Naghihintay Dito Para sa Iyo, Isang Adbiyentong Paglalakbay ng Pag-asaHalimbawa
ANG KABABAANG-LOOB AY MAGANDANG TINGNAN SA LAHAT
PAGNINILAY
Si Jesus ang Hari ng mga hari, gayon pa man dumating Siya bilang isang abang lingkod. Ang kababaang-loob ay hindi pag-iisip na ikaw ay mas mababa, ito ay ang hindi paglimot sa katotohanan na si Jesus ang dahilan kung bakit ikaw ay higit pa. Kung gayon, paano ka magiging katulad ni Jesus? Paano ka magkakaroon ng espiritu ng kababaang-loob?
Ang kababaang-loob ay bunga ng pagsama kay Jesus. Ang sinumang lumalakad ng kasama Niya ay hindi pahahalagahan ang sarili ng higit sa nararapat. Ang pag-ibig at paanyaya ni Jesus na magkaroon ng kaugnayan sa Kanya ang ating kailangan upang ilagay sa tamang pagpapahalaga ang ating sarili at isabuhay ang Kanyang kahinahunan at kagandahang-loob.
Ang kababaang-loob ay hindi nangangahulugan ng kahinaan. Ibinigay sa iyo ng Diyos ang lahat ng iyong kailangan upang mabuhay ng may pagtitiwala sa pagiging Kanya. Ang mayabang ay hindi kailanman tunay na makapagtataas ng pangalan ng Diyos sa papuri. Ngunit ang mga mapagkumbaba ay itataas Niya.
PAGMUMUNI-MUNI AT PANALANGIN
Isang Pribadong Litanya ng Kababaang-loob
Mula sa nasang ako'y purihin, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa nasang ako'y maparangalan, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa nasang ako'y piliin higit sa iba, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa nasang ako'y sangguniin, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa nasang ako'y tanggapin, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa nasa ng kaginhawahan at kaalwanan, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y mapahiya, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y mapuna, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y malampasan, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y limutin, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y malungkot, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y masaktan, iligtas Mo ako, Jesus.
Mula sa takot na ako'y magdusa, iligtas Mo ako, Jesus.
Upang ibigin ang iba higit sa akin,
Jesus, ipagkaloob Mong ang biyayang ito'y maging nasa ko.
Upang iba'y piliin at ako'y masaisang-tabi,
Jesus, ipagkaloob Mong ang biyayang ito'y maging nasa ko.
Upang bigyang-puri ang iba at ako'y di mapansin,
Jesus, ipagkaloob Mong ang biyayang ito'y maging nasa ko.
O Jesus, maamo at mababang loob, itulot Mong ang puso ko'y matulad sa puso Mo.
O Jesus, maamo at mababang loob, bigyan mo ako ng lakas sa pamamagitan ng Iyong Espiritu.
O Jesus, maamo at mababang loob, ituro Mo sa akin ang iyong kalooban.
O Jesus, maamo at mababang loob,
tulungan Mo akong isantabi ang aking pagpapahalaga sa sarili
upang malaman kung anong uri ng pakikipagtulungan sa iba
ang nagdudulot ng presensya ng sambahayan ng Iyong Ama. Amen.
Halaw mula sa isang panalangin ni Rafael,
Cardinal Merry Del Val, 1865–1930
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Adbiyento sa simpleng salita ay isang panahon ng inaasam na paghihintay at paghahanda. Samahan ang pastor at may-akda na si Louie Giglio sa isang paglalakbay tungo sa Adbiyento upang matuklasan na ang paghihintay ay hindi pag-aaksaya kapag naghihintay ka sa Panginoon. Samantalahin ang pagkakataong mabuksan ang napakalawak na pag-asa na inihahain ng paglalakbay tungo sa Adbiyento. Sa susunod na pitong araw makakahanap ka ng kapayapaan at pampalakas ng loob para sa iyong kaluluwa habang ang pag-asa ay umaakay patungo sa pagdiriwang!
More