Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa

Dangerous Prayers

ARAW 1 NG 7

Bakit Kailangang Maging Mapanganib ang Iyong Mga Panalangin 

Tulad ng maraming tao, nahirapan akong manalangin nang regular at may bisa nang ilang taon. Kahit maganda ang aking mga intensyon, madalas nalilihis ang isip ko o nababagot kapag nananalangin. Nang nagsisimula pa lang ako sa pagpapastor, may isang kaibigang tumulong na kumbinsihin akong oras na para magbago. Sobrang tagal kong pinahintulutan ang mga panalanging walang pananampalataya, ngunit alam kong higit pa ang nais ng Diyos para sa akin, at nais ko pa Siyang makilala nang mas matalik.

“Uy, Craig, naniniwala ka bang gumagawa pa ng mga himala ang Diyos?”

“Oo naman,” sabi ko.

“Mabuti naman—kasi walang kabuhay-buhay ang mga panalangin mo.”

Pinilit kong tumawa kasama niya, ngunit nasaktan ako sa biro ng kaibigan ko—lalo na dahil tama siya.

Dahil wala akong masabi, wala akong maibigay na depensa habang minumuni-muni ko ang katotohanan ng kanyang obserbasyon. Hindi ko maipagkailang isiniwalat niya ang isang lihim na alam ko na ngunit ayaw kong aminin: kaawa-awa ang mga panalangin ko.

Ang gabay na ito ay para sa sinumang nakakaramdam na hindi na umuusad ang kanyang buhay-panalangin, nananalangin ng mga panalanging paulit-ulit, walang pagbabago at ligtas.

Naglilingkod tayo sa isang Diyos na kayang gawin ang higit pa sa anumang kaya nating hilingin o isipin. Kaya, panahon nang itigil ang pagiging segurista. Hindi tayo nilikha para sa buhay na komportable. Tayo ay maalab at makapangyarihan, inatasang baguhin ang mundo sa radikal na mga paraan! Naniniwala akong ang gabay na ito ay hihimok sa iyong malampasan ang mga hangganan at pupukaw sa iyong manalangin nang mapanganib at mamuhay nang may tapang.

Habang ako'y mas nag-aral ng Biblia, namangha ako sa iba't-ibang panalangin na binigkas ng mga lingkod ng Diyos. Hindi lang nila ipinanalangin ang mga napakapersonal na bagay—halimbawa ang pagkakaroon ng anak (1 Sam. 1:27)—bagkus, ang kanilang mga panalangin ay napakapraktikal tulad ng para sa pagkain at probisyon (Mat. 6:11) at pagtakas mula sa kanilang mga kaaway ( Mga Awit 59:1–2). Minsan, tila bumubulong sila sa mapagmahal na Diyos. Sa ibang pagkakataon, sumisigaw sila sa sakit at kabiguan.

Ang mga panalangin nila'y dibdiban. Desperado. Maalab. Matapang. Totoo. Habang ako nama'y nananalanging ingatan ako ng Diyos at basbasan ang aking burger at fries.

Tama ang kaibigan ko.

Walang kabuhay-buhay ang mga panalangin ko.

Maaaring dama mo rin ito. Hindi naman sa hindi ka naniniwala sa panalangin. Naniniwala ka. Ngunit hindi ka umuusad. Nananalangin ka patungkol sa mga parehong pakikibaka at parehong kahilingan. Sa parehong paraan. Sa parehong oras. Kung sinusubukan mo man lang manalangin. Marahil alam mong kailangan mong manalangin nang higit pa. At nang mas may alab pa. Mas may pananampalataya. Nais mong kausapin ang Diyos at pakinggan Siya, magkaroon ng matalik na usapan tulad ng pakikipag-usap mo sa iyong asawa o pinakamalapit na kaibigan. Gusto mo talaga ngunit hindi ka sigurado kung paano. Kaya ang mga panalangin mo ay nananatiling ligtas.

Walang buhay. Walang sigla. Paulit-ulit. Panis. Nakayayamot.

Ang panggigising ng aking kaibigan ang nagkumbinsi sa aking oras nang baguhin ang aking buhay panalangin. Nang sobrang tagal, pinayagan ko ang mga panalanging walang buhay, walang pananampalataya, at karaniwang walang laman. Nabatid kong nais ng Diyos ang higit pa para sa akin, at ninais kong makilala Siya nang mas matalik, kahit may pag-aalangan sa kung ano ang kapalit nito mula sa akin.

Kapag hinahangad nating makipag-usap sa Diyos sa tunay, lantaran, at matalik na panalangin, hindi Niya tayo binabalot sa espirituwal na kaligtasan. Sa halip, sinisira Niya ang balot ng kaisipang makasarili at inaanyayahan tayong magtiwala sa Kanya habang hindi pa natin alam ang sunod Niyang gagawin. May mga araw na pakiramdam nating tayo ay pinagpapala. May mga araw na kumakaharap tayo sa mga pagsubok, pakikipaglaban, at pag-uusig. Ngunit ang bawat sandali ng mapanganib na panalangin ay mapupuspos ng Kanyang presensya.

Handa ka na ba para sa higit pa? Sawa ka na ba sa pananatiling ligtas? Handa ka na bang manalangin ng mga panalanging puno ng tapang, puno ng pananampalataya, nakararangal-sa-Diyos, nakakapagpabago ng buhay at ng nakakapagpabago ng mundo?

Kung oo, ang Gabay sa Biblia na ito ay para sa iyo.

Babala. May mga balakid. Kapag nagsimula kang manalangin ng mga bagay tulad ng "siyasatin mo ako, bagbagin mo ako, o isugo mo ako," makararanas ka ng mga lambak sa iyong buhay. Mga pagtuligsa. Mga pagsubok. Mga kasakitan. Mga kahirapan. Kahinaan ng loob. At pati pagdadalamhati. Ngunit mayroon ding kagalakan ng pananampalataya, pagkamangha sa mga himala, kaluwagan ng pagsusuko, at ang kasiyahan ng pagbibigay kaluguran sa Diyos.

Panahon nang itigil ang pananalangin nang ligtas.

Panahon nang magsimulang kausapin—totoong kausapin—at totoong pakinggan—ang Diyos.

Panahon na para sa mga mapanganib na panalangin.

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Dangerous Prayers

Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.

More

Nais naming pinasasalamatan si Pastor Craig Groeschel at ang Life.Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang: https://www.craiggroeschel.com/