Kaligayahan! sa Iyong Mundo! Isang Pagbibilang Hanggang Sumapit ang PaskoHalimbawa
Marahil ay halos isang linggo ring nilakbay nina Maria at Jose ang 80 milya mula sa Nazareth papunta sa Bethlehem dahil sa nalalapit na panganganak ni Maria. Bagama't ang panahon ng kanilang paglalakbay ay isang sagabal, maaaring nakatulong din ito na mailayo sila sa mga makakating dila na madalas magtipon sa balon ng kanilang nayon at marahil ay nagbibilang ng buwan kung kailan siya manganganak. Kinailangang maglakbay nina Maria at Jose mula sa kanilang bayan upang magpatala sa sensus ayon sa kautusan ni Cesar Augusto.
Habang papasok sina Maria at Jose sa Bethlehem, ang daan ay punung-puno ng mga tao. Sa mga panahong nagigitgit si Maria ng mga tao ay marahil una niyang naramdam ang pagsakit ng tiyan na hudyat na malapit na siyang manganak. Maaaring pumutok na ang kanyang panubigan sa masikip na kalsada, at nabasa ang kanyang damit at ang asno na kanyang sinasakyan.
Tahimik kaya niyang sinabi habang sumasakit ang kanyang tiyan ang, "Jose! Pakihanapan mo ako ng lugar na mapapagpahingahan"?
Walang natagpuan si Jose maliban sa kuweba... isang kamalig... isang sabsaban na kailangan niyang mabilisang ihanda para sa pagdating ng kanilang Anak.
Maaaring siksikan din sa kuwadra ang mga hayop na dala ng mga taong bumibisita. Tiyak na ito'y umaalingasaw sa dumi at ihi ng mga hayop, at nakikinita ko ang hirap ni Jose na makahanap ng malinis na lugar sa mga dayami. Maaaring may isa o dalawang dagang mabilis na nagsipagtakbuhan sa takot habang isinasaayos ni Jose ang lugar para kay Maria, at naglagay ng isang sabsabang gawa sa dayami para sa nalalapit na pagdating ng sanggol. Ngumangata ng dayami ang mga baka at umuunga ang mga tupa habang sumasakit ang tiyan ni Maria at siya'y dinudugo. Sa ganitong mababang uri at maruming kapaligiran dumating ang Tagapagligtas ng sandaigdigan!
Humihinto sa pagtibok ang aking puso tuwing naiisip ko ang kaakit-akit na mukha ng napakabatang ina sa unang pagkakataong nakita niya ang kanyang Anak na lalaki! Ang mukha ng Diyos ang kanyang pinagmamasdan... at pinagmamasdan din Niya siya. Hinawakan ng maliit na kamay ng Diyos ang daliri ni Maria at hinawakan din Niya ang kanyang puso.
Siya ay kanyang Anak... ngunit Siya ay Panginoon din niya. Siya ang Sanggol niya... subalit Siya rin ang kanyang Hari.
Hindi niya maialis ang kanyang mga mata sa Kanya, napakatindi ng kanyang pagmamahal para sa Batang ito. At ang pinakamalaking himala sa lahat... ay hindi Niya maialis ang Kanyang mga mata sa kanya dahil sa tindi ng Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan.
Huwag mong ialis ang iyong mga mata sa tunay na kahulugan ng Pasko. Dapat mong malaman na nang si Jesus ay ipinanganak... Siya'y ipinanganak para sa iyo. Hayaan mong balutin ng pagmamahal ng Sanggol na nasa sabsaban ang iyong puso.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Pasko ang panahon kung kailan natin inaasahan ang pagdating ng kalangitan sa ating maalikabok at maruming mundo. Ang Pasko ay ang panahon na nagpapaalala sa ating lahat na tunay ngang may nagaganap na mga himala, na ang mga panalangin ay natutugunan at ang kalangitan ay isang sagot lamang ang layo. Sa pamamagitan ng mga karanasan nina Maria, Jose, Zacarias at Elizabet, ng mga pastol at mga lalaking pantas, sinisiyasat ng debosyonal na ito ang kahalagahan ng unang Pasko at kung paano ito bumabagtas sa ating mga buhay sa ngayon.
More
Nais naming pasalamatan si Carol McLeod at ang Just Joy Ministries sa pagbibigay ng debosyonal na ito. Para sa mga karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang: www.justjoyministries.com