Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Mapanganib na PanalanginHalimbawa

Dangerous Prayers

ARAW 3 NG 7

Siyasatin Ako

Mangangahas ka bang manalangin sa paraang di mo pa nagagawa dati?

Nang buong puso, kaluluwa, isip, at kabuuan ng iyong pagkatao? Ano kaya ang mangyayari sa iyong buhay at mga buhay ng mga nakapaligid sa iyo kung magsisimula kang magdasal ng mga mapanganib na panalangin?

Mangangahas ka bang malaman ito?

Pinaratangan nang di marapat ni Haring Saul si David ng kataksilan at ipinadala niya ang kanyang buong hukbo nang ilang ulit sa pagtatangka sa buhay nito. Buong pusong ninais ni David na magbigay kaluguran sa Diyos. Nilabanan niya ang kanyang galit upang protektahan at bigyang-galang ang hari. Ngunit dahil alam niyang ang kanyang motibo ay di palaging perpekto, isinuko ni David ang kanyang puso sa Diyos at nagdasal ng isa sa mga pinakalantaran, walang-itinatago, at mapanganib na panalanging iyong maririnig. Bilang pagpaparangal sa Diyos sa bawat aspeto ng kanyang pagkatao, nagdasal si David ng, "O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.” (Aw. 139:23–24).

Hindi lamang napakahirap na magdasal ng ganitong panalangin, ngunit mas mapanghamon pang isabuhay ito. Dahil kung ikaw ay may tapang na magdasal nito, kailangan mo rin ng tapang upang isabuhay ang anumang ipapakita sa iyo ng Diyos bilang tugon. Kaya't huwag mong ipanalangin ito kung di mo ito taos na hinahangad.

Paunang babala, ang panalanging ito ay may kakayanang antigin ang iyong budhi. Upang itama ka. Upang maisaayos ang iyong buhay. Upang baguhin ang pananaw mo sa iyong sarili. Upang baguhin ang pananaw ng iba sa iyo.

Maaaring iniisip mo na parang balewala lang ito. Maaaring iniisip mo kung bakit kailangang siyasatin ng Diyos ang iyong puso, bagama't alam na Niya ang nasa loob mo. Alam mo kung ano ang laman nito.

Alam Niya kung ano ang laman nito. Bakit kailangan pang itanong ang kitang-kita naman?

Ito ang nakakalitong bahagi. Sa panlabas, tila alam na natin kung ano ang nasa ating mga puso. Tama? Alam ko ang aking mga motibo. Alam ko kung ano ang pinakamahalaga. Alam ko kung bakit ko ginagawa ang mga ginagawa ko. Bukod doon, maaaring sinasabi mo sa iyong sarili, May mabuti akong puso. Hindi ko nais saktan ang ibang tao. Nais kong gawin ang tama. Ang aking puso ay mabuti. Nagdadasal ako, hindi ba?

Ngunit ang Salita ng Diyos ay naghahayag ng kabaliktaran. Maaring mabigla ka sa unang pagkakataong marinig mo ito, ngunit sinasabihan tayo ni Jeremias ng isang tuwid at matapat na katotohanan. Si Jeremias ay anak ng isang paring Levita na ipinanganak noong bandang 650 BC. Noong paghahari ni Haring Josias, hinirang ng Diyos ang batang propeta na ito upang dalhin ang Salita ng Diyos sa Israel at sa mga ibang bayan. Sinabi ni Jeremias nang tapatan na ikaw—kasama ko at ng lahat ng iba—ay walang mabuting puso. Sa katunayan, hindi lamang na hindi mabuti ang iyong puso, kundi ito ay makasalanan at masama sa lahat ng paraan. Wika ng propeta, "Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan." (Jer. 17:9 RTPV05).

Kung wala si Cristo, ang iyong puso ay mandaraya. Habang mas nalalapit tayo kay Jesus, mas lalo nating kailangang kaharapin ang ating mga pagkukulang. Kahambugan. Pagiging makasarili. Mahalay na pagnanasa. Pagkagumon. Diwang mapamula. 

Ang pagdarasal ng mapanganib na panalanging ito ay magbubukas ng daan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos. Sa halip na simpleng humiling sa Diyos na gawin ang isang bagay para sa iyo, hilingin sa Kanyang isiwalat ang isang bagay patungkol sa iyo. Itong sandali ng katotohanang ito kasama ng Diyos ay maaring hindi magbago sa iyo kaagad, ngunit tutulungan kang kilalanin ang iyong espirituwal na pangangailangan at isaayos ang iyong buhay.

Ito ang dahilan kung bakit ang dasal na ito ni David ay napakamapanganib.

“Siyasatin ang aking puso, Panginoon.”

Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Dangerous Prayers

Pagod ka na ba sa pagiging segurista sa iyong pananampalataya? Handa ka na bang harapin ang iyong mga pangamba, patibayin ang iyong pananampalataya, at palayain ang iyong potensyal? Itong 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa aklat na Dangerous Prayers ni Pastor Craig Groeschel ng Life.Church ay humahamon sa iyong magsapanganib sa panalangin—dahil ang pagsunod kay Jesus ay di kailanmang nilayong maging ligtas.

More

Nais naming pinasasalamatan si Pastor Craig Groeschel at ang Life.Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang: https://www.craiggroeschel.com/