Jesus: Ang Ating Watawat ng TagumpayHalimbawa
Tagumpay Laban sa Kasalanan
Nang unang sinuway nina Adan at Eva ang Diyos at kinain ang prutas ng Puno ng Karunungan ng Mabuti at Masama sa Hardin ng Eden, naging bahagi ang kasalanan ng kalikasan ng sangkatauhan. Magmula noon, likas na ipinapanganak ang mga tao nang malayo sa Diyos dahil sa kasalanang iyon. Dahil Siya ay walang kapintasan, ang Diyos ay hindi maaaring maging malapit sa kasalanan. Sa Lumang Tipan, ang mga Israelita ay madalas na kinakailangang mag-alay ng isang malinis na tupa bilang kabayaran sa kasalanan. Ang handog na ito ay dapat na ganap at walang kapintasan upang mabayaran ang pagkakautang ng kasalanan - sa ganitong paraan lamang magiging karapat-dapat ang isang tao sa Diyos.
Si Jesus ay kadalasang tinutukoy bilang ang "Kordero ng Diyos", dahil ang Kanyang sakripisyo ang naging kabayaran sa kasalanan ng sanlibutan. Isa sa napakaraming himala ng krus ay nang binago nito ang sumpa ng kasalanan nina Adan at Eva: Isang kasalanan ang siyang naghiwalay ng buong sangkatauhan sa Diyos, ang sakripisyong ginawa naman ng isang tao ang siyang naging kabayaran para sa kasalanan ng lahat ng tao at naging daan para sa pakikipagkasundo. Dahil inialay ni Jesus ang Kanyang sarili para sa atin, mayroon tayong pagkakataon na makipag-ugnayang muli sa Diyos. Kapag tinitingnan tayo ng Diyos, hindi Niya sinisilip ang ating kasalanan - tinitingnan Niya ang katuwiran ng Kanyang Anak.
Sa ating pagpasok sa linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, maglaan ng oras upang pagnilayan ang napakagandang regalong ibinigay ni Jesus nang ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang bayaran ang ating kasalanan. Pinasimulan ni apostol San Pablo ang Mga Taga-Roma 6:23 sa pagsasabi ng, "Ang kabayaran sa kasalanan ay kamatayan." Tayo ay mga bangkay sa ating pagiging makasalanan, nakalaan para sa walang hanggang pagkakahiwalay mula sa Diyos. Ngunit itinuloy ni Pablo ang talata gamit ang isang tunay na nakapantutubos na katotohanan: "ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon." Dahil kay Jesus, ang pagkakautang ng ating kasalanan ay nabayaran na, at maaari nating matamasa ang presensiya ng Diyos magpakailanpaman!
Gayundin, yamang nabayaran na ni Jesus ang ating pagkakasala gamit ang Kanyang katuwiran, tayo ay malaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa ating mga buhay. Huwag mong hayaan ang iyong sarili na maging alipin ng iyong luma at makasalanang kalikasan. Napagtagumpayan na ni Jesus ang laban sa kasalanan, walang bayad Niyang ibinabahagi ang tagumpay na iyon sa iyo! Ito ay para sa kalayaan kaya ikaw ay pinalaya! Gamitin mo ito!
I-download ang larawan para sa araw na ito dito.
Tungkol sa Gabay na ito
Kapag ating ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang pinakamalaking tagumpay sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, walang hanggan Niyang nagapi ang kapangyarihan ng kasalanan at ang kamatayan, pati ang lahat ng epekto ng mga ito, at pinili Niyang ibahagi ang tagumpay na iyon sa atin. Ngayong linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, ating balikan ang ilan sa mga muog na Kanyang napaglabanan, at pagnilayan ang laban na Kanyang ginawa para sa atin, at papurihan Siya bilang ating Watawat ng Tagumpay.
More