Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Ang Pagmamahal ang Nagtataboy ng Takot sa Iyong mga Relasyon
“Namumuhi ako sa iyo!”
Kapag ito ay sinasabi ng mga tao sa kanilang mga relasyon, madalas na isang tanda ito na mayroong isang taong sinusubukang kontrolin ang isang tao. Ano bang nakapaloob sa pagkontrol na ito? Ito ay takot. Ang kawalan ng kapanatagan ay siyang dahilan kung bakit sinusubukan nating kontrolin ang ibang tao o kaya naman ay labanan ang pagkontrol ng ibang tao sa atin. Kapag ikaw ay walang kapanatagan at ang iniisip mo na lamang ay kung anong iniisip ng ibang tao tungkol sa iyo, sinisira nito ang iyong mga relasyon at sinisira ang iyong buhay.
Ito ay isang kataka-takang suliranin na mayroon tayo bilang mga tao: Nais nating maging malapit, ngunit natatakot din tayong maging malapit. Nais nating makipag-palagayang-loob sa ibang tao, ngunit halos mamatay tayo sa takot dahil dito.
Ang kawalan ng kapanatagan ang pumipigil sa pakikipagpalagayang-loob at sumisira sa mga relasyon. Hindi ka maaaring maging malapit sa isang tao kung may takot sa inyong relasyon. Kung ang kawalan ng kapanatagan ay sumisira ng relasyon, ano naman ang bumubuo nito? Ang pagmamahal! Ang pagmamahal ang bumubuo ng mga relasyon.
Sinasabi sa 1 Juan 4:18 na, “Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot…” (RTVP05). Paano ito nangyayari? Paano naaalis ng pagmamahal ang lahat ng takot?
Inaalis ng pagmamahal ang pagtutuon mo ng pansin sa iyong sarili at inililipat nito ang iyong pansin sa ibang tao. Maraming beses na akong tinanong ng mga tao, “Kinabahan ka na ba kahit minsan kapag nagsasalita ka sa napakaraming tao sa Saddleback?” Ang sagot ay, “Oo naman!” Ngunit alam ba ninyo ang kaibahan? Inaalis ko ang pagtutuon ng pansin sa sarili ko at itinutuon ko ito sa mga taong nasa harap ko. Kung nakatayo ako roon at iisipin ko kung ano kayang palagay nila sa ayos ng aking buhok, mayroon akong dapat katakutan, tama? Ngunit sa sandaling isipin ko kung gaano ko kamahal ang aking pamilya sa iglesia at kung paanong kami ay sama-samang naglilingkod sa Diyos, biglang nawawala ang aking takot.
Ganito rin ang nangyayari sa anumang relasyon. Kapag itinutuon mo ang iyong pansin sa ibang tao, nagbibigay ito ng kapangyarihan sa iyo upang itapon ang takot sa buhay mo.
Kaya't paano mo matatagpuan ang kapangyarihan upang ituon ang iyong pansin sa ibang tao? Napapagtanto mo kung gaano ka kamahal ng Diyos. Sa sandaling maunawaan mo kung gaano ka kamahal ng Diyos, hindi mo na kailangang patunayan ang sarili mo. Hindi mo kailangang pabilibin ang ibang tao, dahil batid mo nang mahal ka ng Diyos.
Alam mo bang nakapagpapalaya at nagbibigay ng kasiyahan ang mabuhay sa ganitong paraan? Ang iyong pagkakilanlan at pagpapahalaga sa sarili ay hindi umaasa sa iniisip ng ibang tao tungkol sa iyo. Kapag may kapanatagan ka sa iyong relasyon kay Cristo, hindi ka kayang pilitin ng sinumang tao sa anumang inaasahan nila sa iyo. Ang pagmamahal ng Diyos ay nagpapalaya sa iyo upang mahalin ang ibang tao nang walang takot.
Pakinggan ngayong araw na ito ang audio teaching mula kay Pastor Rick >>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More