Walang IkinababalisaHalimbawa
Ano kaya kung kaya mong purihin ang Diyos kahit sa kalagitnaan ng pagdurusa? Naranasan ni Brian ang kabalisahan na nagdulot din ng mga sintomas sa kanyang katawan. Ngunit sa napagdaanan niya, natuklasan niyang marami pa rin siyang maaaring ipagpasalamat sa Diyos. Heto ang kuwento niya:
Una kong naranasan ang matindi at biglaang kabalisahan at sindak (acute anxiety and panic) ilang taon na ang nakakaraan habang naninirahan sa ibang bansa sa isang mapanubok na yugto sa aking buhay. Habang sinusubukan kong matuto ng isang bagong wika, magsimula ng isang negosyo, maging ilaw ni Cristo sa isang lugar na walang simbahang naitatatag, at mag-alaga ng kambal na isang-taong-gulang, tila ako'y dahan-dahang bumababa sa isang madilim na libis.
Sa loob ng maraming buwan, dumanas ako ng sakit ng dibdib, sakit ng ulo at iba pang mga karamdamang naging sanhi naman ng takot at pagkabahalang hindi ko pa kailanman bago noon naranasan. Hanggang sa puntong ito ng buhay ko, hindi ko masyadong naging problema ang kabalisahan, at kung magpapakatotoo ako, ipinagmamalaki ko pang ako ay malakas ang loob sa pakikipagsapalaran. Ngunit hindi nagtagal palagi ko nang iniisip ang mga pinakamalubhang maaaaring mangyari—kumbinsidong may seryosong hindi tama sa akin o may nakakatakot na mangyayari sa pamilya ko.
Tinatanong ako ng mga tao kung ang kabalisahan ko ay sanhi ng sitwasyon, o dala ng pisyolohikal, o espirituwal na mga kadahilanan. Napag-isipan ko na ito, at kumbinsido akong ang sagot ay “oo.” Naniniwala akong maaaring dala ito ng magkakasabay na mga bagay. Ang stress ay maaaring kumulo sa isang punto na kahit ang matitibay laban dito ay tatablan ng lumalakas na puwersa nito.
Isa pa, tulad ng ibang mga pisikal na limitasyon o sakit, ang iba sa atin ay nakakaranas ng mga pagkakataong ang mga kemikal sa ating katawan ay hindi balanse. Dagdag pa rito, ang espirituwal nating kaaaway ay isang oportunista pagdating sa kanyang mga atake, at tinitira tayo sa mga bahagi nating marurupok.
Sa kilalang hamon ni Pablo na huwag mabalisa sa anuman sa Filipos 4:6-7, tinatawagan niya tayo na hindi lang manalangin kundi ang magpasalamat din. Ang konteksto ng tagubilin ni Pablo ay hindi matapos ang isang tagumpay o isang mahimalang pagsulong. Ang totoo nito, si Pablo mismo ay kumakaharap sa isang nakakatakot na sitwasyon. Sumusulat siya sa iglesya ng mga taga-Filipos mula sa bilangguan at kumakaharap sa isang kinabukasang walang kasiguruhan. Gayunpaman, bakas sa kanyang liham ang malalim na kagalakan at saloobin ng pagsasaya.
Kaya't sa kalagitnaan ng ating pagdurusa, kaya rin nating magpuri.
Hindi ako naniniwalang ang magpalabas lang tayo ng kunwaring pagpapasalamat ang hinihingi ni Pablo. Sa palagay ko ay hinahamon tayo ni Pablo na magpasalamat para sa mga dapat ipagpasalamat, kahit nasa kalagitanaan ng anumang kasalukuyang kahirapang pinagdaraanan.
Natuklasan kong hindi kailanman ako walang bagay na maaaring ipagdiwang. Kahit sa mga pinakamahihirap na pagsubok kong kinaharap, may mga bagay na ipinagpapasalamat ko. Ang pagbubulay sa mga iyon at pagbigkas ng pagpapasalamat sa Kanya ay nakakatulong na baguhin ang aking perspektibo at isaayos ang aking isipan.
Ang labis-labis na negatibo o nakaka-istress na mga kaisipan ay maaaring lumikha ng isang pangkalahatang pakiramdam ng paparating na pagkawasak. Ngunit kahit sa mga pagkakataong binibigkas ko ang aking pagpapasalamat na dahil lang sa disiplina ko sa aking sarili at tila sapilitan, nararanasan ko pa ring nababawasan ang kabigatang dala ko.
Hindi ko sinasabing may isang makabagong pormula patungo sa buhay na walang kabalisahan. Ngunit ang prinsipyo ng pagpupuri sa Diyos kahit sa kalagitnaan ng pagdurusa ay daan patungo sa Kanyang nagbibigay-buhay na presensya, na nag-aalok sa atin ng kapayapaan.
-Brian
Tungkol sa Gabay na ito
Ano kaya kung may mas magandang paraan ng paglaban sa walang-katapusang kabalisahan na hindi nagpapatulog sa atin sa gabi? Ang totoong kapahingahan ay nandiyan—maaaring mas malapit sa inaakala mo. Palitan ang pagkasindak ng kapayapaan sa pamamagitan ng 7-araw na Gabay sa Biblia mula sa Life.Church, na kalakip ng mensahe ni Pastor Craig Groeschel na Anxious for Nothing.
More