20/20: Nakita. Pinili. Ipinadala. Ni Christine Caine Halimbawa
GAWING PINAKAMALAKING PRAYORIDAD ANG PINAKAHULING UTOS NI JESUS
Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon. -Mateo 28:19-20 RTPV05
Ang mga talatang ito ay madalas na tinutukoy bilang Ang Dakilang Utos dahil inatasan tayo ng Diyos na “humayo at gumawa ng mga alagad.” Itinala ni Mateo na ito ang mga huling salitang sinabi ni Jesus bago Siya umakyat sa Langit.
Hindi ba laging mahalaga ang mga huling salitang binibigkas ng isang tao? Kung may nagsusulat ng Huling Habilin, isinusulat nila ang kanilang mga huling tagubilin at alaala. Hindi ba't ang mga salitang iyon ay hindi natin malilimutan?
Nang pumanaw ang aking ina, ito ay sa parehong araw ng aking ika-50 kaarawan. Binigyan ako ni Nick ng isang kahanga-hangang pagdiriwang kasama ang napakaraming kaibigan, at sa pag-uwi ko, nakakita ako ng maraming hindi nasagot na tawag mula sa kapatid kong si Andrew, at isang simpleng text: “Wala na si Mama.” Hinding-hindi ko makakalimutan kung gaano ako nagpapasalamat na ang isa ko pang kapatid na lalaki, si George, ay tumulong sa aking ina na makapag-Face Time sa akin sa simula pa lang ng aking araw. Sinabi ko sa kanya kung paano ko siya tatawagan pagkatapos ng party at bibigyan siya ng buong ulat sa lahat ng kasiyahan. Babaunin ko ang huling alaala ko sa kanya—habang tinititigan ko siya, nakikita ko ang kanyang matamis na ngiti at ang pagsasabi niya ng mga huling salita niya sa akin ng, "Mahal kita."
Paanong hindi ko pahahalagahan ang mga huling salita niya?
May nagbigay na ba sa iyo ng mga huling salita? Ano ang gagawin mo kung ang mga huling salitang iyon ay naglalaman ng tagubilin? Paano kung ang mga salitang iyon ay may kasamang pakiusap tulad ng, “Alagaan mo ang iyong kapatid,” o, “Alagaan mo ang iyong ina para sa akin”? Hindi ba't ang kahilingang iyon ay magiging isang misyon sa iyong buhay? Hindi ba ang kahilingang iyon ang magiging pinakamalaking prayoridad mo?
Panahon na kaya para gawing pinakaprayoridad ang mga huling salita ni Jesus—ang Kanyang huling tagubilin?
Isipin kung ano ang mangyayari kung iaalay natin ang ating buhay sa Diyos para maipaalam ang Kanyang habag, kapangyarihan, presensya, katotohanan at pag-ibig sa iba? Ano ang mangyayari kung kahit saan tayo magpunta, sa bawat pakikipag-ugnayan natin, ay sasabihin lang natin, "O Diyos, narito ako. Gamitin Mo ako, gamitin ang oras na ito, gamitin ang pakikipag-ugnayan na ito para ilapit ang iba sa Iyo?" Sa tingin mo ba'y sasagutin Niya ang panalanging iyon? Kumbinsido ako na gagawin Niya.
Pinili tayo ng Diyos para ipakilala Siya sa mundong ito. Walang plan B. Tayo ang plan A ng Diyos. Halina't gawin natin ang Kanyang huling tagubilin na ating pinaka-prayoridad.
PANALANGIN
O Diyos, kahit saan ako magpunta ngayon, narito ako para sa Iyo. Gamitin Mo ako sa bawat pakikipag-ugnayan, bawat pakikipagtagpo, para ilapit ang iba sa Iyo. Ako ay laging handang humayo at gumawa ng mga disipulo, sa pangalan ni Jesus, ito'y idinadalangin ko, amen.
Halaw mula sa 20/20: Seen.Chosen.Sent ni Christine Caine. Copyright © 2019 ni Christine Caine. Muling nailimbag nang may pahintulot ng Lifeway Women. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Naisip mo na ba ang pakiramdam na talagang nakikita ka ng Diyos na hindi mo maiwasang makita ang iba? Naisip mo na ba ang iyong pang-araw-araw at ordinaryong buhay ay may napakahalagang epekto para sa walang hanggan? Ang 7-araw na debosyonal na ito mula kay Christine Caine ay tutulong sa iyo na matuklasan kung paano ka nakita, pinili, at ipinadala ng Diyos upang makita ang iba at tulungan silang madama na nakikita sila sa paraan ng pagtingin ng Diyos sa kanila—na may 20/20 na paningin.
More