Radikal na Karunungan: Isang 7-Araw na Paglalakbay Para sa mga AmaHalimbawa
Kasaganaan Laban sa Kakulangan
Mahirap ang pagiging magulang. Ito ang isa sa pinakamahirap na trabaho. Walang manwal, walang itinatag na pormula, at may ibinabato pang komplikasyon ang Diyos dahil ginagawa Niyang iba't-iba ang bawat bata. Sa paglipas ng panahon, panghahawakan mo ang kahit anong prinsipyo na tila may katuturan; sinusubukan mo ito, at kapag ito ay gumana, inaangkin mo ito.
Kaya may imumungkahi akong isa: lumikha ng masaganang kapaligiran para sa iyong mga anak.
Kailangan at gusto ng mga bata ang pagmamahal. Katulad ng ibang bagay sa mundong ito, kapag kulang tayo sa isang bagay, mas nagiging mahalaga ito at lumilikha ito ng pagtatalo. Kapag masagana ka rito, walang problema.
Kunin natin bilang halimbawa ang gasolina at asin. Bawat bansa ay kailangan ng gasolina, kaya may matinding kompetensya para rito. Tumataas ang presyo nito at tataas pa ito. Nakikipag-away tayo, nagmamanipula, nanunulsol, at ipagbibili natin ang ating mga kaluluwa para sa gasolina.
Sa kabilang banda, ang asin ay kailangan para ang tao ay mabuhay, ngunit marami ito. Ang presyo para sa isang salop ng asin ay napakamura. Masagana tayo rito.
Kapag hindi nakikisalamuha sa kanilang mga anak ang mga tatay, kapag sila ay masyadong nagiging abala na hindi nararamdaman ng mga anak na mahalaga sila, kapag ang presensya nila ay napakakaunti at hindi talaga sila nagkakaroon ng panahong makisama sa kanila, ito ay isang kapaligirang may kakulangan.
Ngunit kapag ang mga tatay ay nagbibigay ng walang katapusang sukat ng pagmamahal, kapag may tuluy-tuloy na kasaganaan ng presensya ng isang tatay, magiging mas kakaunti ang kompetisyon, mas kakaunting manipulasyon, at mas mapayapang tahanan. Si Tatay ay kailangang nariyan sa pisikal at sa emosyonal na antas.
Ang masaganang kapaligiran ay hindi natural, at hindi ito madali.
Pero malaking kapakinabangan ito.
Tanong: Ang tahanan mo ba ay lugar ng kasaganaan o ng kakulangan? Ang mga bata ay umuunlad sa mga kapaligiran kung saan may masaganang pagmamahal. Sila ay nagpapakahirap sa mga kapaligiran ng kakulangan.
Tungkol sa Gabay na ito
Nakakabaliw isipin kung paanong hinuhubog tayo ng ating mga ama. Walang sinumang nakakatakas sa kapangyarihan at impluwensya ng kanilang mga ama sa lupa. At dahil nararamdaman ng maraming mga kalalakihan na hindi sila handang maging ama, mahalagang humingi ng patnubay – mula sa Banal na Kasulatan at mula sa ibang mga ama. Ang Radikal na Karunungan ay isang paglalakbay tungo sa karunungan at pananaw para sa mga ama, kung saan pinagsasama ang mga prinsipyo at karunungan mula sa Banal na Kasulatan at ang mga karanasan ng mga mas nakatatanda, at mas matatalinong mga ama na may mga natutunan sa kanilang mga pagkakamali.
More