Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa

Dangerous Prayers

ARAW 6 NG 7

Isugo Mo Ako

Bilang isang pastor nang ilang dekada, nasilayan ko mismo ang mga pinakamatatalik na hiling na ipanalangin ng libo-libong mga tao. Bawat linggo, daan-daang pangangailangan ang bumabaha sa simbahan, mula sa mga kard ng dasal sa aming mga pagtitipon, pati sa mga tawag sa telepono o mga hiling na ginagawa online sa pamamagitan ng social media o ng app ng simbahan. Kung kaya hindi ka na magugulat na ang pinakamadalas kong naririnig na sabihin sa bawat linggo ay ang ikinagagalak kong tuparing: “Pastor, maaari ninyo po bang ipanalangin ang . . .?”

Itinuturing ko itong isang pribilehiyo, isang karangalan, at isang masayang tungkulin na panandaliang tumigil at itaas sa panalangin ang isang pangangailangan sa harap ng trono ng Diyos, at hilingin sa Kanya na maawa, gumalaw, gumabay, magkaloob, kumilos, maghimala para sa mga taong kilala ko at mahal sa akin. Bawat linggo, may isang humihiling sa Diyos na pagalingin ang kanilang mahal sa buhay mula sa kanser, tulungan ang isang kapitbahay na makahanap ng trabaho, o maibalik sa dati ang isang mapanglaw na buhay mag-asawa. Ang mga estudyante ay humihiling na makapasok sa kolehiyo na kanilang pinili, na magkaroon ng sapat na panustos para rito, o na makayanan ang sakit ng paghihiwalay ng kanilang mga magulang. May ilang nananalangin para magkaroon ng asawa. May ibang humihingi ng tulong na mapatawad ang isang taong nanakit sa kanila. 

Iba't iba man ang mga kahilingan, ang hinihingi ng mga tao sa Diyos ay ang gawin ang isang bagay para sa kanila o sa isang mahal sa buhay. O Diyos, tulungan Ninyo ako. O Diyos, tulungan Ninyo ang isang minamahal. Panginoon, kailangan ko ng.... Ama, maaari bang...? 

O Diyos, gawin mo ang isang bagay para sa akin

Pakiusap dinggin ako...tiyak na marapat tayong manalangin nang ganito. Dapat ay lagi nating iimbitahan ang presensiya ng Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos, ang kapayapaan ng Diyos na mamagitan sa ating mga buhay. Dapat nating hilingin sa Diyos na gumawa ng mga himala para sa atin. Dapat nating itaas ang ating mga mahal sa buhay at ipaalala sa ating mga sarili ang kakayahan ng Diyos na kumilos sa kanilang mga buhay. Dapat nating lapitan ang Diyos para sa lahat ng ating mga pangangailangan.

Ngunit hindi tayo dapat magtapos doon.

Paano kaya kung sa halip na humiling lang tayo sa Diyos na gawin ang isang bagay para sa atin, ipagdasal natin sa ating Ama sa langit ang isang mapanganib, may pagtatanggi-sa-sariling panalanging nagpapahiwatig na handa tayong magpagamit?

Paano kung magdasal tayo ng pinakamapanganib na panalangin sa lahat?

“Isugo mo ako, Panginoon. Gamitin mo ako.”

Si Isaias ay nanalangin ng ganyang dasal nang walang pasubaling pagiging handa sa presensiya ng Diyos. Ang propeta ng Lumang Tipan ay naglahad ng kanyang pakikipagtagpo kasama ng Banal na Diyos, nang tanungin siya ng Diyos ng, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” (Isa. 6:8a) At kahit hindi niya alam ang mga detalye, hindi alam kung saan o kailan, ipinanalangin ni Isaias ang ganitong kagila-gilalas, makapagpapabago-ng-buhay na panalangin: “Narito po ako; ako ang inyong isugo!” (Isa. 6:8b).

Pansining hindi humingi si Isaias ng anumang mga detalye. Hindi siya nagtanong sa Diyos kung saan. O kailan. O kung ano ang mangyayari. Kaya nga't ang panalanging ito ay lubhang mapanganib. “O Diyos, isugo mo ako. Gamitin mo ako. Hindi ako humihingi ng anumang detalye. Hindi ko kailangang malaman ang mga benepisyo. O kung magiging madali ito. O kung ikakasaya ko ito. Dahil sa kung sino Ka—aking Diyos, aking Hari, aking Tagapagligtas—nagtitiwala ako sa Iyo. Dahil Ikaw ang may kapangyarihan sa buong sansinukob, isinusuko ko ang aking kalooban sa Iyo, bawat bahagi ng aking sarili. Kunin Mo ang aking isipan, mga mata, bibig, mga tainga, puso, mga kamay, at mga paa at gabayan ako tungo sa Iyong kalooban. Nagtitiwala ako sa Iyo. O Diyos, ang aking sagot ay oo. Ano nga ba ang tanong?”

Isipin mo kung ganito ang iyong panalangin. Sawa ka na ba sa mga ligtas na dasal? Pagod ka na bang mamumuhay para sa mga bagay na walang katuturan? Kinamumuhian mo ba ang walang sigla't maligamgam na Buhay Cristiano? Kung ganoon, ipanalangin mo ang mapanganib na dasal na ito.

Narito po ako, Panginoon.

Isugo mo ako.

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Dangerous Prayers

Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.

More

Nais naming pinasasalamatan si Pastor Craig Groeschel at ang Life.Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang: https://www.craiggroeschel.com/