Radikal na Karunungan: Isang 7-Araw na Paglalakbay Para sa mga AmaHalimbawa
Hapunang Magkakasama
Mabibilang ko sa isang kamay ang mga bagay kung saan naging mapilit ang asawa ko. Isa na rito ang paghahapunang magkakasama.
"Kailan ka makakauwi?" tatanungin niya. "Abala ako . . baka maya-maya pa" ang sasabihin ko. Walang takot na isasagot niya, "Tapusin mo na iyan at umuwi ka na. May hapunan tayong sama-sama sa pamilyang ito. Kapag nag-6:30, nakahanda na lahat at kailangang nasa mesa na tayo!"
Eksaherado ito nang kaunti, pero hindi naman masyado. Laging ipinipilit ng aking asawang maghapunan kami gabi-gabi nang sama-sama bilang pamilya. Noong una, hindi ko makita kung bakit ito ay mahalaga.
Ngunit sa paglipas ng panahon, lalo na noong ang mga anak ko ay nagkakaedad na, nakita ko ang halaga nito. Iyon ang oras namin sa araw-araw kung saan kami ay nagkikita ng mata-sa-mata. Nag-uusap kami tungkol sa mga bagay-bagay. Naririnig namin kung anong nasa puso nila, at naririning nila ang nasa amin. Nakikita nila kung paanong nag-uusap ang kanilang mga magulang, gumagawa nang magkasama, at nagmamahal sa isa't-isa. Sina ate at kuya ay naroon para sa pagiging pamilya.
Kung hindi sa tahanan, saan matututunan ng inyong mga anak ang tungkol sa tapat na pagmamahal, kalagayan ng pamilya, katapatan, pakikiramay, paglutas ng mga suliranin patungkol sa pakikipag-ugnayan, at pagpapatawad? Sinong maghahanda sa kanila sa buhay may-asawa at sa pagpapamilya? Wala akong alam na "paaralan para sa asawang lalaki" o "paaralan para sa asawang babae" kung saan matututunan ng ating mga anak ang mga bagay patungkol dito.
Tanong: Nagsasama-sama ba ang iyong pamilya nang palagian? Tanungin mo ang sarili mo, "Dalawampung taon mula ngayon, mas magiging mahalaga ba ang makukuha nila mula sa mga gawain nila sa labas kaysa sa Pamilya 101?"
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nakakabaliw isipin kung paanong hinuhubog tayo ng ating mga ama. Walang sinumang nakakatakas sa kapangyarihan at impluwensya ng kanilang mga ama sa lupa. At dahil nararamdaman ng maraming mga kalalakihan na hindi sila handang maging ama, mahalagang humingi ng patnubay – mula sa Banal na Kasulatan at mula sa ibang mga ama. Ang Radikal na Karunungan ay isang paglalakbay tungo sa karunungan at pananaw para sa mga ama, kung saan pinagsasama ang mga prinsipyo at karunungan mula sa Banal na Kasulatan at ang mga karanasan ng mga mas nakatatanda, at mas matatalinong mga ama na may mga natutunan sa kanilang mga pagkakamali.
More