Kagalakan sa Paglalakbay: Makatagpo ng Pag-asa sa Gitna ng PagsubokHalimbawa
Ang organisasyong pinagtatrabahuhan ko ay nagsasagawa ng isang fundraising sa pamamagitan ng pagtakbo ng 5K taun-taon, at nang nakaraang taon, naging layunin kong tapusin ang buong distansya. Dahil hindi naman ako talagang mananakbo, alam kong kailangan kong simulan ang pagsasanay nang maaga upang magkaroon ako ng resistensyang takbuhin ang buong karera. Ang mga mananakbo ay nagkakaroon ng resistensya sa pamamagitan ng pagtitiis ng isa pang milya kahit gusto na nilang sumuko (o sa kaso ko, tumatakbo ng isang karagdagang minuto... at saka isa pang karagdagang minuto).
Sa parehong paraan, ang mga pagsubok ay nagpapalakas sa ating espirituwal na kalamnan, at ang pagsubok sa ating pananampalataya ay nagbubunga ng katiyagaang magpursigi. Ang bawat karanasan ay nagbibigay sa atin ng mas malalim at mas malakas na pagtitiwala sa Kanya. Ang paglago ay nangyayari lamang kapag napapagtagumpayan ang kahirapan habang matiyagang pinagdaraanan ito.
Isipin ang isang pagsubok sa buhay na inakala mong hindi na kailanman malulutas. Paano ginamit ng Diyos ang pagsubok na iyon? Paano ka Niya itinawid sa pagsubok na iyon? Ano ang natutunan mo habang pinagdaranan ang pagsubok?
Ang mga pagsubok ay mahirap at masakit, ngunit ginagamit pa rin ng Diyos ang mga ito. Ang mga pagsubok ay may potensyal na magbunga ng mabuti sa atin, at sa kadahilanang ito, ang mga ito ay mga pagkakataong magpahayag ng kagalakan.
Halimbawa, heto ang ilan sa mga mabubuti at nakagagalak na bagay na dinala sa akin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsubok na adiksyon ng aking asawa:
- Isang mas matatag na buhay mag-asawa.
- Ang pagkaunawa sa mga limitasyon at sa pagpapatupad ng mga ito.
- Ang matutunan ang ibig sabihin ng pangangalaga sa sarili at pagkatapos ay gawin ito.
- Ang payagan ang aking sariling maramdaman ang aking mga damdamin at iproseso ang mga ito sa pamamaraang makabubuti.
Ang kagalakan ay hindi nakaugat sa mga sitwasyon sa buhay; ito ay ang tahimik na kumpiyansa sa isang dakilang Diyos na gumagawa para sa ating ikabubuti kahit pa hindi natin makita kung paano agad at masusumpungan lang natin ang kagalakan sa pagbabalik-tanaw.
Sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan ngayon, alalahanin ang kagalakang iyon...
- ay mula sa Diyos Mismo (Mga Taga-Galacia 5:22-23)
- ay alam na may layunin mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok. (Jeremias 29:11)
- ay matatagpuan sa piling Niya (Awit 16:11)
- ay ang ating nakatagong lakas (Nehemias 8:10)
Magkakaroon tayo ng mga pagsubok at paghihirap, ngunit ikaw at ako ay maaaring mamili sa mga pagsubok na iyon. Maaari tayong makahanap ng kagalakan sa pagsubok sa pamamagitan ng pagkatuto, paglago, at pagtitiwala sa Diyos. . . o maaari tayong pumalag at labanan ang pagsubok - na magdadala sa atin sa isang daanang mahirap, malupit, bako-bako, at hindi kasiya-siya.
Alin ang pipiliin mo?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Maaaring hindi natin ito laging nakikita o nararamdaman, ngunit ang Diyos ay lagi nating kasama... kahit pa tayo ay dumaranas ng mga kahirapan. Sa gabay na ito, ang Finding Hope Coordinator na si Amy LaRue ay sumusulat mula sa kanyang puso tungkol sa pakikibaka ng sariling pamilya sa adiksiyon at kung paanong namayani pa rin ang kagalakan ng Diyos sa pinakamadilim na yugto ng kanilang buhay.
More