Ang Diyos ay Kasama NatinHalimbawa
Prinsipe ng Kapayapaan
May pambihirang regalo tayo dahil kay Jesus, na isinantabi ang Kanyang kaluwalhatian sa langit para pumunta dito sa lupa upang tayo ay mabigyan ng liwanag, buhay, at kalunasan — Siya ang tunay na Hari na dapat papurihan!
Sa Isaias 9:6, nangusap ang Diyos sa pamamagitan ng propeta at sinabi ang pagdating ni Jesus — na sa dinami-dami ng Kanyang katungkulan, Siya ay makikilala rin na Prinsipe ng Kapayapaan, o kasing-kahulugan ng “Diyos ng Kapayapaan.” Pero paano ba tayo uusad mula nang makita at maniwala sa katotohanang ito, papunta sa totoong paglakad at pagkakaroon ng kapayapaan na Siya lang ang may kakayahang magbigay?
Sa Bagong Tipan, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” (Juan 16:33 RTPV05) Hindi aksidente nang sinabi ng Diyos ang pagdating ni Jesus, na tinawag Niya Siyang Prinsipe ng Kapayapaan. Alam ng Diyos ang kahirapan na haharapin ng Kanyang mga disipulo sa Kanyang paglisan, at alam Niya ang paghihirap na ating kinakaharap araw-araw.
Lagi nating sinusubukang makontrol ang iba't-ibang aspeto ng ating buhay, inilalagay natin ang bigat ng sitwasyon sa ating sariling balikat, pero hindi Niya plano na tayo ang magbuhat nito mag-isa. Kapag mas bibigyan natin ng tuon ang ating relasyon kay Jesus at dadalhin natin ang ating saloobin sa Kanya, tayo ay napapalaya para makatanggap ng pambihirang kapayapaan na direktang nanggagaling sa Kanya. Bago pa man ipanganak si Jesus, nagbigay na ang Diyos ng kasagutan sa lahat ng ating saloobin sa pamamagitan ng pagka-Diyos ng Kanyang Anak — napakapambihira!
Sa panahong ito, sana ay maalala natin ang kalayaan at kapayapaan mayroon tayo kay Jesus. Bagama't siguradong haharap tayo sa mahihirap na sitwasyon, sa pamamagitan ng Kanyang pagka-Diyos, mayroon tayong pahinga at kapayapaan na lampas pa sa kung ano man ang magagawa natin.
Panalangin: Ama, salamat po sa kapayapaan na ibinigay Mo sa akin sa pamamagitan ni Jesus. Tulungan Mo po akong maalala iyon at magkaroon ng kapayapaan sa Iyong presensya. Ano man ang kakaharapin ko, Ikaw po ang aking kasama at Ikaw po ang magbibigay sa akin ng kapayapaan na higit pa sa aking kaalaman — salamat po!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Pasko ay panahon ng lubos na kagalakan, na nagsasaad ng kapanganakan ni Jesus, ang ating Tagapagligtas. Maraming mga propesiya sa Biblia ng pagdating ni Jesus, at sa pamamagitan ng debosyonal na ito, titingnan natin ang pito sa mga pangalang ginagamit ng Diyos sa Banal na Kasulatan upang ipahayag ang Kanyang pagdating. Susuriin natin kung paano isinasabuhay ni Jesus ang bawat isa sa mga pangalang ito at kung paano ito naaangkop pa rin para sa atin ngayon tulad noong narito Siya sa mundo.
More