Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa
Ang Kalooban Mo'y Masunod
Sa halip na mahahaba, malalakas, at magagarbong panalangin, ang mga panalanging pumupukaw sa Diyos ay simple, totoo, at taos-puso. Ngunit ang pagiging simple ay 'di pareho ng ligtas. At iyan ang dahilan kung bakit nahimok akong isulat ito. Ang pinakamalaking pagkakamali ko sa aking buhay panalangin, ang dahilan kung bakit walang buhay ang aking mga dasal, ay dahil nananalangin ako nang masyadong ligtas. Nasa "comfort zone" lang ako kasama ng Diyos. Hindi ako nag-aalab o nanlalamig. Ang aking mga dasal ay maligamgam. Ngunit ang mga ligtas at maligamgam na dalangin ay hindi naglalapit sa atin sa Diyos o tumutulong sa ating ihayag ang Kanyang pag-ibig sa mundong ito.
Ang mga dasal ay likas na mapanganib. Ang ideyang ito patungkol sa panalangin ay sumagi sa isip ko habang binabasa ang patungkol sa pakikipag-usap ni Jesus sa Kanyang Ama sa hardin ng Getsemani, ilang oras lang bago Niya ibinigay ang Kanyang buhay sa krus. Batid ang hinaharap, tinanong ni Jesus sa Diyos kung may iba pang paraan. Pagkatapos, si Jesus, hindi isang regular na alagad o tao sa Biblia, kundi si J-E-S-U-S, ang Anak ng Diyos, ay nanalangin ng isang delikado at mapanganib na panalangin ng pagpapasakop: “...ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” (Lucas 22:42).
Hindi kailanman ipinapagawa sa atin ni Jesus ang isang bagay na hindi Niya mismo gagawin. Tinatawag Niya tayo sa isang buhay ng pananampalataya at hindi sa isang buhay ng kaginhawaan. Imbes na pumunta sa Kanya para sa isang mas ligtas, mas madali, at walang-alalahaning pamumuhay, hinahamon tayo ng Anak ng Diyos na mangahas na mahalin ang iba nang higit sa sarili. Imbes na pagbigyan ang mga pang-araw-araw na hilig ng laman, tinatawagan Niya tayong iwaksi ang mga ito para sa isang bagay na walang hanggan. Sa halip na mamumuhay lamang ayon sa ating kagustuhan, sinasabihan Niya tayong pasanin ang ating mga krus araw-araw at tularan Siya.
Ako'y nag-aalala na para sa maraming tao, ang panalangin ay parang pagbili ng isang tiket sa ripa, isang pagbabakasakali sa buhay dito sa lupa na walang suliranin, walang alalahanin, at walang kasakitan. Para sa iba, ang panalangin ay isa lamang masentimiyentong kagawian, tulad ng pagbigkas ng titik ng paboritong kanta o isang kinagigiliwang tugma ng iyong kabataan. Habang ang iba naman ay nananalangin lamang dahil mas nakokonsiyensya sila kapag hindi nila ito nagawa.
Ngunit wala sa mga ito ang sumasalamin sa buhay na ibinigay ni Jesus sa atin.
Sa halip, tinawag Niya tayo na iwan ang lahat at sumunod sa Kanya.
Hindi lamang hinamon ni Jesus ang iba na iwan ang kanilang kalooban. Siya rin ay namuhay nang may mapanganib na pananampalataya. Hinawakan Niya ang mga ketongin. Nagpakita Siya ng grasya sa mga babaeng mababa ang lipad. At matapang na hinarap ang panganib. Pagkatapos, sinabihan Niya tayong kaya natin ang ginawa Niya—at higit pa ruon.
At ito ang dahilan kung bakit hindi tayo maaring manatiling humihiling lamang sa Diyos na basbasan ang ating pagkain o di kaya'y "samahan kami ngayon.”
Sa Bibilia, tayo'y sinasabihang "Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos" (Heb. 4:16a MBB05). Hindi nating kailangang mahiyang lumapit o mag-alangan—maaari tayong lumapit sa Kanya nang buo ang loob, may katiyakan, at katapangan. Tayo'y mananalangin ng ganito, "upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan" (Heb. 4:16b MBB05).
May halaga ang iyong mga panalangin.
May halaga kung paano ka manalangin.
May halaga kung ano ang iyong ipinananalangin.
Ang iyong mga panalangin ay pumupukaw sa Diyos.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.
More