Mabuhay Sa Pamamagitan ng Banal na Espiritu: Mga Gabay na Babasahin ni John PiperHalimbawa
Nilulupig ng Banal na Espiritu ang Takot
Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa, sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin. Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu, at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain. —Isaias 44:3
Alam mo ba kung bakit mas madaling maging mabait sa mga tao kapag Biyernes kaysa sa araw ng Lunes? Hindi ba ito ay dahil ang pag-asa ay parang ilog na dumadaloy sa atin mula sa isang maliwanag na hinaharap, at pinupuno ang ating sisidlan ng kagalakan, at pagkatapos ay umaapaw ng kabutihan para sa ibang tao?
Kapag Biyernes, ang pahinga at paglilibang ay nariyan na, napakalapit na parang maaamoy mo na. Sa pamamagitan ng pag-asa ay nalalasahan natin ang kapangyarihan ng Sabado at Linggo na paparating. Ang maliit na sisidlan ng ating kagalakan ay nagsisimulang mapunan. At kapag ang Sabado at Linggo ay mukhang maliwanag, ang ating sisidlan ng kagalakan ay mapupuno at magsisimulang umapaw.
Ang pag-apaw ng kagalakang ito patungo sa ibang tao ay tinatawag na pagmamahal. Kaya mas mabait ka sa mga tao kapag masaya ka tungkol sa iyong hinaharap. Pinupuno ka ng pag-asa ng kagalakan, at ang kagalakan ay umaapaw sa pamamagitan ng mga ngiti at mababait na pananalita at mga gawain ng pagtulong. Nangyayari ito bago magbakasyon, bago ang mga kaarawan, bago mag-Pasko, at sa maraming tao ay kapag araw ng Biyernes.
Kapag tayo ay puspos ng Banal na Espiritu, tayo ay puspos ng katiyakan na ang mga Lunes ay ginawa sa langit katulad din ng Biyernes. Anumang tila nakakatakot sa kinabukasan ay hindi kailangang maging nakakatakot kung ikaw ay puspos ng Banal na Espiritu. Ang mga ugnayan sa tahanan ay maaaring tensiyonado, maaaring ang kalusugan ay hindi bumubuti, ang iyong amo ay maaaring nagbabalak na sisantehin ka, ang bukas ay maaaring magdala ng nakakatakot na paghaharap—anuman ang nagdadala ng pagkabalisa sa iyo patungkol sa bukas, buksan mo ang iyong puso sa pagbubuhos ng Espiritu ng Diyos; masdan ang Kanyang salita ng pangako at pupunuin ka Niya ng pag-asa at lulupigin ang iyong takot.
Kapag ang Banal na Espiritu ay ibinuhos, hindi lamang nawawala ang ating mga takot kundi ang mga inaasam natin ay natutugunan. Ang pagkauhaw ng kaluluwa para sa Diyos ay napapawi—o nakakatikim tayo ng sapat na kasiyahan sa Kanya upang malaman natin kung saan tayo kukuha ng maiinom sa buong buhay natin.
Ang ating hinaharap ay maaring tila mapanglaw dahil sa dalawang kadahilanan: ang una ay ang pananaw na ang kahirapan ay paparating; ang pangalawa ay ang pananaw na ang kaligayahan ay hindi darating. At hindi nga ba ang halos lahat ng ginagawa ng puso ng tao ay nauubos sa dalawang bagay na ito: takot sa mahirap na hinaharap at ang pagkauhaw sa kaligayahan sa hinaharap? Kung ganoon, ang pangako ni Isaias ang kailangan natin: kapag ang Banal na Espiritu ay ibinuhos sa ating puso, ang takot ay nawawala at ang pagkauhaw ay natutugunan. Kung kaya, hinihimok kita, kung inaasam mo ang paghipo ng Espiritu ng Diyos sa buhay mo, ilaan mo ang iyong sarili sa pagbabasa ng Banal na Salita sa araw at gabi.
Para sa karagdagang matututunan:http://www.desiringgod.org/messages/a-precious-promise-the-outpouring-of-gods-spirit
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
7 Debosyonal na Babasahin mula Kay John Piper Tungkol sa Banal na Espiritu
More