Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Sama-sama: Paghahanap sa Buhay nang MagkakasamaHalimbawa

Collective: Finding Life Together

ARAW 5 NG 7

Paano mo malalaman ang layunin mo sa buhay?

Madalas nating tinatanong ang mga bata, "Ano ang gusto mong maging sa paglaki mo?" Kapag inisip mo ito, para siyang isang uri ng matinding katanungan para itanong sa isang 5-taong gulang. Subalit kapag ikaw ay naging 18 na, sa isang saglit, mayroong matinding puwersa para alamin mo ang lahat. Kaya ang malaking katanungan ay—Ano ang dapat kong gawin sa buhay ko?

Sa kabutihang-palad, binigyan tayo ni Jesus ng balangkas na susundin. Katulad ng pinag-usapan natin sa unang araw, ang ating pangunahing layunin sa buhay ay mahalin ang Diyos at mahalin ang bayan ng Diyos. Napakasimple niyang pakinggan, subalit napakahirap isabuhay. 

Ang magmahal ng bayan ng Diyos ay nangangahulugan na mamahalin sila kapag sila ay pumalpak; kapag hindi maganda ang pagtrato nila sa iyo, at kapag ginagalit ka nila. Ibig sabihin, lahat ng mga pasya ay dapat salain sa pamamagitan ng lente ng—Ito bang pasyang ito ay isang bagay na nagpapakita ng pagmamahal ko sa mga taong nasa paligid ko? 

Binigyan tayo ni Jesus ng higit na kalinawan patungkol sa ating layunin nang iniwan Niya ang Kanyang mga alagad. Sa Kanyang huling tagubilin, inilatag Niya ang ating misyon—ang humayo sa buong mundo, gumawa ng mga alagad, at turuan ang mga tao na sumunod sa Diyos. Ipinangako Niya ring makakasama natin Siya sa bawat hakbang ng daan. 

Ang ating misyon ay dalhin ang mga tao kay Jesus sa pamamagitan ng pagmamahal na katulad ng pagmamahal ni Jesus. Muli, napakasimpleng pakinggan, pero hindi ito ganoon kadali. Kahit saan man ang iyong kahihinatnan, iyon ang iyong layunin. Kung ikaw man ay nagnenegosyo o kaya ay nagtatrabaho sa isang kapihan, gawin mong misyon na mahalin ang mga tao sa paligid mo at sabihin sa kanila ang Mabuting Balita ni Jesus. 

At unawain mo ito—hindi mo kailangang gumawa ng pambihirang bagay para gumawa ng isang bagay na mahalaga. Hindi mo kailangang maging CEO o mapunta sa isang ministeryo o kaya ay maging bayani ng isang malaking usapin upang maging kakaiba. Lahat ng mga ito ay kahanga-hanga, pero lahat tayo ay may pagkakataong makagawa ng mga kahanga-hangang bagay sa araw-araw sa pamamagitan ng pagmamahal sa mga taong nasa harapan natin. 

Kaya alisin mo ang nakakabigat sa iyo. Tapusin mo na ang mga hindi kinakailangang mga mithiing inilagay mo sa sarili mo. Ang Diyos ay kasama mo, ginagabayan ka at inaakay ka sa daan na inilaan Niya para sa iyo. 

Nagtataka ka pa rin ba kung paanong pagtutugmain itong katotohanang ito sa napakalaking desisyon na nasa harapan mo? 

Narito ang tatlong katanungan na makakatulong sa iyo na magpasya kung paano ka makakapamuhay sa iyong layunin—habang inilalagay mo sa iyong isipan na kaya mong mahalin ang Diyos, mahalin ang ibang tao, at gumawa ng mga alagad kahit saan ka man pumunta. 

1. Anong mga nakalipas na karanasan ang humubog sa iyo? Hindi ka nakikilala sa nakalipas mo pero natuturuan ka nito. Dumaan ka ba sa isang bagay na gusto mong matulungan ang ibang tao na nakakaranas nito? Makakatulong ito para makapagpasya ka kung ano ang kinahihiligan mo. 

2. Nauunawaan mo ba ang iyong pagkatawag? Ano ang nagiging sanhi ng matuwid na galit sa iyo? Halimbawa, maaaring nakakaramdam ka ng matinding damdamin para pangalagaan ang mga batang nasa hindi ligtas na sitwasyon. Maaaring may puso ka sa pag-aalaga ng mga maysakit. Kahit ano man ito, isipin mo kung anong tiyak na landas ng karera ang makakatulong sa iyo para magamit ka pang lalo ng Diyos sa mga bagay na pinagmamalasakitan mo. 

3. Ano ang likas mong kahusayan? Tayong lahat ay may iba't-ibang kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian. Ano ang mga bagay na likas na dumarating sa iyo? Baka sakaling makatulong iyon para ka magpasya kung ano ang gagawin. 

Isaalang-alang: Gumugol ka ng oras para isipin ang mga katanungan sa itaas. Manalangin ka tungkol sa iyong mga kasagutan, at pag-usapan ito kasama ng mga taong malapit sa iyo. Tingnan kung ang interseksyon ng mga katanungang ito ay makakapagbigay ng kalinawan tungkol sa iyong layunin. 

Manalangin:O Diyos, salamat sa pagbibigay Mo sa amin ng iba't-ibang mga kaloob at kakayahan. Tulungan Mo akong mahalin Ka lalo at ang mga nasa paligid ko. Tulungan Mo akong makagawa ng mga alagad. Bigyan Mo ako ng kalinawan kung saan ako makakapaglingkod sa Iyo nang mahusay, at ipakita sa akin kung ano ang susunod kong hakbang. Sa pangalan ni Jesus. Amen.

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Collective: Finding Life Together

Kapag ikaw ay 18 na, para bang kailangan ay alam mo na kung ano ang iyong magiging buhay. Pero paano kung hindi? Paano kung ang kinalalagyan mo ngayon ay hindi tulad ng iniisip mo noon? Hindi ka nag-iisa. Lutasin natin ang mga pinakamalalaking tanong ng buhay dito sa 7-araw na Gabay sa Biblia ng Collective, isang pag-aaral para sa mga kabataan mula sa Life.Church.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/