20/20: Nakita. Pinili. Ipinadala. Ni Christine Caine Halimbawa
TAYO'Y NAKITA, PINILI, AT PINAHAYO. HALIKA NA!
Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao. -Marcos 16:15 ASND
Ang pagpapalaki ng anak na babae ng mga unang henerasyong Griyegong migrante ay nangangahulugan ng paglaki sa isang Griyegong komunidad na nakahiwalay sa iba. Dahil ang aking mga magulang—at lahat ng kanilang mga kaibigan—ay nagpunta sa Australia na walang ibang maaasahan kundi ang isa't isa, sila'y nagsama-sama, matatag sa paniniwalang may kaligtasan kapag marami sila. Kaya, sa buong pagkabata ko, ang aking mga magulang at mga tiyahin at mga tiyuhin at mga pinsan at mga kaibigan at mga kapitbahay ay nanatiling sama-sama sa isang komunidad, na tila natatakot sa kung ano ang maaaring mangyari kung sila ay lumabas dito. At hindi ito dahil hindi sila nagsasalita ng Ingles. Ang aking mga magulang ay nagsasalita ng limang wika: Arabe, Griyego, Pranses, Italyano at Ingles. Sila ay napakatalinong mga tao! Alam nila kung paano magpasikot-sikot sa modernong lipunan, ngunit pinili nilang mamuhay sa isang maliit na mundo na kanilang ginawa.
Minsan, sa tingin ko tayo bilang mga Cristiano ay tila ganito rin. Nabubuhay tayo sa loob ng ating mga pamayanang Cristiano na nakahiwalay sa iba, kasama ang ating mga kaibigang Cristiano, at nananatili tayo doon. Marahil, nagtatago pa tayo doon, sa isang subkulturang Cristianismo na tayo ang lumikha. Idinidisenyo natin ang sa tingin natin ay langit sa lupa, at naghihintay tayo sa pag-asa na magiging maayos ang lahat hanggang sa makaalis tayo sa planetang ito. Samantalang sa lahat ng panahong ito, si Jesus ay nakita na tayo, pinili na tayoat ISINUGO TAYO SA MUNDO upang gumawa ng mga alagad. Hindi natin magagawang unahin ang Kanyang pinakadakilang tagubilin kung hindi tayo aalis mula sa ating pinagtataguan.
Hindi tayo iniligtas ni Jesus upang gumawa ng isang subkulturang Cristianismo. Ang iwasan ang mga taong hindi natin katulad, hindi kumikilos tulad natin, hindi nag-iisip tulad ng pag-iisip natin, o naniniwalang katulad natin. Hindi Niya tayo iniligtas upang magtago sa mundo, iwasan ang mundo, huwag pansinin ang mundo, katakutan ang mundo, kasuklaman ang mundo, parusahan ang mundo o hatulan ang mundo. Ipinadala Niya tayo sa mundo…upang gumawa ng mga disipulo…upang mahalin ang mundong nilikha NIya at ganoon na lamang ang Kanyang pagmamahal dito.
"Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao."
Ang pinakamahalagang salita sa talatang ito? HUMAYO.
Humayo sa buong mundo.
Humayo at mahalin ang nawawala.
Humayo at unawain ang nawawala.
Humayo at mahabag sa nawawala.
Humayo at sabihin sa mga nawawala ang tungkol kay Jesus.
Humayo at gumawa ng mga alagad.
PANALANGIN
Ama sa Langit, salamat dahil nakita Mo ako, pinili at sinugo Mo ako. Tulungan Mo akong magkaroon ng lakas at tapang na pumunta sa kung saan Mo sinabi sa akin na pumunta at gawin kung ano ang pagkatawag Mo sa akin. Amen.
Para sa higit pa kaugnay nito, mangyaring bisitahin ang www. christinecaine.com/2020study
Halaw mula sa 20/20: Seen.Chosen.Sent ni Christine Caine. Copyright © 2019 ni Christine Caine. Muling ipinalimbag nang may pahintulot ng Lifeway Women. Nakalaan ang lahat ng karapatan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Naisip mo na ba ang pakiramdam na talagang nakikita ka ng Diyos na hindi mo maiwasang makita ang iba? Naisip mo na ba ang iyong pang-araw-araw at ordinaryong buhay ay may napakahalagang epekto para sa walang hanggan? Ang 7-araw na debosyonal na ito mula kay Christine Caine ay tutulong sa iyo na matuklasan kung paano ka nakita, pinili, at ipinadala ng Diyos upang makita ang iba at tulungan silang madama na nakikita sila sa paraan ng pagtingin ng Diyos sa kanila—na may 20/20 na paningin.
More