Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paano Lagpasan Ang Paghihirap At Maging Mas Matatag Pagkatapos NitoHalimbawa

How To Move Through Suffering And Come Back Stronger

ARAW 1 NG 7

Donna Gibbs: Paano Lagpasan Ang Paghihirap At Maging Mas Matatag Pagkatapos Nito Unang Araw ng Debosyonal

Pagbibigay-Kahulugan sa Pagdurusa

Banal na Kasulatan: Mga Taga-Roma 8:17

 

Ayon sa mga tanyag na mangangaral, kapag sapat ang iyong pananampalataya, maliligtas ka mula sa pagdurusa, at ikaw ay magkakaroon ng marangya at maunlad na pamumuhay. Ang katuruang ito ay sadyang hindi totoo. Narito ang sinasabi ng Banal na Kasulatan tungkol sa pagdurusa. 

Isinulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma 8:17 na ang pagdurusa ay bahagi ng buhay-Cristiano. Para sa mga sinaunang mananamplataya, at kay Pablo mismo, kabilang sa pagbabahaginan ng pagdurusa ang lahat ng uri ng pag-uusig—panlipunan, pang-ekonomiya, at pampisikal. Ang buhay-Cristiano ay hindi nangangako ng kasaganaan; sa katunayan ay pagpupunyagi ang ipinangangako nito.

Ang ilan sa ating mga dalamhati ay bunga rin ng ating mga pagpili. Ang pagdurusang dulot ng ating kasalanan ay kadalasang pinakamahirap dalhin sapagkat ito ay may kalakip na personal na pagsisisi sa mga bagay o sitwasyon na noon ay kayang kontrolin at maaaring iwasan. Maaaring apektado ka dito sapagkat kasalukuyan kang nagdurusa dahil sa mga natural na kinahinatnan ng ilan sa iyong mga pagpili.

Mayroon namang mga pagdurusa na dulot ng iba, dahil sa kanilang pagiging makasarili, pagiging pabaya, o mas malala pa, dahil sa kasamaan at gawaing kriminal. Ang pinakamabuting halimbawang makikita sa Biblia ng ganitong uri ng pagdurusa ay si Jesus—isang inosenteng tao na umako sa mga kasalanan ng sanlibutan at dumanas ng kalunos-lunos na kamatayan.

Tayo ay nahaharap sa pagkamarupok bilang tao kapag nakararanas tayo ng sakit na hindi tayo o ang ibang tao ang may dulot. Minsan ay nahaharap tayo sa isang nakapanlulumong pagsusuri o sa matinding kalamidad at tayo ay pinagpapakumbaba ng ating kahinaan habang tayo ay nagdurusa sa mga kinahinatnan ng mga bagay na wala tayong kontrol.

Napakahirap bigyang kabuluhan ang pagdurusa na hindi mo maisisi sa iba. Pinahihirap nito ang pagbangon at minsan pa nga ay nagiging dahilan ito para tumagal ang ating pagdadalamhati. 

Saan man ito nagmula, normal na bahagi ng karanasan sa buhay ang pagdurusa. Nasaksihan ng mundo ang patunay ng kahirapan mula pa noong katatapos lamang ng simula ng paglalang. Normal ang pagkawasak. Bahagi ng buhay ng tao ang kapighatian. Kung doon nagtapos ang kuwento, ito ay maaaring naging napakalungkot na katapusan naman. Salamat sa Diyos, hindi iyon ang wakas ng walang hanggang kuwento, at hindi dito nagtatapos ang iyong kuwento! Habang ikaw ay nagiging mulat sa mga maling kaisipan at gawi na nagpapatigil sa iyo, maaari mong masimulan ang proseso ng pagdurusang mabuti.

 

Ano ang ilan sa iyong mga personal na karanasan patungkol sa pagdurusa?

 

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

How To Move Through Suffering And Come Back Stronger

Bawat isa sa atin ay tiyak na makakaranas ng pagdurusa sa isang punto ng ating buhay. Bilang isang tagapayo, nakita ko ang mga taong nagdurusa na nabago. Nakita ko iyong mga minsan ay iginupo ng trauma na natuto kung paano ito dalhin. Sa maikling debosyonal na ito, idinadalangin ko na matanto mo na hindi pa tapos ang iyong kwento. Maaaring nakararanas ka ng pagdurusa ngunit maaaari mong dalhin itong mabuti. Marahil ay maitatanong mo, "Anong kasunod?" sa halip na manatili sa pagtatanong ng "Bakit?". Maaari kang maging matatag.

More

Nais naming pasalamatan si Donna Gibbs at Baker Publishing sa pagbabahagi ng planong na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.becomingresilientbook.com/