Paano Lagpasan Ang Paghihirap At Maging Mas Matatag Pagkatapos NitoHalimbawa
Donna Gibbs: Paano Lagpasan Ang Paghihirap At Maging Mas Matatag Pagkatapos Nito Ikalawang araw ng debosyonal
"Bakit?"
Babasahin sa Banal na Kasulatan Santiago 1:2-3
"Bakit?"
Naririnig ko ang maikli ngunit makapangyarihang tanong mula sa aking mga kliyente sa araw-araw. Nakaranas sila ng lalim ng kawalan na hindi maarok. Pakiramdam nila ay namumuhay sila labas sa kanilang mga sarili, nakatingin sa hindi maabot ng isipan. Sa mga magagandang araw, ay sumasabay lang sila sa agos. Sa hindi gaanong kagandahang araw, ay halos hindi sila makakilos.
Kung ikaw ay may pinagdaraanan, alam mo kung ano ang ibig kong sabihin. Marahil ay itinatanong mo rin ang tanong na ito ngayon. Marahil ay hinaharap mo ang pinakamataas na bundok ng iyong buhay sa kasalukuyan. Binigyan ka ng isang pagsubok at naisip mong baka di mo ito kayanin. Nagnanais kang bumalikwas, ngunit kahit ang simpleng pagbangon sa umaga ay napakahirap gawin.
Kung ikaw ay may pinagdaraanan ngayon, at alam na alam mo ang iyong mga kahinaan, maaari mong matutuhan kung paanong magdusa nang may kabuluhan. Hindi mo kailangang magpaalipin sa mga pagsubok. Sa katunayan, maaari mong matutuhan ang mahusay na paraan para makabangon para magpatuloy kang lumaban at lumago bilang tao. Ang pagtatanong ng "Bakit?" ay lumilikha lamang ng hungkag na siklo ng kabiguan. Ang tanong na "Bakit?" ay mali at maaaring siya pang tumukso sa iyo papailalim sa lubak na pinaghihiyawan mong matakasan.
Kaya sa halip na ubusin ang oras mo sa pagtatanong kung bakit tayo nagdurusa, kailangan nating matuklasan kung paano makakaligtas - at paano makakaligtas nang mabuti. Minsan ang ating mga pinagdaraanan, ang pagiging biktima, at ang ating pagdurusa ang nagiging mga tampok na bahaging bumubuo sa ating buhay. Ang depresyon, hiya, pagkabalisa, kapaitan, dalamhati, karamdaman, at pagkalulong ay nagiging komportable at madaling mahulaan pagkalipas ng ilang panahon. Sa sobrang tindi pa nga ay parang hindi na natin malirip ang buhay na walang pagdurusa. Umaabot pa sa puntong natatakot tayo sa buhay na walang pagsubok.
Maaaring naging bahagi na ng iyong araw-araw na pag-iral ang sakit, at nagiging dahilan mo sa bawat kakulangan. Kinakain nito ang iyong oras at atensyon, maging ang iyong pagkakakilanlan. Maaaring takot ka na sa katatagan. Maaaring takot ka nang bumangon. Maaaring nag-iisip ka, Sino ba ako kung walang pagsubok? Ano ang inaasahan ng ibang tao mula sa akin? Ano ang aking silbi, bukod sa pagdurusa?
Ngunit kaya mong bumalikwas. Nagsisimula ito sa pagpapanibago ng iyong pag-iisip at sa pagsasabuhay ng mga mabubuting kakayahan na makakapagpabago sa paraan ng iyong pagdurusa.
Ano ang ibig sabihin ng salitang katatagan para sa iyo? Sa paanong mga paraan mo kaya pinananatili ang iyong sarili na "nakatambay" sa iyong pagdurusa?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bawat isa sa atin ay tiyak na makakaranas ng pagdurusa sa isang punto ng ating buhay. Bilang isang tagapayo, nakita ko ang mga taong nagdurusa na nabago. Nakita ko iyong mga minsan ay iginupo ng trauma na natuto kung paano ito dalhin. Sa maikling debosyonal na ito, idinadalangin ko na matanto mo na hindi pa tapos ang iyong kwento. Maaaring nakararanas ka ng pagdurusa ngunit maaaari mong dalhin itong mabuti. Marahil ay maitatanong mo, "Anong kasunod?" sa halip na manatili sa pagtatanong ng "Bakit?". Maaari kang maging matatag.
More