Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa
Ihayag Ang Aking Mga Takot
Ano ang nagsasanhi sa iyong mabalisa? Kabahan? Di mapalagay? Matakot?
Hindi ko tinutukoy ang mga normal na panlabas na takot tulad ng sa mga ahas, mga gagamba, o ang takot sa pagsakay ng eroplano. Ang tanong ko ay tungkol sa mga bagay na pumupuyat sa iyo sa gabi, ang mga bagay na gumugulo sa iyong isipan at hindi mapatahimik. Mga bagay tulad ng pagkawala ng iyong trabaho. Ng hindi pag-aasawa. O matali sa hindi magandang buhay may-asawa. Pagkakasakit. Pagkaubos ng iyong naipon para lang makaraos.
Hindi natin alam kung anu-anong mga takot ang nasa isipan ni David, ngunit malinaw na siya ay nababagabag patungkol sa kanyang kaligtasan at marahil sa kanyang kinabukasan. Sapagkat, pagkatapos niyang hilingin sa Diyos na siyasatin ang kanyang puso, nanalangin si David na, “alamin ang aking isip” (Mga Awit 139:23). Nais niyang sabihin ang kanyang pinakakinatatakutan sa Diyos. Na harapin ang mga ito at pangalanan. Na magtiwalang ang Diyos ay mas malaki kaysa anumang takot na maaaring isipin ni David.
Handa ka bang manalangin ng ganitong dasal? “Panginoon, ibunyag Mo kung ano ang bumibihag sa aking isipan. Ipakita Mo sa akin kung ano ang aking pinakakinatatakutan. Sige po, tulungan Mo akong harapin kung ano ang aking ikinasisindak.”
Kung ano ang ating kinatatakutan ay mahalaga.
Ilang taon na ang nakalipas, ako ay nagkaroon ng isang rebelasyon patungkol sa paksang ito na umantig sa akin sa isang napakapersonal na paraan. Ipinakita ng Diyos sa akin na kung ano ang aking pinakakinatatakutan ay nagpapakita ng kung saan ko pinakakaunting pinagtitiwalaan ang Diyos. Pagkatapos ipanganak ang aming ikatlong anak na babae na si Anna, si Amy ay nagkaroon ng mga pisikal na hamon. Noong una, akala namin ay pagod lamang ito, ngunit noong kalahati ng kanyang katawan ay namanhid, kami ay natakot na ito ay labis na mas malala pa. Ang iba't-ibang doktor ay hindi makapagbigay ng mga kasagutan. Habang ang kanyang mga sintomas ay patuloy na lumalala, ang aking pagtitiwala sa Diyos ay nagsimulang manghina.
Ang takot na ito ay nagbunga ng iba pa, at sa gabi hindi ko na makontrol ang naiisip ko. Paano kung si Amy ay may malubhang sakit? Paano kung mawala siya sa akin? Hindi ko kayayaning palakihin ang aming mga anak na wala siya. Hindi ko kakayaning ipagpatuloy na pamunuan ang iglesia. Hindi ko gugustuhing magpatuloy. Noon ko napagtanto. Ang mga bagay na pumupuyat sa akin sa gabi ay ang mga bagay na hindi ko pinauubayaang hawakan ng Diyos. Kinakapitan ko ang mga ito, pinagbubulay-bulayan, hinanapan ng paraang makontrol ang mga ito, nilulutas ang lahat ng aking mga problema, pinagpaplanuhan ang bawat posibleng pangyayari. Nagpapasalamat ako, sa biyaya ng Diyos, si Amy ay unti-unting nanumbalik sa kanyang dating lakas, ngunit ang kanyang mga hamon ay nagsiwalat ng isa sa aking pinakamalubhang kahinaan. Nilamon ako ng takot.
Ikaw naman? Ano ang mga bagay na kinakapitan mo habang pinapayagan ang mga itong takutin ka? Anong mga takot ang ayaw mong ibigay sa Diyos?
Pag-isipan mo. Kung ikaw ay nababalot ng takot patungkol sa kinabukasan ng iyong buhay may-asawa, ito ay tanda na hindi mo lubos na pinagtitiwalaan ang Diyos patungkol sa iyong buhay may-asawa. Kung ikaw ay nilalamon ng pag-aalala sa kung paano mo tutustusan ang iyong mga bayarin, ito ay nagpapahayag na maaaring hindi mo pinagtitiwalaan ang Diyos na maging iyong tagapagtustos. Kung ikaw ay napaparalisa ng pag-aalala sa kaligtasan ng iyong mga anak, marahil hindi mo ipinauubaya sa Diyos na panatilihin silang ligtas?
Habang ihinahayag ng Diyos ang iyong mga takot, itinataguyod din Niya ang iyong pananampalataya. Kailangan mo Siya. Kailangan mo ang Kanyang presensya. Kailangan mo ang Kanyang kapangyarihan. Kailangan mo ang gabay ng Kanyang Espiritu. Kailangan mo ang Kanyang Salita upang palakasin ka.
Kung ano ang iyong kinatatakutan ay nagpapakita ng kung saan ka pa kailangang lumago sa relasyon mo sa Diyos. Ano ang iyong kinatatakutan? Ano ang bumabalisa sa iyong isipan?
Ano ang ipinapakita ng Diyos sa iyo?
Saan mo pa kailangang lumago sa pananampalataya?
Magtiwala sa Kanya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.
More