Adbiyento: Ang Paglalakbay Tungo sa PaskoHalimbawa
Ito ay Ipunin
May isang sandali sa kalagitnaan ng pagiging abala sa gabi ng Kapaskuhan nang itala sa Biblia na, "Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.” Isipin si Maria na panandaliang huminto at ibinabad ang sarili sa bawat detalye. Ang kanyang anak na lalaki ay dumating na. Si Jose ay nasa kanyang tabi pa rin. Isang grupo ng mga pastol ang dumating na may dalang kwento ng mga anghel na nagagalak kay Jesus, at hindi nila mapigilang sabihin ito sa buong bayan. Ang lahat ay nagbubunyi sa himala ng kanyang Anak. Isa itong napakahalagang sandali ng katapatan ng Diyos, at inipon ito ni Maria sa kanyang puso.
Nag-iipon tayo ng mga bagay-bagay nang may dahilan. Dumarating ang panahon na kailangan nating balikan ang ating naipon at gamitin ito upang maibsan ang ating pangangailangan. Dahil alam ni Maria ang mga propesiya tungkol sa sakripisyo ng Mesias, alam din niya na darating ang araw na ang kanyang pinakamamahal na anak ay makakaranas ng matinding paghihirap. Noong siya ay tumayo sa paanan ng krus nang ipako ang kanyang Anak, siguro ay kinailangang alalahanin ni Maria ang lahat ng kanyang naipong ala-ala ng katapatan ng Diyos upang patuloy na makapagtiwala sa pangakong pagkabuhay ni Jesus. Sa kanyang sandali ng napakatinding sakit, mayroon siyang naipong katibayan na gagawin ng Diyos ang Kanyang ipinangako.
Tuwing nakakaranas tayo ng mga panahong tila tayo ay "nasa tuktok ng bundok" dahil sa katapatan ng Diyos, kailangan nating ipunin ang katotohanan ng ating naranasan at itago ito para sa sa hinaharap. Sa Juan 16:33 nilinaw ni Jesus na, "Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito." Ngunit sinasabi rin Niya na huwag tayong mawalan ng pag-asa, dahil napagtagumpayan na Niya ang sanlibutan. Sa pinakamahihirap na sandaling pagdadaanan natin sa ating mga buhay, kailangan natin alalahanin ang pagtatagumpay ni Jesus at balikan ang lahat ng pagkakataong nakita natin ang Kanyang kabutihan. Kapag naranasan mo ang katapatan ng Diyos sa iyong buhay, huminto ka at ipunin mo ang mga ito bilang kayamanan sa iyong puso. Isipin mo ang mga ito palagi. Kapag dumating na ang pinakamabibigat na mga araw sa iyo, tulad ni Maria, makakayanan mong magtiis.
Panalangin: Ama, pinupuri Kita dahil ikaw ay matapat. Nakita ito ng sarili kong mga mata, at hindi ko ito nais makalimutan. Tulungan mo ako na kusang ipunin ang mga pagkakataon na nakikita Kitang tinutupad ang mga pangako Mo, upang sa pagdating ng kahirapan, ang pananampalataya ko ay mananatiling matatag.
I-download ang larawan para sa araw na ito here.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Tunay ngang ang pasko ang pinakadakilang kuwentong naisalaysay: patungkol sa perpektong katapatan, kapangyarihan, pagliligtas at hindi nagmamaliw na pag-ibig ng Diyos. Halina't maglakbay sa susunod na 25 araw upang tuklasin ang komplikadong plano ng Diyos para iligtas ang mundo mula sa kasalanan at ang mga pangakong natupad sa kapanganakan ng Kanyang Anak.
More