Mga Pakikipag-usap sa DiyosHalimbawa
Ilan sa mga pinakanatatangi kong alaala noong kabataan ko ay nakasentro sa isang matibay na tumba-tumba sa kusina ng aking Lola Easley. Nang pinturahan ng pula ang ilang bahagi ng kanyang kusina, nagpasya rin siyang pinturahan ang tumba-tumba para tumugma sa kulay ng kusina. Ginugugol ko ang aking mga pagbisita nang nakaupo sa upuang iyon na naka-dekwatro, habang nagtutumba-tumba at nagmamasid, nagtutumba-tumba at nakikinig, nagtutumba-tumba at inuunawa ang kultura ng kusina nang may galak.
Nakikita ko pa rin si Lola, nagmamadali sa maaliwalas na kuwartong iyon habang ang singaw ay lumalabas na mula sa ilalim ng mga takip ng palayok sa kalan, at naprito ang manok sa de-koryenteng kawali sa ibabaw ng counter, nagsasalita habang ginagawa ang lahat ng ito. Sumisigla si Lola kapag may mga kasamang tao. Minahal niya ako, at alam ko iyon, at minahal ko rin siya ng buong puso ko.
Si Lola Easley ay nasa Langit na ng maraming taon, ngunit ang mga pag-uusap na aking naranasan sa tumba-tumbang iyon ay nananatili at pinalalakas ang loob ko. Bahagi na iyon ng mana ko.
Ilang taon na ang nakalipas nang iniregalo sa akin ng ina ko ang pulang tumba-tumba ni Lola—sige na nga, nagmakaawa ako sa kanya at bumigay siya! Ang tumba-tumba ay sentro ng aking tahanan, isang komportableng lugar kung saan binabasa ang mga libro, nakikipagkuwentuhan kasama ang pamilya at mga kaibigan, at iniuugoy ang aking apo. Sa tuwing hindi ako nakaupo doon, ang lugar na iyon ang inaasam ng aking puso.
Sa parehong paraan na kapag ako ay nasa pulang tumba-tumbang iyon ay nagdala ng nakatutuwang pakikisama sa aking lola, inilalapit ako sa mga pinakamamahal ko sa aking tahanan ngayon, ang pagbubuklat sa Biblia ay naghahatid sa atin sa pinakamagandang puwesto para panandaliang bisitahin ang Diyos. Kapag hindi natin Siya kasama, ang napakalaki Niyang puso ay kumikiling sa atin—nag-aasam.
Hinahangad ni Jesus na ilapit tayo sa Kanyang Salita kung saan natin sinisimulang maintindihan ang lawak ng Kanyang pag-ibig para sa atin at kung paano natin magagantihan ang Kanyang pag-ibig. Habang tayo ay nananatili sa Kanya, ang karunungan ng Kanyang mga nakasulat na pahayag—ang Kanya mismong isipan at layunin—ay nabubunyag. Ang mga walang itinatago at buong puso na pinasok ang Banal na Kasulatan ay hindi puwedeng manatili tulad ng dati—ang pananaw nila sa mundo ay laging kadugtong ng Kanyang buhay. Ginagamit ni Jesus ang Kanyang mga nakasulat na salita at isinusulat ito bilang buhay na mana sa ating mga puso. At habang ginagawa Niya ito, tayo ay binabago mula sa isang antas ng kaluwalhatian patungo sa ibang antas.
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Mga Pakikipag-usap Sa Diyos ay isang masayang karanasan na nagpapalalim sa buhay -panalangin, at binibigyang-diin ang mga praktikal na pamamaraan upang marinig ang tinig ng Diyos. Nais ng Diyos na maging masaya tayo sa patuloy na pakikipag-usap sa Kanya sa buong buhay natin—isang usapan na gagawa ng kaibhan sa direksiyon, mga relasyon, at layunin. Ang gabay na ito ay puno ng mga personal na kuwento na madaling unawain patungkol sa mahabaging puso ng Diyos. Iniibig Niya tayo!
More