20/20: Nakita. Pinili. Ipinadala. Ni Christine Caine Halimbawa
IPINADALA KA NG DIYOS
Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko sa iyo ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan. -Juan 17:15-19 RTPV05
Noong kami ni Nick ay unang ikinasal, wala pang mga apps para sa pagbibiyahe. Nagbabasa kami ng mga papel na mapa na humaharang sa buong bintana sa harap ng kotse kapag nabuksan, at hinding-hindi mo na ito maititiklop tulad ng dati. Sobrang nakaka-stress ang mga ito sa aming pagbibiyahe! Nang dumating ang mga device, tulad ng Navman, naging napakagaan ng pakiramdam ko, na para bang nailigtas kami mula sa isang uri ng pagkaalipin sa pagbibiyahe bilang mag-asawa. Sa isang simpleng pagbili ng device na ito, naranasan namin ang kapayapaang hindi namin batid.
Ngunit hindi talaga ito isang Navman. Isa itong Navwoman, dahil ang boses ng device ay isang babaeng may mahinahon at magiliw na paraan ng pagsasalita: “Sa rotonda, lumabas ka sa pangalawang exit,” at kapag napalampas mo ang exit, sasabihin niya sa tahimik na boses ito, “Mag-iba ng daan…mag-iba ng daan.”
Sa una, akala ko ay magaling siya, at pinangalanan ko siyang Matilda. Pero napansin kong kusa na lang sumusunod si Nick sa lahat ng sinasabi niya! Hindi siya naiirita kapag sinasabi nito sa kanya na nagkamali siya o kailangan niyang mag-U-turn. Hindi siya nagagalit o kaya'y sinasagot itong pabalik. Tahimik lang siyang sumunod. Nabigla ako. Binigyan ko ang lalaking ito ng dalawang anak at mas nakikinig pa siya sa mga direksyon niya kaysa sa akin!
Bueno, ginawan ko ng paraan si Matilda. Kapag sinimulan niyang sabihin sa akin na lumiko sa kaliwa sa malambot na boses na iyon, sasabihin ko, "Hindi." At dumidiretso ako lampas sa dapat lilikuan. Tuwang-tuwa ako kapag siya ay nalilito at ang kanyang screen ay nagiging kasing-puti ng niyebe.
Sa kabila ng aking nakakabaliw na reaksyon sa isang makina, hindi ko maitatanggi na nakakatulong siya kung minsan. Kung kami ay nawawala, alam niya kung paano kami ibabalik sa tamang landas. Kung kami ay nasa isang hindi pamilyar na lungsod, alam niya kung paano kami tutulungang magmaniobra sa mga one-way na kalye at mga pag-iwas sa mga kalyeng ginagawa. Saan man kami naroroon, alam niya kung paano kami ituro sa tamang direksyon—kahit gaano kami kalala.
Hindi ba iyan ang gustong gawin ng Diyos para sa mga nawawala? Hindi ba't iyan ang dahilan kung bakit tayo ipinadala sa isang mundong naliligaw at nawawasak? ANG PAGKAWALA ay hindi isang kalagayan kung saan nais ng Diyos na manatili ang sinuman. Habang nagpapatuloy ka sa iyong araw, hanapin kung sino ang matutulungan mong muling ibalik sa tamang daan. Hanapin ang nawawalang ipinadala ng Diyos sa iyo upang makita.
PANALANGIN
Aking Ama sa Langit, alam kong kalooban Mo na makilala Ka ng bawat tao at malaman nila ang lalim ng Iyong pagmamahal. Itinataas ko si __________________ sa Iyo, nananalangin ako para sa kanya na nawa'y matagpuan siya sa Iyo. Gamitin Mo ako, Panginoon, upang tulungan siyang maituro sa tamang daan, para ibigay niya ang kanyang sarili sa Iyo, ipagkatiwala nang buo ang kanyang puso sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus ako ay nananalangin, amen.
Halaw mula sa 20/20: Seen.Chosen.Sent ni Christine Caine. Copyright © 2019 ni Christine Caine. Muling nailimbag nang may pahintulot ng Lifeway Women. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Naisip mo na ba ang pakiramdam na talagang nakikita ka ng Diyos na hindi mo maiwasang makita ang iba? Naisip mo na ba ang iyong pang-araw-araw at ordinaryong buhay ay may napakahalagang epekto para sa walang hanggan? Ang 7-araw na debosyonal na ito mula kay Christine Caine ay tutulong sa iyo na matuklasan kung paano ka nakita, pinili, at ipinadala ng Diyos upang makita ang iba at tulungan silang madama na nakikita sila sa paraan ng pagtingin ng Diyos sa kanila—na may 20/20 na paningin.
More