Mabuhay Sa Pamamagitan ng Banal na Espiritu: Mga Gabay na Babasahin ni John PiperHalimbawa
Pinupuno Tayo Ng Kagalakan Ng Banal Na Espiritu
Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. —Mga Taga-Efeso 5:15-18
Bakit napapabaling ang mga tao sa pag-inom ng alak? Para sa masayang oras. Lahat tayo ay gustong maging masaya, ngunit may problema: "punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon" (v. 16).
Saan ka bumabaling kapag ang mga araw ay punung-puno ng kasamaan, kapag natatakot ka o pinanghihinaan ng loob o matindi ang kalungkutan o nababalisa? Nakikiusap si Pablo sa atin: "Huwag kang bumaling sa alak; bumaling ka sa Banal na Espiritu. Anumang halaga na madadala sa iyo ng alak, ay maibibigay sa iyo ng Banal na Espiritu ang higit pa."
May mga taong hindi makasipol ng masayang himig o makaawit ng kanta sa trabaho dahil masyado silang tensiyonado at balisa sa buhay. Ngunit pagsapit ng gabi kapag sila ay nasa taberna na at nakainom na ng ilang boteng alak ay maaari na silang magpakasaya at kumanta at tumawa.
Lahat tayo ay nagnanais na maging masaya, walang pumipigil, at maligaya. At ang tumitinding kapahamakan sa panahon natin ngayon, katulad din noong panahon ni Pablo, ay ang pagdami ng mga tao (maging mga Cristiano) na naniniwala na ang tanging paraan upang magkaroon sila ng kalayaang tulad ng sa isang bata ay ang magpakalulong sa alak. Ang ganitong gawain ay nakasisira sa kapurihan ng Diyos, kaya sinasabi ni Pablo: May mas magandang paraan upang mapagtagumpayan ang mga napakasamang panahon—maging puspos ng Banal na Espitiu, at mararanasan mo ang walang kapantay na kagalakan na umaawit at gumagawa ng himig para sa Panginoon.
Kaya, ano nga bang ibig sabihin ng pagiging puspos ng Espiritu?
Ang Banal na Espiritu na pumupuno sa atin ay ang Espiritu ng kagalakan na patuloy na dumadaloy sa Diyos Ama at Diyos Anak dahil sa kalugurang mayroon sila sa isa't-isa. Kung magkagayon, ang mapuspos ng Banal na Espiritu ay ang madala ka sa kagalakan na dumadaloy sa Banal na Tatlong Persona at ang mahalin ang Diyos Ama at ang Diyos Anak ayon sa pag-ibig na mayroon sila sa isa't-isa.
Ang daan na ginagawa ng Banal na Espiritu sa gitna ng kasukalan ng ating kabalisahan patungo sa kaliwanagan ng kagalakan ay ang daan ng pananampalataya. Ayon kay Pablo, ang paraan upang mapuspos ng Banal na Espiritu ay sa pamamagitan ng pagtitiwala na ang Diyos ng pag-asa ang tunay na naghahari—na walang ibong maya na mahuhulog sa lupa na wala sa Kanyang kalooban (Mateo 10:29)—at pinatatakbo Niya ang mundo para sa iyo at para sa lahat ng nagtitiwala sa Kanyang Salita. Sa paniniwala mo rito, mapupuspos ka ng Banal na Espiritu at ng kagalakan.
Para sa karagdagang matututunan: http://www.desiringgod.org/messages/be-filled-with-the-spirit
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
7 Debosyonal na Babasahin mula Kay John Piper Tungkol sa Banal na Espiritu
More