7 Araw Tungo sa Pagiging Mas Mapagbigay na TaoHalimbawa
Mapagbigay ng pampalakas ng loob.
Ang mababait na pananalita ay maaaring maikli at madaling bigkasin, ngunit ang alingawngaw ng mga ito ay tunay na walang wakas. — Mother Teresa
Ang mga salita ay makapangyarihan. Bagama't hindi tayo masusugatan ng mga ito sa pisikal, tiyak na maaari tayong saktan ng mga ito sa ating kalooban. Ano kaya kung piliin nating maging mga tagapaghatid ng liwanag sa mundong ito na punong-puno ng mga pampahina ng loob? Ano kaya kung gugugulin natin ang ating mga araw sa layuning makapagpalaganap ng lakas ng loob upang makapagpasaya ng buhay ng iba? Kaya nga, siguruhin nating ang ating mga salita at gawa ay maghahatid ng lakas ng loob imbes na makagiba ng ibang tao.
Heto ang ilang paraang makapagdedeposito tayo ng kabaitan sa araw ng ibang tao:
Kung may naisip kang kabaitang sabihin, sabihin ito.
Ito marahil ang isa sa mas nahihirapang gawin ang mga tao. Maaaring ito ay dahil hindi natin nakasanayang mag-isip ng magagandang bagay tungkol sa ibang tao o natatakot tayo sa pag-iisip ng kung ano ang itutugon nila. Magsasabi ba sila ng “salamat” o tatanggihan nila ang ating kabaitan dahil hindi sila komportable kapag sila ay pinipuna ng maganda o pinapalakas ang loob? Ngunit hindi dapat tayo mapigilan ng alinman sa dalawang ito sa pagiging masunurin sa udyok ng Espiritu Santo. Kapag naatasan tayong magpalakas ng loob ng isang tao sa pamamagitan ng ating mga salita, sabihin natin ito.
Kapag nakakita tayo ng isang pangangailangang kaya nating tugunan, gawin ito.
Nakakakita tayo ng mga taong nangangailangan araw-araw. Maaari itong ang inang may humihiyaw na paslit sa groseri na nakaiwan ng kanyang pitaka sa bahay at hindi mabayaran ang kanyang sana'y bibilhin. Kung may kakayahang pinansyal tayo, tulungan natin siya. Baka ito ang matandang lalaki na hindi kayang pulutin ang isang bagay o buksan ang pinto. Malamang ay kaya natin siyang tulungan. Hindi kailangan na malalaki ang mga pangangailangan upang makapagpabuti ng buhay ng ibang tao. Maaari tayong pagmulan ng pampalakas ng loob sa pinakamaliliit na gawa.
Kapag nakakakita tayo ng isang pasanin, ipanalangin ito.
Karamihan sa atin ay nagnanais na manalangin nang higit pa para sa ibang tao. Ngunit hindi lang natin ginagawa. Sinasabi natin ang, “Ipapanalangin kita” at pagkatapos ay hindi natin gagawin at sumasama ang loob natin kalaunan dahil hindi natin ito nagawa. Imbes na sabihin kung ano ang ating ipapanalangin, talagang manalangin na tayo. Maaari nga tayong manalangin sa mismong sandaling iyon...sa publiko! Hindi natin matatantiya kung ano ang magagawa ng aktong iyan para sa isang tao. O maaari tayong manalangin nang tahimik at saka magpadala ng pasunod na tekst na, “Ipinanalangin kita kanina!”
Nawa'y magkaroon tayo ng mga matang makakakita ng mga oportunidad at pamamaraang may magawa sa buhay ng ibang tao sa araw na ito at sa araw-araw. Sila'y nakapaligid sa atin.
Magbulay-bulay
- Ang pagpapalakas ng loob ay madali ba sa iyong gawin? Bakit?
- Sa tatlong mungkahi sa itaas, alin ang isasama mo sa bawat araw upang makabuti sa ibang tao?
- Bago matapos ang araw, palakasin ang loob ng isang tao.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Mapagbigay na Pamumuhay ay hindi lang patungkol sa mga bagay na ginagawa natin—ito'y pusong hinahayaan nating linangin ng Diyos sa loob natin. Ito ay isang paglalakbay ng puso at sa pagtanaw na ang lahat ng mayroon tayo ay kaloob mula sa Diyos. Sa Gabay sa Biblia na ito, matutuklasan natin na ang mapagbigay na pamumuhay ay labis na higit pa sa ating personal na pananalapi—ito'y pamumuhay na nakatuon sa iba.
More