Naghihintay Dito Para sa Iyo, Isang Adbiyentong Paglalakbay ng Pag-asaHalimbawa
SA TAMANG PANAHON
PAGNINILAY
Ang isang Tagapagligtas ay ipinangako sa bayan ng Diyos sa loob ng maraming siglo. Sila ay nananabik at nanalangin para sa kaligtasan. At pagkatapos ay ipinanganak si Jesus sa tamang araw, sa tamang lugar, at sa tamang panahon. Bagaman bihira ang pagdating ng Diyos sa ating itinakdang panahon, Siya ay laging dumarating sa tamang panahon.
Lahat tayo ay naghihintay sa isang bagay, kadalasang nag-iisip kung nakalimutan na tayo ng Diyos. Sa iyong paghihintay, hayaang bigyan ka ng lakas ng loob ng kapanganakan ni Cristo. Dahil lang hindi kumikilos ang Diyos (ayon sa iyong pagkakaalam), hindi nito ibig sabihin na ikaw ay Kanyang pinabayaan. Sa Kanya ang isang araw ay tulad ng isang libong taon at ang isang libong taon ay tulad ng isang araw. Sa sandaling ito Siya ay kumikilos para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa iyong ikabubuti. Kahit na hindi ito ang isinasaad ng mga pangyayari, ang Diyos ay mamamagitan sa tamang oras at tutuparin ang mga plano Niya na itinalaga para sa iyo. Huwag kang susuko bago dumating ang tamang oras,
Magkaroon ka ng pag-asa sa sabsaban at alamin na ikaw ay minamahal at pinahahalagahan ng Diyos na bumaba mula sa langit at dumating sa perpektong panahon para sa iyo.
PAGMUMUNI-MUNI
Pakinggan ang Kalugud-lugod na Tunog
Pakinggan ang kalugud-lugod na tunog! Dumating ang Tagapagligtas,
Ang Tagapagligtas na ipinangako noon;
Hayaan ang puso na isang trono ay ihanda,
At ang bawat tinig ng isang kanta.
Siya ay dumating upang mga bilanggo ay palayain,
Mula Kay Satanas sa pagkaalipin.
Ang pintuang tanso sa harap Niya ay bumukas,
Ang mga bakal na kadena sa paa ay nakalas.
Dumating Siya upang ang sawing puso ay hilumin,
Ang nagdurugong kaluluwa upang pagalingin,
At dala ang mga kayamanan ng Kanyang biyaya
Upang pagyamanin mga mapagpakumbaba.
Ang ating nagagalak na mga hosana, Prinsipe ng Kapayapaan,
ipahahayag,ang sa Iyo ay malugod na pagtanggap.
At ang mga arko ng langit na walang hanggan
May tunog ng kagalakan sa Iyong minamahal na pangalan.
Philip Doddridge, 1702–1751
PANALANGIN
Ama, salubungin Mo ako sa aking paghihintay, sa lugar kung saan ang ninanais ko ay hindi pa lubos na nakikita. Patahimikin Mo ang aking puso at bigyan ako ng kakayahang malaman na Ikaw ay malapit lang. Naniniwala ako na ang Iyong mga plano ay mabuti. Nakikita ko ito sa pagsilang ng Iyong bugtong na Anak.
Ngunit minsan ay nahihirapan akong makita ang nasa kabila ng makapal na usok na nakapaligid sa akin. Panumbalikin Mo ang aking pagtitiwala habang itinataas ko ang aking mga mata sa Iyo. Niluluwalhati Kita sa aking buhay sa panahong ito ng pag-asa. Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Adbiyento sa simpleng salita ay isang panahon ng inaasam na paghihintay at paghahanda. Samahan ang pastor at may-akda na si Louie Giglio sa isang paglalakbay tungo sa Adbiyento upang matuklasan na ang paghihintay ay hindi pag-aaksaya kapag naghihintay ka sa Panginoon. Samantalahin ang pagkakataong mabuksan ang napakalawak na pag-asa na inihahain ng paglalakbay tungo sa Adbiyento. Sa susunod na pitong araw makakahanap ka ng kapayapaan at pampalakas ng loob para sa iyong kaluluwa habang ang pag-asa ay umaakay patungo sa pagdiriwang!
More