Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa
Basagin ako
Mainam na manalangin para sa kaligtasan at sa mga pagpapala, ngunit paano kung nais mo ng higit pa? Paano kung gusto mo ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ng kalakasan mula sa langit, ng di matitinag na pananampalataya, ng tunay na matalik na ugnayan sa iyong Ama?
Sa halip na hilingin lamang sa Diyos na panatilihin kang ligtas, na bigyan ka ng higit pa, at ng proteksyonan ang iyong buhay, maaari mong hilingin sa Diyos na basagin ka.
Kapag naiisip ko ang ipanalangin ang dasal na ito, “Panginoon, basagin mo ako,” naiisip ko ang isang karanasan namin ni Amy sa aming small group. Sa isang mabagyo at malamig na Miyerkules na gabi sa Enero, nakaupo kami sa isang maginhawa at komportableng silid kasama ang pito o walong iba pang mag-asawa na nag-uusap patungkol sa mismong mapanganib na dasal na ito.
Nagkasundo kaming lahat na gusto naming ipanalangin ito—nang taimtim—ngunit hindi maipagkaila ang pangamba sa kahihinatnan nito. Ang unang babaeng nagsalita ay seryosong tiningnan ang posibilidad ngunit inaming naglalaban ang kanyang damdamin. Isang mapagmahal na asawa at ina ng apat, siya ay sumunod kay Jesus nang tapat magmula pa ng siya'y nasa ikalawang baitang ng high school. Siya ay nagsilbi sa kid's ministry sa iglesia, nag-ikapu nang tapat, tumulong sa pangangalaga ng mga ulila, dumalo sa lingguhang pag-aaral ng Biblia, at madalas magboluntaryo na manguna sa panalangin sa mga grupo.
Ngunit noong maharap sa pagpili na hilingin sa Diyos na basagin siya, siya ay tumanggi. "Pasensiya na, pero nais kong magpakatotoo," sabi niya. "Ayaw kong hilingin sa Diyos na basagin ako. Natatakot ako sa kung anong maaring mangyari. Ako'y isang inang may apat na anak. Masyado ko silang mahal. Ang paghiling sa Diyos na basagin ako ay talagang masyadong nakakatakot para sa akin na kailanmang ipanalangin. Paano kung ako ay magkasakit o magkaroon ng depresyon o mawalay sa aking pamilya?”
Karamihan sa ibang nasa small group ay tumango sa pagsang-ayon.
Ngunit ang aking parehong tanong ay nananatili para sa ating lahat ngayon: ano ang nawawala sa atin sa pagkapit sa ating kaginhawahan?
Ano ang nagiging kawalan sa atin dahil tayo ay desididong umiwas sa sakit at paghihirap?
Sabi ni Jesus, “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.” (Mateo 16:25). Hindi tayo iniimbitahan ni Jesus sa isang buhay na komportable at madali, ngunit sa buhay ng pagsusuko at pagsasakripisyo. Ang ating pinakahahangad ay hindi dapat na masunod ang ating kalooban, kundi ang masunod ang Kanyang kalooban. At iniimbitahan tayo ni Jesus na mamatay sa ating sariling buhay, upang tayo ay makapamuhay sa bawat sandali, sa bawat araw—para sa Kanya. Para iwanan ang ating komportableng sala at mga ligtas na panalangin upang malaman kung ano ang ibig sabihin ng pagiging basag para sa kapakanan ng iba.
Sa pananatiling ligtas, nanganganib tayong mawalan ng isang bagay na mas mahalaga pa kaysa ating seguridad at kaginhawahan. Hindi natin makakamtan ang mga pagpapala na maaring nasa kabila ng pagbasag ng Diyos.
Sabi ni Lucas, “Dumampot din siya [Jesus] ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.’” (Lucas 22:19). Halos lahat ng mga iskolar ng Biblia ay nagkakasundo na ang tagubilin ni Jesus na “gawin ito” ay nagbibigay sa mga mananampalataya ng paraan na alalahanin, parangalan, at ipagdiwang ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ngunit ang iba ay naniniwala na ang sinabi ni Jesus na “gawin ninyo ito” ay tumutukoy sa kung paano tayo mamumuhay. Paano kung hindi lamang tinutukoy ni Jesus ang patungkol sa isang rituwal na paminsan-minsan nating ginagawa sa iglesia? Paano kung iniimbitahan Niya rin tayong maging basag at ibinubuhos araw-araw? Paano kung magkaroon tayo ng katapangan, ng kapangahasan, ng pananampalataya na manalangin ng, “O, Diyos, basagin mo ako”?
Hindi lamang natin inaalala si Jesus tuwing Banal na Hapunan sa iglesia. Inaalala rin natin Siya sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil ang katawan ni Jesus ay pinahirapan, dahil ang Kanyang dugo ay ibinuhos para sa atin, tayo ay dapat na mamuhay araw-araw para sa Kanya, basag at ibinuhos.
Maaaring, hindi ito kaaya-aya sa unang tingin. Sino ba ang gustong maging “basag” at “ibinuhos”? Mukha itong masakit, at talagang miserable kung iisipin. Ngunit nasa pagbibigay ng ating mga buhay natatagpuan ang tunay na kagalakan. Sa halip na sundin ang ating kalooban, tayo ay susuko sa Kanyang kalooban. Sa halip na subukang punuin ang ating buhay ng lahat ng ating ninanais, ibubuhos natin ang lahat sa ating mga buhay upang mapabuti ang buhay ng iba.
Ang tunay na pagkabasag sa harap ng Diyos ay hindi isang minsanang pangyayari, ito ay pang-araw-araw na desisyon. Sabi ni Pablo, “Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan” (1 Cor. 15:31). Anong ibig sabihin nito? Araw-araw, pinipili niyang ipako sa krus ang kanyang mga naisin upang lubos siyang makapamuhay para sa Diyos. Kung may tapang kang ipanalangin ang dasal na ito, maghanda ka. Humanda na makilala ang Diyos, at makilala ng Diyos, sa isang paraan na hindi mo pa nararanasan noon.
Maaari kang manatiling ligtas. Ngunit ang aking hinala ay nais mo ang higit pa roon. Iba ang aking pinipili. Ako ay isang puno-ng-pananampalataya at handang-isugal-ang-lahat na tipo ng tao. Hindi ko iinsultuhin ang Diyos sa maliit na pag-iisip o ligtas na pamumuhay. Kung may mga pagpapala sa kabila ng kabasagan sa harap ng Diyos, basagin ako.
Tungkol sa Gabay na ito
Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.
More