Paano Lagpasan Ang Paghihirap At Maging Mas Matatag Pagkatapos NitoHalimbawa
Donna Gibbs: Paano Lagpasan Ang Paghihirap At Maging Mas Matatag Pagkatapos Nito Ikaanim na Araw ng Debosyonal
Tapat sa Diyos
Banal na Kasulatan: Mga Awit 51
Kapag naunawaan na natin ang mga koneksyon sa mga pagdurusa natin, sa ating mga iniisip, mga damdamin, at mga pag-uugali, tayo ay nasa posisyon na gumawa ng mga sinasadyang pagbabago tungo sa paglago. Ang magandang pagbabagong ito ay nagsisimula sa ating unang hakbang: pagkilala sa ating paghihirap. Pinapadali ng hakbang na ito ang isang kamangha-manghang paglalakbay sa pagkakaroon ng kalayaan at katatagan.
Baka iniisip mo Iyan ay maganda, ngunit paano ko kikilalanin ang aking paghihirap? Ano ang anyo nito? Ang pagkilala sa iyong sakit ay nangangahulugang tinatawag mo ito kung ano ito. Huwag umatras sa paggamit ng mga salitang pinakamahusay na tumutukoy sa iyong karanasan. Kung ito ay panggagahasa, tawagin itong panggagahasa. Kung ito ay kanser, tawagin itong kanser. Kung ito ay pagpapakamatay, tawagin itong pagpapakamatay. Kung ito ay pagkabaog, tawagin itong pagkabaog. Kung ito ay isang pangangaliwa, tawagin itong isang pangangaliwa. Kilalanin ang iyong pagdurusa ngayon, at kilalanin ito nang tumpak. Huwag pagandahin ito. Huwag mo nang ipagpaumanhin ito. Huwag maliitin ito. Huwag palakihin ito. Maging tapat. Pag-usapan ang emosyonal na epekto. Kung pinanghihinaan ka ng loob, sabihin mo. Kung malungkot ka, aminin mo. Kung nasawi ka sa pag-ibig, kilalanin mo. Kung natatakot ka, sabihin ito. Hindi, hindi ito nangangahulugan na kailangan mong alalahanin ang bawat detalye nito. Hindi ito idinisenyo upang maging parusa. Kabaligtaran pa nga nito.
Ang bawat tao'y magkakaiba, kaya natural, ang ilang mga tao ay mas gusto ang ilang mga paraan ng pagkilala kaysa sa iba. Ang ilan ay maaaring literal na magsalita nang malakas at kinikilala ang kanilang pagdurusa sa loob ng kanilang mga tahanan o sa tuktok ng isang liblib na bundok. Maaaring mas gusto ng ilan na iproseso ang kanilang pagkilala sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, pastor, o tagapayo. Ang iba ay maaaring isulat ito.
Para maging epektibo ang isang pagkilala, dapat mong sabihin ito sa iyong sarili at sabihin ito sa Diyos. Maaaring dalhin ka ng Diyos upang ipagkatiwala sa isang tao ang iyong pagdurusa o maaari rin namang hindi. Kung gagawin Niya ito, magtiwala na tutulungan ka Niya at sundin ang Kanyang paghimok.
Tulad ng pagtatanggal mo ng Band-Aid, mararamdaman mo ang kirot. Ngunit ang kirot ay mababawasan. Ang kalungkutan ng pagkilala ay huhupa, at kapag nangyari ito, ito ay magbubukas ng pinto para sa iyo upang magsimulang bumalik. Kapag kinilala ang sakit, makakahanap ka ng kaunting ginhawa, at kaunting pag-asa. Kailangan mo ang hakbang na ito upang simulan ang pagbuo ng katatagan, kaya maghanda ngayon upang kunin ang pagkakataong ito.
Paano mo tapat na ilalarawan ang iyong pagdurusa? Bakit sa palagay mo'y may dalang kaibahan ang pagkilala mo sa sakit na nadarama mo?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bawat isa sa atin ay tiyak na makakaranas ng pagdurusa sa isang punto ng ating buhay. Bilang isang tagapayo, nakita ko ang mga taong nagdurusa na nabago. Nakita ko iyong mga minsan ay iginupo ng trauma na natuto kung paano ito dalhin. Sa maikling debosyonal na ito, idinadalangin ko na matanto mo na hindi pa tapos ang iyong kwento. Maaaring nakararanas ka ng pagdurusa ngunit maaaari mong dalhin itong mabuti. Marahil ay maitatanong mo, "Anong kasunod?" sa halip na manatili sa pagtatanong ng "Bakit?". Maaari kang maging matatag.
More