Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa
Gambalain Ako
Kung ano ang ating ipinapanalangin ay mahalaga. Ngunit, hindi lamang ito mahalaga, ito ay may ihinahayag din.
Ang laman ng ating mga panalangin ay may ihinahayag tungkol sa atin at sa ating relasyon sa Diyos nang higit sa maaaring naiisip natin. Kung ano ang ipinagdarasal natin ay sumasalamin sa ating pinaniniwalaan patungkol sa Diyos. Kapag ang ating mga dasal ay para sa "atin" o para sa "mahahalagang bagay sa atin," ang laman ng ating mga dasal ay nagpapahiwatig na naniniwala tayo, sa ating kaibuturan, na ang Diyos ay pangunahing narito para sa atin.
Kaya't tumigil panandali at gumawa ng pagsisiyasat ng iyong pananalangin. Isipin mo ang lahat ng ipinagdasal mo kamakailan—hindi sa buong buhay mo, kundi itong nakaraang pitong araw lang. Maaaring isulat sa isang papel o mag-type ng isang memo sa iyong telepono at ilista ang lahat ng iba't-ibang bagay na hiniling mo sa Diyos na gawin noong nakaraang linggo. Panandaliang pag-isipan ito. Naaalala mo ba? Ano ang ipinagdasal mo? Ano ang hiniling mo sa Diyos na gawin?
Ngayon sagutin nang tapat. Kung ang Diyos ay nagsabi ng oo sa bawat dasal na iyong ipinanalangin sa nakalipas na pitong araw, sa paanong paraan kaya nagbago ang mundo?
Kung ang iyong mga dalangin ay normal at ligtas na mga dasal, maaaring ikaw ay nagkaroon ng isang magandang araw, nakarating nang ligtas, o lumasap ng isang double cheeseburger, fries at Diet Coke.
Sa loob ng ilang taon, kung ginawa kong siyasatin ang aking mga panalangin, ang resulta ay kahiya-hiya. Kung ginawa ng Diyos ang lahat ng hiniling ko sa loob ng isang linggo, walang masyadong nagbago sa mundo. Sa totoo lang, may ilang linggong wala akong hiniling na kahit ano. Sa ibang mga linggo, maaaring nagdasal ako ngunit mga panalanging patungkol lamang sa akin, at wala itong dalang pagbabago sa kabuuan ng buhay.
Masyadong ligtas ang mga panalangin ko.
May karapatan akong lumapit sa Manlilikha at Tagapagtaguyod ng sansinukob. Ang Dakilang si Yahweh. Ang Alpha at Omega. Ang Simula at ang Wakas. Ang makapangyarihan sa lahat, ang nasa lahat ng dako, ang Diyos na nakakaalam ng lahat, na kayang magpaulan ng apoy mula sa langit, magpatikom ng mga bibig ng mga gutom na leon, o pumayapa ng malakas na bagyo. At ang tanging hiniling ko sa Kanya ay ingatan ako at tulungan akong magkaroon ng isang magandang araw.
Sa loob ng ilang taon, ayaw kong magambala. Ngunit, pagkatapos manalangin ng mga mapanganib na dasal, nasumpungan kong ang mga banayad na paghimok ng Diyos ay palaging gumagambala sa aking mga makasariling plano at ginagabayan Niya ako tungo sa Kanyang walang hangganang kalooban.
Mas malakas ang aking pananampalataya.
Mas puspos ang aking buhay.
Mas puno ang aking puso.
Isipin mo kung ano ang magiging iba kung mananalangin ka nang mas lantad. Kung magiging mas mapangahas ka. Kung magiging mas bukas ka pa sa anumang gagawin ng Diyos sa iyo imbes na umasa lamang na may gagawin Siya para sa iyo. Paano kung mananalangin ka nang mas mapangahas? Mangangarap nang mas malaki? Mapusok na habulin si Jesus nang walang takot at walang-pasubaling pananampalataya?
Panahon nang baguhin ang paraan mo ng pananalangin. Panahon nang iwanan ang ligtas at maginhawa, madaling-hulaan, at madaling-ipagdasal na mga dasal. Panahon nang manalangin nang may tapang, nang may pangangahas na buksan ang sarili mo sa isang ibang daan sa mas magandang destinasyon. Panahon nang magsimulang manalangin ng mga mapanganib na dasal. Panahon nang magambala.
Kung talagang nais mong mapabuti ang mundo, kailangan mo ng kapangyarihan mula sa langit. Kung nais mong magkasaysay ang buhay mo, panahon nang manalangin ng malalaki, matatapang, mapangahas na mga dasal.
Hanapin ang Diyos at mangarap nang malaki. Tanggihang matakot sa pagkabigo. Panahon nang makipagsapalaran. Na magtiwala. Na mangahas. Na maniwala. Ang iyong buhay ay di palaging magiging ligtas. At kailangan nito ng pananampalataya. Kung hindi tayo sumasampalataya, hindi natin mabibigyang ng kaluguran ang Diyos.
Ano pang hinihintay mo?
Alamin ang higit pa tungkol sa aklat ni Craig Groeschel na, Dangerous Prayers.
Tungkol sa Gabay na ito
Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.
More