng pananampalatayang buhay.
More